St. Expeditus: Patron Saint of Speedy Causes

Image
St. Expeditus:  Patron Saint of Speedy Causes The venerated image of St. Expeditus in  the Lipa Cathedral In the Metropolitan Cathedral of St. Sebastian in Lipa City is a venerated image of a young Roman Centurion saint named Expeditus. Every month of April, a nine day novena in his honor is held in the cathedral that culminates in the celebration of his feast day on the 19th of the month. Who is this saint whose intercession was also invoked in the Oratio Imperata  to avert a catastrophic eruption of Taal Volcano prepared by the Archdiocese of Lipa when the volcano exhibited extra-ordinary activity early  in January, 2020?  St. Expeditus could have found affinity with the Lipenos since the martyr shares a lot of commonality with St. Sebastian, the city’s patron. St. Expeditus, like St. Sebastian was also a young Roman soldier who converted to Christianity and was also martyred as a consequence, during the period of Diocletian persecution.  Hence, a devo...

Mga Banal na Pilipino: Ano ang sinasabi ng mga datos

Mga Pilipinong Banal ng Simbahan Source: Wanted Filipino Saints FB Page

Sa post na ito, gusto ko naman i-share ang ilan sa mga nadiskubre ko sa aking pag-aaral sa mga banal ng Simbahan dito sa Pilipinas bilang requirement sa subject kong Philippine Church History noong nag-aaral pa ako ng Theology. Sana makapagbigay insight sa mga nag-nanais ng mas malalim na pag-aaral tungkol sa paksang ito, since this is just a preliminary and exploratory study. Hopefully, mas maraming magkaroon ng interes dito at magsagawa ng mas malalim at kumprehensibong pag-aaral at pagsusuri. 

Ang aking mga nakalap na pangalan ay hindi ko pwedeng sabihing tumutukoy o kumakatawan sa kabuuan ng mga Pilipinong modelo ng kabanalan para sa kasalukuyan. Sila lamang yaong may maraming mga mapagkukunan ng impormasyon tungkol sa kanilang talambuhay at mayroong mga petitioner o actor ng kani-kanilang causes of beatification and canonization. At sigurado akong marami pang mga Pilipinong banal na hindi pa rin nakikilala dahil sa kalulangan ng mga impormasyon sa kanila at ng mga tao o grupo na magtutulak para pasimulan ang kanilang mga Cause.

Narito ang buod ng aking isinagawang pag-aaral:

1.  Kasarian ng mga Pilipinong Banal

Base sa kasarian, sa 22 na kandidato sa pagiging santo at santa na kasali sa pag-aaral, bahagyang na-ungusan ng mga kalalakihan ang mga kababaihang kandidato (13 na lalaki kumpara sa 9 na babae) ang datos na ito ay hindi naiiba sa over-all trend sa pangkalahatang Simbahang Katoliko. Sa canon ng mga santo ng Pangkalahatang Simbahan na matatagpuan sa Roman Calendar, kapansin-pansin na mas marami ang bilang ng mga Santo kaysa mga Santa.

2.  Cause ng Pagiging Santo

Kung pagbabasihan naman ang Cause ng kanilang pagiging santo, di tulad ng mga naunang dalawang Santong Pilipino na sina Lorenzo Ruiz at Pedro Calungsod, karamihan sa mga kandidatong Pilipino sa pagkasanto ay namatay in fama sanctitatis (may reputasyon ng kabanalan) na kumakatawan sa 17 sa mga kandidato. Sa 5 na nalalabing kandidato, 4 ang namatay na martir o in odium fide uti fertur (pinatay dahil sa pagkasuklam sa pananampalataya) Sila ay sina Blessed Jose Maria de Manila, Fr. Francesco Palliola at Bishop William Finnemann. Si Blessed Justo Takayama Ukon, bagama't pumanaw dahil sa sakit o natural na kadahilanan, ay itinuturing ding martir sapagkat hinubad niya ang karangalan bilang isang Samurai at inialay ang kanyang buhay dahil sa kanyang pananampalataya. Samantalang ang nahuhuli, Si Bro. Richie Fernando ay maaaring pumasok sa isang kategorya na ipinakilala ni Papa Francisco, ang “offer of life” na nauukol sa taong buong kalayaan at kabayanihang inialay ang buhay para sa kanyang kapwa.

Sa kategorya na ito na may pagkakatulad rin sa tinatawag na “Martir ng Pag-ibig” na terminong ginamit ni Papa Juan Pablo II upang tukuyin ang pag-aalay ng buhay ni San Maximillian Kolbe noong siya ay i-canonize bilang martir ng Simbahan, maaring pumasok ang ilan pang mga Pilipinong banal kagaya ng mga tinatawag na “Cassandra martyrs” - 12 na mga madre, pari at misyonerong layko na inialay ang kanilang buhay sa pagliligtas ng mga biktima ng lumubog na MV Dona Cassandra noong 1983.

Marami ring mga kaso ng mga paring nagbuwis ng kanilang mga buhay bilang martir sa Mindanao.  Kabilang sa kanila sina Bishop Benjamin de Jesus, Fr. Benjamin Inocencio, Fr. Jesus Reynaldo Roda, Fr. Rhoel Gallardo, Fr. Tulio Favali, Fr. Salvatore Carzedda, Fr. Fausto Tentorio at marami pang iba na karamihan ay mga paring misyonero na nakaestasyon sa iba't ibang misyon sa Mindanao.

Maari rin nating pagtuunan ng pansin ang mga kaso ng mga Kapampangang martir na sina Juan de Guerra na isang mandaragat na sinasabing pinugutan ng ulo sa Nagazaki tatlong taon matapos ang pagpatay kay San Lorenzo Ruiz at sina Nicholas de Figueroroa at Felipe Songson na kasama nina San Pedro Calungsod at Blessed Diego Luis de San Vitores sa misyon sa isla ng Marianas.  Si Figueroa ay namatay sa pakikipaglaban sa mga katutubo at si Songson naman nagtamo ng mga sugat ngunit namatay  ilang araw pagkatapos ng pag-atake ng mga katutubo habang lulan ng barko pabalik sa Pilipinas.  

3. Estado ng Cause of Beatification and Canonization

Sa estado ng kanilang mga causes of sainthood, 2 sa mga kandidato ang blessed, 8 ang venerable at 12 naman ang Servant of God. Marami pang ibang naghihintay ng pagbubukas ng unang bahagi ng proseso – ang diocesan inquiry na mangangailangan ng masusing pangangalap ng mga dokumento at testimonya tungkol sa buhay at mga sinulat ng kandidato para sa pagiging santo o santa. Marami pa rin ang hindi masimulan dulot ng maraming kadahilanan  gaya ng sino ang aaktong petitioner o actor ng cause, kakulangan sa dokumentasyon o kawalan ng mga witnesses o testigo, at ang malaking gastusing kakailanganin upang tustusan ang proseso na labis na mabusisi at maaring bumilang ng maraming taon.

Masasabing kumpara sa ating mga kapit-bansa sa Asya, kakaiba rin ang landas na tinahak ng Pilipinas sa proseso ng paghahanda ng mga causes for beatification. Sa Pilipinas, lahat ay indibidwal (maliban na lamang sa magkapatid na Talagpaz) ang paglalahad ng mga Causes at karamihan ay namatay in fama sanctitatis. Sa ibang mga bansa sa Asya, ang karamihan ay ipinapasa ng grupuhan sapagkat halos silang lahat ay mga martir ng pananampalataya at nakaranas ng persekyusyon sa mga Kristiyano sa kasaysayan ng kanilang bansa.

4.  Estado ng Pamumuhay / Bokasyon ng mga Banal na Pilipino

Sa mga banal na Pilipino, 9 ang babaeng relihiyoso, 4 ay Obispo, 5 ay pawang mga paring relihiyoso, 1 ay paring diyosesano, ang 1 pa ay relihiyoso na nasa proseso ng paghuhubog para sa pagkapari, at ang natitirang dalawa naman ay layko. Sa siyam na mga babaeng relihiyoso, lahat, maliban sa isa (Sr. Dalisay Lazaga) ay tagapagtatag o nagsimula ng kani-kanilang beaterio o kongregasyon. Sa apat na Obispo, 3 ay mga paring diyosesano na mga pawang nagtatag ng mga kongregasyon ng mga madre, at ang nalalabing 1 ay relihiyosong martir noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig (Bishop William Finnemann).  Sa 5 na paring relihiyoso, dalawa ay namatay bilang mga martir ng pananampalataya, Si Blessed Jose Maria de Manila na namatay sa panahon ng digmaang sibil sa Espanya at ang Italyanong Servant of God, Fr. Francesco Palliola na pinatay sa Mindanao.  Ang sumunod na 2 ay nasa linya ng administrasyon ng kanilang kongregasyon at paghuhubog ng kanilang mga kasapi (Fr. Joseph Aveni at Fr. Carlo Braga) at ang isa naman ay responsible sa pamamahala at sa pagpapalago ng sangay ng isang Pandaigdigang samahan ng mga kalalakihang layko sa Pilipinas (Fr. George Willmann). Ang nagiisang paring diyosesano, Si Monsignor Aloysius Schwartz, ay nasa larangan ng pagkakawanggawa at tagapagtatag ng kongregasyon ng Sisters of Mary at Brothers of Christ. Ang isang relihiyoso naman (Bro. Richie Fernando) na nasa proseso ng paghuhubog sa pagpapari na nakadistino sa Cambodia ay nag-alay ng kanyang buhay upang iligtas ang mga estudyante sa pagsabog ng isang granada.  Ang una sa dalawang layko naman ay biktima ng persekyusyon sa mga Kristiyano sa kanilang bansa kung kaya’t siya ay napadpad sa Maynila (Blessed Justo Takayama Ukon) at ang huli naman ay isang kabataang may kapansanan (Servant of God Darwin Ramos).

Malilimi na sa 22 na banal na Pilipino, 12 ay tagapagtatag ng mga kongregasyon. Kauna-unahan sa kanila ay si Venerable Ignacia del Espiritu Santo na nagtatag ng Religious of the Virgin Mary, ang pinaka-unang kongregasyon ng mga madreng Pilipino at ang pinakamalaking kongregasyon base sa bilang ng mga miyembro sa Pilipinas na may misyon din sa 7 pang ibang mga bansa.  Halos lahat sa mga itinatag na kongregasyon ng mga Pilipinong banal, maliban sa isa, ay ginawaran na ng Simbahan ng Pontifical Approval at may mga misyon din sa iba't ibang bansa.  Marami rin sa kanila ang mayroon nang mga kasaping mga banyaga.

Bagama't pinakamarami ang bilang ng mga babaeng relihiyoso (9 na kandidato), wala ni isang babaeng layko na pumasok sa ating preliminaryong pag-aaral, wala ring babaeng namatay in odium fide uti fertur.  Sa mga kababaihang layko, maaring pumasok si Hermana Fausta Labrador na  tinaguriang "Ina ng Lucena" at tagapagtatag ng Sacred Heart College sa Lucena, Quezon at si Laurena "Ka Luring" Franco na isang katekista buhat sa Taguig.  Nariyan din si Vicenta "Ka Tikang" Bautista, (+1908) isang Dominican Tertiary na taga Sta. Ana, Maynila na nagpupunta sa Lipa upang doon ay magbigay ng paghuhubog sa mga kababaihang kasapi ng Kapisanan ng Lourdes.  Noong taong 1965, sinubukang buksan ni Bishop Alejandro Olalia, noo'y obispo ng Lipa ang Cause for Beatification ni Vicenta Bautista ngunit hindi ito umusad sa hindi tiyak na kadahilanan.

Marami rin sa mga banal na Pilipino ay masasabing nasa kabataan pa (mababa sa apat na pung taon ang edad) nang sila ay pumanaw gaya nina Darwin Ramos (17), Bro. Richie Fernando (26), Sr. Dalisay Lazaga (30), Fr. Francesco Palliola (36) at Madre Cecilia Rosa Talagpaz (38).  Ang mga nasabing banal ay maaring maging inspirasyon sa mga kabataan sa kasalukuyan na yakapin ang buhay paglilingkod sa Simbahan at kabanalan.  

5.  Nasyonalidad ng mga Pilipinong Banal

Sa pamantayan ng nasyonalidad, Sa 4 sa mga Pilipinong banal na Espanyol, dalawa ay mga madre na namuhay at nagmisyon sa Pilipinas nang maraming taon, dito na pumanaw at dito na rin inilibing. Si Madre Jeronima de la Asuncion ay kinikilalang nagpasimula ng buhay reihiyoso sa mga kababaihan sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagtatatag ng kauna-unahang monasterio ng mga mongha sa bansa at sa buong Malayong Silangan at si Madre Consuelo Barcelo na tagapagtatag ng Augustinian Sisters of Our Lady of Consolation.   Ang 2 pa ay pawang mga Espanyol din na ipinanganak dito sa Pilipinas ngunit nagbalik sa Espanya. Si Fr. Jose Maria de Manila na naging isang paring Capuchino at martir  ng pananampalataya at Si Madre Isabel de Larranaga na nagtatag ng isang kongresyon ng mga madre sa Espanya. 3 ay mga Italyanong mga pari. Ang una ay martir ng pananampalataya sa Mindano, Si Fr. Francesco Palliola at ang dalawa naman ay nagtrabaho sa administrasyon at naging mga tagahubog sa mga seminarista ng kanilang kongregasyon. May 2 na mga Amerikano na ang isa ay paring relihiyoso at ang ikalawa naman ay paring diyosesano.  May 1 rin na Aleman na Obispo na martir sa Mindoro. Mayroon ring isang Hapones na biktima ng persekyusyon sa tumakas sa pag-uusig ng mga Kristiyano sa kanilang bansa. Labing isa naman sa mga banal na Pilipino ay mga puro o mestisong Pilipino.

Paglalagom

Maraming mahihinuha sa ipinapakita ng mga datos.  Una, taliwas sa naunang dalawang Pilipinong Santo na pawang mga layko, karamihan sa mga Pilipinong Banal na ginawaran ng paunang pormal na pagkilala ng Simbahan ay mga pari, madre, at relihiyoso.  Nangangahulugan ba ito ng kakulangan sa mga banal na Pilipinong layko?  Marahil ay hindi.  Sa isang banda, marami ang mga pari, madre at relihoyoso na nasa proseso na ang cause ng beatification at canonization sapagkat mayroon nang siguradong magtatrabaho o gagawa ng mga kinakailangang rekisitos at magtutustos sa gastuhin sa katauhan ng kanilang mga kongregasyon.  Mayroon silang mga resources at mga taong pwedeng i-mobilize para asikasuhin ang Cause.  May mga records din o tala na maaring madaling makuha sa mga "archives" ng mga nasabing kongregasyon lalu na't kung ang isinusulong na kandidato sa pagkasanto ay namuhay sa kontemporaryong panahon. Sa kalagayan naman ng mga obispo, nariyan ang mga diyosesis na kanilang pinaglingkuran o kung saan sila isinilang.  Paano naman ang mga layko? Sino ang magsisimula o maglalakas loob na ipanukala ang pagsusulong ng kanilang Cause? Saan hahagilapin ang mga dokumento?  Lubhang magastos, nakakapagod, at mahaba ang proseso ng pagsusulong tungo sa pagkilala sa isang tao bilang isang Santo o Santa.

Kapansin-pansin rin ang kakulangan o halos kawalan ng mga kinikilalang banal na Pilipino noong ika-19 na siglo (1800 - 1899).  Bagama't may mga banal na Pilipino na ipinanganak noong mga panahong ito lalo na sa huling bahagi ng ika- 19 na siglo, dalawa lamang ang masasabing nasa wastong gulang na noong mga taong ito - si Madre Consuelo Barcelo na unang dumating sa Pilipinas noong Oktubre 1883 upang pasimulan ang Asilo de Mandaloya at si Madre Isabel Larranaga na noong mga panahong iyon ay sa Espanya na naninirahan. Marahil, kailangan ang mas masugid na pananaliksik sa bahaging ito ng kasaysayan upang hanapin ang mga "natatagong" Pilipinong banal sa mga panahong ito o maunawan kung ano ang kadahilan ng nasabing kakulangan o kawalan.  Kapansin-pansin na marami sa mga Banal na Pilipino ay nabuhay sa pagitan ng ika- 17 hanggang ika- 18 siglo pagkatapos ay nagkaroon ng putol o gap noong ika-19 na siglo.  Muling nasaksihan ang mga banal na Pilipino noong ika-20 at ika-21 siglo.

Maganda ring tingnan ang panahon ng pananakop ng mga Hapones o ang ikalawang digmaang pandaigdig sapagkat marami ring mga pangalang lumulutang sa yugtong ito ng ating kasaysayan na sinasabing martir ng pananampalataya,  pinatay in odium fide uti fertur.  Ilan sa kanila ay ang mga La Salle Brothers na minasaker sa kanilang kapilya sa La Salle Taft at ang mga Missionary Sisters Servants of the Holy Spirit na namatay sa pagpapasabog ng bomba sa simbahan ng Sto. Tomas, Batangas. Ngunit kinakailangan munang kilatisin nang mabuti kung sila ba ay mga bayani, martir o mga inosente lamang ding biktima ng nasabing digmaan.

Marami rin sa mga Pilipinong Banal ay namatay in fama sanctitatis (may reputasyon ng kabanalan).  Marahil naiiba tayo sa ating mga kapit-bansa gaya ng Vietnam, Korea, China at Japan sapagkat naging iba rin ang takbo ng kasaysayan ng paglaganap ng Kristiyanismo sa atin kaysa sa kanila.  Sa Pilipinas, buong pusong niyakap ng mga unang Pilipino ang Kristiyanismo. Walang gaanong grupo na ganoon kakapangyarihan ang umusbong upang ipagbawal o limitahan ang pagpapahayag ng pananampalataya ng mga tao.  Ngunit iba rin ang sitwasyon sa Mindano kung saan hindi iilang bilang na ng mga pari, madre at misyonerong layko ang nag-alay ng buhay para sa pananampalataya.  Ang iba ay kilala natin ngunit marami sa kanila ang nananatiling "unknown" o "anonymous".  Muli, ang pangangailangan sa dokumentasyon tungkol sa kanilang buhay at martyrdom. 

Marami rin o kalahati, sa mga Pilipinong Banal na kasali sa pag-aaral na ito ay mga dayuhan na sa kabila ng kanilang hindi pagiging Pilipino ay naglaan ng kanilang buhay sa paglilingkod sa ating mga kababayaan at masasabi na ring mga Pilipinong tulad natin sa pagmamahal sa ating mga kababayaan at sa pagtataguyod ng kanilang kapakanan.

Napakarami pang mga pangalan ng mga Pilipinong banal ang nagsusulputan sa internet ngunit ayaw ko na munang magbigay ng aking ebalwasyon o judgment tungkol sa kanila habang wala pang masusing pag-aaral na naisagawa tungkol sa kanilang buhay at kabanalan. 

Bilang pagwawakas, masasabi ko na hindi nagkukulang ang Simbahan sa Pilipinas sa mga banal na maaring kilalanin at bigyan ng tamang pagpaparangal sa Pangkalahatang Simbahang Katoliko.  Ebidensya nito ang patuloy na pagsulpot ng napakaraming mga pangalan na isinusulong ang Cause ng Beatification mula sa iba't ibang sulok at dako ng bansa at ang lumalaking interes ng pag-aaral sa larangan o aspetong ito ng pagiging Simbahan sa Pilipinas.    

Sa ngayon, dahil sa tulong ng teknolohiya at internet, madali nang naipababatid at naipakikila sa madla ang buhay ng mga Pilipinong Banal.  Ang hamon ay nasa gagawa ng pangangalap ng mga datos ukol sa buhay at mga isinulat ng maaring maging kandito ng kabanalan at magsasagawa ng mga panayam upang kunin ang salaysay ng mga testigo at ang masusing dokumentasyon ng mga ito.   
Magandang napapag-usapan ang paksain ukol sa mga Pilipinong Banal lalo na't malapit na nating ipagdiwang sa taong 2021 ang ika-500 taon ng pagdating ng Kristyanismo sa Pilipinas na may temang "Gifted to Give".  

Makikita sa pamamagitan ng mga Pilipinong banal ang ating pag-unlad at paglago bilang isang Simbahan.  Mula sa pagiging Simbahan na tagatanggap (receiving Church), tayo ngayon ay nagigi na ring Simbahan na nagbibibgay (giving Church)  na isang malinaw na indikasyon na we have matured as a Church at patunay dito ang buhay at pagsaksi ng ating mga Pilipinong Banal ng Simbahan at ang patuloy na pagbibigay at pagpapadala ng lokal na Simbahan sa Pilipinas ng mga misyonerong relihiyoso at layko, ad gentes sa iba't ibang panig ng daigdig para sa gawain ng ebanghelisasyon. 

Maganda ring  pagtuunan at bigyan ng pagkilala ang isinasagawang pagpapalaganap ng pananampalataya ng ating mga kababayang OFW na siyang nagbibigay buhay at sigla sa mga Simbahang Katoliko kung saan sila matatagpuan.  Sila ngayon ang makabagong mga misyonero na nagdadala ng mabuting balita sa bawat panig at sulok ng daigdig.  

Sa huli, may pormal man na pagkilala ng Simbahan o wala, patuloy ang pag-usbong ng mga Pilipinong Banal sa lahat ng dako  na nagbibigay ng ibayong sigla sa Simbahan at nagbibigay inspirasyon lalo na sa mga kabataan tungo sa buhay paglilingkod at pagpapakabanal.  Mabuhay ang Simbahan sa Pilipinas!

Para sa talambuhay ng mga Pilipinong banal, i-click lamang ang link na matatagpuan sa kanilang pangalan. 

Mga Pilipinong Banal

Mga Blessed

Blessed Jose Maria de Manila, OFM Cap.
Blessed Justo Takayama Ukon (Laykong Hapon)

Mga Venerable

Ven. Rosario de la Visitacion Arroyo (Tagapagtatag ng OP Molo)
Ven. Consuelo Barcelo (Tagapagtatag ng ASOLC)
Ven. Jeronima de la Asuncion de Fuente (Tagapagtatag ng Monasteryong Clarisas sa bansa)
Ven. Francisca del Espiritu Santo de Fuentes (Tagapagtatag ng OP Sienna)
Ven. Ignacia del Espiritu Santo Iuco (Tagapagtata ng RVM)
Ven. Isabel Larranaga (Tagapagtatag ng Hermanas Corazonistas)
Ven. Alfredo Maria Obviar (Obispo ng Lucena, tagapagtatag ng MCST)
Ven. Aloysisus Schwartz (Paring Diyosesano, Tagapagtatag ng Sisters of Mary)

Mga Servants of God

Servant of God Fr. Joseph Aveni, RCJ
Servant of God Fr. Carlo Braga, SDB
Servant of God Bishop Teofilo Camomot
Servant of God Bro. Richie Fernando, SJ
Servant of God Bishop William Finnemann, SVD
Servant of God Sr. Dalisay Lazaga, FdCC
Servant of God Fr. Francesco Palliola, SJ
Servant of God Darwin Ramos (Kabataang Layko)
Servant of God Madre Cecilia Rosa de Jesus Talagpaz
Servant of God Madre Dionisa de Sta Maria Talagpaz
Servant of God Bishop Alfredo Verzosa
Servant of God George Willmann, SJ


Comments

  1. Kung pag-uusapan yung mga martir, baka pwede ring ibilang ang mga martir noong dekada 70-90 na namatay para sa mga social cause. Na-beatify na sina Oscar Romero, Stanley Rother, Enrique Angelelli, atbp. Siguro pwede ring ma-beatify sina Carl Schmitz, Sofronio Roxas, Alex Garsales at Herman Muleta.

    ReplyDelete
  2. Hello. Maari naman po siguro. Kaya lang, una sa lahat, kailangan ng actor o petitioner na siyang magsusulong ng cause. Pag wala po, mahirap mangyari iyan. Para po sa detalye ng proseso ng beatification, pwede nyo pong i-click ang link na ito. https://usapangbokasyon.blogspot.com/p/marahil-itatanong-mo-paano-nga-ba-ang.html

    ReplyDelete

Post a Comment

Popular posts from this blog

Laureana "Ka Luring" Franco: The Holy Catechist of Manila

Lipa City: The Little Rome of the Philippines

Popular Religiosity and Festivals: And They Danced with Joy before the Lord: The Subli Festival of Bauan, Batangas