St. Expeditus: Patron Saint of Speedy Causes

Image
St. Expeditus:  Patron Saint of Speedy Causes The venerated image of St. Expeditus in  the Lipa Cathedral In the Metropolitan Cathedral of St. Sebastian in Lipa City is a venerated image of a young Roman Centurion saint named Expeditus. Every month of April, a nine day novena in his honor is held in the cathedral that culminates in the celebration of his feast day on the 19th of the month. Who is this saint whose intercession was also invoked in the Oratio Imperata  to avert a catastrophic eruption of Taal Volcano prepared by the Archdiocese of Lipa when the volcano exhibited extra-ordinary activity early  in January, 2020?  St. Expeditus could have found affinity with the Lipenos since the martyr shares a lot of commonality with St. Sebastian, the city’s patron. St. Expeditus, like St. Sebastian was also a young Roman soldier who converted to Christianity and was also martyred as a consequence, during the period of Diocletian persecution.  Hence, a devo...

"Bonus Miles Christi": Maikling Talambuhay ni Bishop Jorge Barlin, Unang Pilipinong Obispo

Bishop Jorge Imperial Barlin (1850 - 1909)

Unang Obispong Pilipino

Maaring kapag binanggit ang pangalang Jorge Barlin,  malamang hindi siya pamilyar sa marami at malamang wala itong dating sapagkat hindi naman masyadong matunog ang pangalang Jorge Barlin. Parang hindi naman siya masyadong napapag-usapan. Sa katunayan, sa loob ng maraming taon, parang nakalimutan siya ng buong Simbahan sa Pilipinas.  Ni walang nakakaalam kung saan inilibing si Bishop Barlin sa matagal na panahon at ngayon na lamang halos nagkakaroon ng interes na kilalanin siya sa kabila ng kanyang nag-iisang pribilehiyo na maging kauna-unahang Obispong Pilipino at sa kanyang malaking kontribusyon sa kasaysayan ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas.   

Si Bishop Barlin ay may mahalagang papel na ginampanan sa Simbahang Katolika sa Pilipinas lalung lalu na sa estado ng pagtingin sa mga Pilipinong pari noong kanyang kapanahunan. Dahil din sa kanyang sigasig at pagmamahal sa Simbahan, napigil ang paglaganap ng Aglipayanismo sa pamamagitan ng kanyang pakikipaglaban upang maibalik ang mga simbahang Katolikong kinamkam ng mga paring sumuporta kay Padre Gregorio Aglipay.   

Harinawa, kapulutan ng inspirasyon ng mga makababasa nito ang buhay ng isang dakilang Pilipinong pari - Si Obispo Barlin - na nabuhay at naglingkod sa Simbahan ng Bikolandiya sa isa sa pinaka-kapanapanabik na yugto ng ating kasaysayan bilang Simbahan. 

Unang Pilipinong Obispo

Ayon sa kilalang Bikolanong historyador na si Dr. Domingo Abella “Si Msgr. Jorge Barlin ay hindi lamang ang kauna-uanang Bikolanong pari na naging Obispo, at ang kauna-unang Bikolano rin na naging Obispo ng Nueva Caceres. Hindi rin lamang siya ang unang Pilipinong Obispo sa panahon ng mga Amerikano gaya nang kung papaano siya tukuyin at ipakilala ng maraming mga manunulat.” Bagkus, “si Bishop Barlin ang kauna-unahang Pilipinong Obispo sa lahat ng panahon” pagbibigay diin niya. 

Si Jose Imperial Barlin, ang kauna-unahang Pilipinong Obispo sa Simbahang Katolika ay hinirang bilang ika-28 Obispo ng Nueva Caceres sa isang lihim na konsistoryo sa Vaticano noong Disyembre 14, 1905. Ginanap ang kanyang ordinasyong episkopal sa Maynila noong Hunyo 29, 1906. Ang kanyang pagkaluklok sa episkopiya ay hindi lamang isang personal na tagumpay, bagkus ang katuparan ng paghahangad at pagnanais ng bawat Pilipinong pari na sila'y kilalanin. Ang kanyang pagkakatalagang Obispo ay isang pagkilala sa kakayahan ng mga Pilipinong klerigo na minaliit at minahina sa matagal na panahon.  Masasabing siya ang nagbukas ng pinto ng episkopo para sa mga Pilipinong pari hudyat ng tunay na simula ng Pilipinisasyon ng Simbahan na matagal na nilang inaasam at ipinaglalaban.  Ito rin ay tagumpay ng bawat mamayang Pilipino, ang lahing itinuring na mababa sa loob ng 300 taon ng pananakop ng mga Espanyol na siya ring nagdala ng Kristyanismo sa bansa. 

Anak ng Bikolandia

Abril 23, 1850 nang isilang si Jorge Barlin sa bayan ng Baao, na tinatawag noong “Ambos Camarines” kina Mateo Alfonso Barlin at Francisca Imperial. Sinimulan niyang mag-aral sa seminaryo sa napakabatang edad.  Taong 1874, noong siya ay 28 taong gulang, inordinahan siyang pari sa panahon kung kailan ang Simbahang Katoliko ay pinamumunuan ng mga Prayleng Espanyol na karamiha'y umuusig at gumigipit sa mga paring Pilipino na sumisigaw at nakikipaglaban para sa pagbabago sa Simbahan. Umabot sa rurok ang panggigipit na ito sa pagbitay sa pamamagitan ng garrote kina Padre Gomez, Burgos at Zamora noong Pebrero 17, 1872 dahil sa kanilang di umano'y partisipasyon sa pagaaklas sa Cavite.  Isang alegasyon na pinabulaanan ng kasaysayan. 

Mga Unang Taon Bilang Pari

Bilang pari, maaaring naranasan din niya ang diskriminasyon na dinanas ng kanyang mga kasamang paring sekular na binabale wala at inilalagay sa pinakamababang katungkulan sa Simbahan kung hindi niya nakuha ang loob ni Bishop Francisco Gainza, na kanyang guro at tagapagtaguyod. Siniguro ng obispo ang kanyang kinabusan bilang pari. Pagkatapos ng kanyang ordinasyon, siya ay binigyang katungkulan bilang capellan de solio at majordomo ng Katedral ng nasabing Obispo. 

Nasiguro ng kanyang katungkulan na palagi siyang malapit sa poder ni Monsignor Gainza sa buong termino niya bilang Obispo ng Caceres. Buong husay niyang ginampanan ang kanyang mga tungkulin at sinundan ang halimbawa ng kanyang guro. 

Sa pagpanaw ni Bishop Gainza noong 1880, si Fr. Barlin ay nadestino sa Siruma, isang maliit at liblib na bayan sa Camarines Sur. Napakalaki ng kaibahan ng buhay dito sa kanyang nakasanayang buhay sa Katedral ngunit tiniis niya ang lahat ng mga paghihirap. Pinatatag siya ng kanyang pasensya at pagtitimpi at ng kanyang pagsunod sa kanyang mga superyor. Makalipas ang tatlong taon, si Fr. Barlin ay nalipat sa Libog (ngayon ay bayan ng Sto. Domingo), Albay. 

Lider Eklesiastiko at Sibil

Taong 1887 nang si Monsignor Campo ay italagang bagong Obispo ng Nueva Caceres. Humanga ang Obispo sa ipinakitang husay ni Fr. Barlin sa kanyang pamumuno sa Libog kung kaya’t siya ay itinalaga nitong vicar forane ng buong probinsya ng Sorsogon at ginawa rin siyang kura paroko ng kapitolyo.  Naging idolo siya ng kanyang mga parokyano at naging mabuting halimbawa sa kanyang mga kapwa pari sa kanyang kabutihan, integridad, malinis na pangalan at pagmamahal sa Inang Simbahan. 

Ang mga panahon ng pagaaklas ng Pilipinas laban sa Espanya at ang pakikidigma ng Pilipinas sa Amerika ay nagbigay pagkakataon upang mapalitaw ang husay sa pamumuno ni Fr. Barlin bilang pastol na nangangalaga sa ispiritwal at temporal na kapakanan ng kanyang kawan.

Nang malapit nang dumating sa Sorsogon ang mga pwersang rebulusyunaryo, ipinagkaloob ng pinakahuling gobernador na Espanyol Villamil kay Fr. Barlin ang pamamahala sa probinsya ng Sorsogon bago ito lumulan sa Barkong Bauan na tumulak patungong Maynila noong Setyembre 20, 1898. 

Dahil dito, hinawakan ni Fr. Barlin ang dalawang pinakamatataas na posisyon ng kapangyarihan sa lalawigan – bilang pinunong eklesiastiko at pinunong sibil at pinamunuan at pinastulan ang mga mamamayan ng lalawigan ng Sorsogon. Lalong naging tanyag ang pangalan ni Fr. Barlin sa maayos at mapayapang pagsasalin ng kapagyarihang sibil kay Heneral Ananias Diokno na ipinadala ng Rebolusyonaryong Gobyerno ng Malalos upang palayain ang probinsya ng Sorsogon sa mga mananakop na Espanyol. 

Ang mausoleyo ng mga Dominiko kung saan inilibing si
Bishop Barlin noong 1909
Noong Abril 30, 1901 bumagsak ang pwersang rebolusyonaryo sa kamay ng mga Amerikano at muli, namagitan si Fr. Barlin para sa mapayapang transisyon ng kapangyarihang politikal mula sa rebolusyunaryong gobyerno patungo sa mga pwersang Amerikano na pinamumunuan ni Capt. J. C. Livingstone ng 47th Infantry ng United States Army. 

Tapat na Alagad ng Simbahan

Sa pag-usbong ng kamalayang makabayan, naipit ang Simbahan sa mga kaguluhan. Nahati ang Simbahan nang ideklara ni Fr. Gregorio Aglipay, isang rebolusyonaryong pari mula sa Ilocos, noong Oktubre 17, 1902 ang pagsilang ng Iglesia Filipina Independiente (IFI). Ang bagong tatag na simbahan ay pinutol ang ano mang uri ng ugnayan sa Vaticano. Sinasabi na sa probinsya ng Ilocos Norte, 3 pari lamang ang nanatiling tapat sa Santo Papa samantalang sa Aklan, lahat ng 60 kaparian ng probinsya ay tumiwalag sa Inang Simbahan at umanib sa IFI. 

Pinangakuan ni Fr. Aglipay si Fr. Barlin ng pinakamataas na posisyon sa bagong tatag na simbahan kung sasama siya dito ngunit nanatiling tapat sa Santo Papa si Fr. Barlin. Una na rito, kinamkam ng mga paring sumama kay Fr. Aglipay ang mga parokyang kanilang inuukupa at ayaw nila itong ibalik sa Simbahang Katolika. Isa sa kanila ay si Fr. Ramirez. Nang tumanggi siyang iwanan ang kanyang parokya, dumulog si Fr. Barlin sa Court of First Instance ng Ambos, Camarines upang hilingin ang pagpapaalis kay Fr. Ramirez. Nagdesisyon ang korte pabor kay Bishop Barlin. Desisyong kinatigan din ng Korte Suprema noong 1906. Kung kaya’t napilitang isauli ng mga paring Aglipay ang lahat ng mga Katolikong Simbahan at gusali na kanilang inokupa. Ang mga pangyayaring ito ay lalong nagpatanyag kay Fr. Barlin. 

Sa pagbubukas ng Philippine Assembly noong taong 1907, inanyayahan si Bishop Barlin, bilang nag-iisang Pilipinong Obispo, upang pamunuan ang inbokasyon.  Sa mahigit tatlumpung taon ng kanyang pagpapari at halos tatlong taon lamang na pagiging obispo, siya ay kinakitaan ng kasigasigan at tunay na pagmamahal at katapatan sa Inang Simbahan kung kaya't tinamo niya ang paghanga at paggalang ng mga taong kanyang pinaglilingkuran.  

Pumanaw siya sa Roma, Italya noong Setyembre 4, 1909 habang nasa isang opisyal na pagbisita sa gulang na 59. Siya ay inilibing sa Mausoleyo ng mga Dominiko sa Sementeryo ng Campo Verano. 

May mga hakbang na isinasagawa ang Simbahan upang maibalik sa Pilipinas ang mga labi ni Bishop Jorge Barlin, ang unang Obispong Pilipino at mailagak ito sa Katedral ng Nueva Caceres sa Lungsod ng Naga.  Isang grupo ng mga paring PIlipino na nag-aaral sa Roma ang nakikipag-ugnayan sa mga kinaukulan upang maibalik ang labi ni Bishop Barlin kaalinsabay ng pagdiriwang ng ika-500 taon ng pagdating ng Kristyanismo sa Pilipinas sa Marso 2021.  

Pagbubukas ng Landas tungo sa Pagkilala ng Simbahan

Noong Agosto 31, 2020, sa isang liham na ipinadala ng Catholic Bishops Conference of the Philippines kay Lubhang Kagalanggalang Rolando Tria Tirona, Arsobispo ng Nueva Caseres, pormal na hiniling ng kapulungan ng mga obispo ang pagbubukas ng Cause for Beatification ng unang Pilipinong obispo, Bishop Jorge Imperial Barlin dahil sa kanyang hindi matatawarang katapatan at paglilingkod sa Inang Simbahan at sa sambayanang Pilipino.  Ang liham pastoral na "Bonus Miles Christi" na isinulat bilang pag-alaala sa sentenaryo ng konsekrasyong episkopal ng Lubhang Kagalanggalang Jorge Imperial Barlin na tumatalakay sa kanyang halimbawa ng paglilingkod bilang isang tunay at tapat na pastol ng kanyang kawan ay nagpapakita ng kaangkupan at pagiging napapanahon ng buhay at halimbawa ni Obispo Barlin sapagkat ito ay nagbibigay inspirasyon kung paano haharapin ang hamon ng pakikipag-ugnay ng Simbahan sa Pamahalaan at ang mahusay at makabuluhang pamamalakad ng mga diyosesis at parokya sa ating lokal na Simbahan.  


Pinagsanggunian:

Fr. Rolando S. Delagoza “Reflections on Bikol Church History: The Role of the Vincentian-Trained” retrieved from https://ejournals.ph/article.php?id=5206 on April 24, 2020.

Jorge Barlin the First Bikolano Bishop retrieved from https://sorsogoncity.wordpress.com/2013/07/13/jose-barlin-the-first-bicolano-bishop/ on April 23, 2020.

Comments

Post a Comment

Popular posts from this blog

Laureana "Ka Luring" Franco: The Holy Catechist of Manila

Lipa City: The Little Rome of the Philippines

Popular Religiosity and Festivals: And They Danced with Joy before the Lord: The Subli Festival of Bauan, Batangas