Si Francisca de Fuentes, anak nina Simon de Fuentes at Ana del Castillo y Tamayo ay isinilang sa Maynila noong taong 1647. Siya ay isang insulares sapagkat siya'y may purong dugong Espanyol subali't sa Pilipinas ipinanganak at nagkaisip. Nang nasa wastong gulang na, siya ay ipinagkasundo ng kanyang mga magulang sa isang maginoo at sila’y nagpakasal. Ngunit halos isang taon lamang ang kanilang naging pagsasama sapagkat maagang binawian ng buhay ang kanyang kabiyak.
Nabiyuda sa edad na 20 taon at walang anak, ginugol ni Francisca ang kanyang panahon sa pananalangin at sa pagtulong sa mga mahihirap at mga may sakit. Sa isang pangitain, nagpakita sa kanya si San Francisco at Santo Domingo at nakita niya ang kanyang sarili na nagpatirapa sa harap ni Sto. Domingo. Dahil dito, pinili niyang maging isang Dominiko at tinanggap siya bilang kasapi ng Dominican Tertiaries noong 1682. Pinili niya ang pangalang Francisca del Espiritu Santo.
Unang Naisin
Sinundan siya sa kanyang hangarin ng kanyang hipag na si Antonia de Jesus Maria Esguerra viuda de Fuente at nang naglaon, nina Maria Ana dela Vega ang tinatawag na anak ng Cibuana at ni
Sebastiana Salcedo, isang yndia mula sa Pasig. Kinakitaan nila si Sebastiana ng malalim na ispiritwalidad at tulad rin ng mga naunang pumasok na mga
yndio sa
Monasterio de Sta. Clara, isa rin siyang ladina o bihasa sa pagsasalita ng Espanyol at ng Tagalog kung kaya't siya'y kanilang inanyayahan na sumama sa kanila.
Naglaan sila ng oras sa pagkakawanggawa at sa pagtulong sa mga mahihirap at nangangailangan ganoon na rin ang pagbisita sa mga may karamdaman at sa pananalangin ng sama-sama. Bagama't pinahintulutan silang magsuot ng abito ng mga Dominiko, sila ay umuuwi sa kanilang mga sariling tahanan. Kalaunan, sila'y tinawag na mga beata sapagkat madalas silang tumanggap ng mga sakramento at naging mabubuting halimbawa ng kababaang loob at pagdedebosyon.
Nasa isip ni Francisca ang isang kumunidad ng mga kababaihang Espanyol at Yndio na pinagbuklod ng kanilang pagnanais na maging banal at tumupad sa kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang sama-samang buhay pananalangin, pagpapakasakit, paglilingkod sa kapwa at pagsasabuhay ng misteryo paskwal.
Mga Unang Taon: Pagsisimula ng Beaterio
Taong 1686 nang hilingin ni Francisca at ng kanyang mga kasamahan sa mga awtoridad na Dominiko na pahintulutan silang mamuhay nang sama-sama habang ipinagpapatuloy nila ang kanilang gawaing pagkakawanggawa at paglilingkod sa kapwa. Nanalangin sila at nagsagawa ng pagaayuno at iba pang penitensya kalakip ng kanilang mga panalangin. Matapos ang sandaling pag-aalinlangan, ipinadala ang kanilang petisyon sa Master General ng Orden sa Roma. Sa bisa ng pahintulot ni Padre Antonio Cloche, Master General ng Orden na kanyang nilagdaan noong Enero 11, 1688, ay naaprubahan ang pagtatayo ng unang kumbento ng mga Dominican Tertiaries sa Maynila. Pinatira ni Padre Juan de Santa Maria sina Francisca at Antonia sa bahay ni Maria Garcia na katapat lamang ng kampanaryo ng simbahan ng Santo Domingo at dito nagsimula ang kanilang pamumuhay ng sama-sama. Ngunit pansamantala lamang ito sapagkat nilisan din nila ang bahay ni Maria Garcia dahil sa ito ay naipagbili.
Samantala, ang namamahala sa mga kasapi ng Dominican Third Order na si Padre Juan de Santa Maria ay nalipat ng destino sa Bataan at siya’y hinalinhan ni Padre Juan de Santo Domingo na sa kasamaang palad, ay hindi pabor sa ninanais ng grupo ni Francisca kung kaya’t isina-isantabi muna ang kanilang kahilingan.
|
Pre-war Beaterio de Sta. Catalina (Source: Historia de Manila) |
Si Francisca naman ay patuloy na umunlad sa kanyang ispiritwalidad at ang kanyang pagnanais na paglingkuran ang mga nangangailangan ay mas lalo pang sumidhi. Isang araw, matapos mangumpisal, binuksan muli niya ang kaniyang naisin kay Padre Juan de Santo Domingo at siya ay nabulyawan ng huli dahil sa katigasan ng kanyang ulo. Ngunit, may katatagan ng loob, sinabi niya kay Padre Juan na para bang isang propesiya na ang beaterio ay maitatatag, at ito ay masasaksihan ng huli. Naliwanagan si Padre Juan at simula noon ay naging isa nang masugid na taga suporta ng plina-planong beaterio.
Sa paggabay ni Padre Juan, si Madre Francisca at ang kanyang mga kasamahan na sina Lorenza Lopez at Juana de Trinidad ay nagsimulang manirahan sa bahay ni Madre Antonia de Jesus Esguerra na noong mga panahong iyon ay pumanaw na. Ipinagkaloob niya ang kanyang bahay sa mga beata at hiniling na ang kanyang mga kasama sa bahay na sina Lorenza Lopez at ang isang biyuda na si Juana de Trinidad ay masuutan din ng banal na abito ng Orden. Di naglaon, sila ay sinundan ng isa pang kasama, si Jacinta, na isang mestisang Hapon. Sa ganitong paraan nagsimula ang Beaterio de Santa Catalina.
Sumilang ang Beaterio de Santa Catalina de Sena
|
Ang estatwa ni Madre Francisca sa Intramuros Source: Historia de Manila |
Ang Beaterio ay itinatag noong Hulyo 26, 1696, pista ni Santa Ana at San Joaquin. Isinagawa rin sa araw na ito ang profession of vows ni Madre Francisca at apat pang beata na sina Madre Maria del Espiritu Santo, Madre Juana de la Santisima Trinidad, Madre Lorenza de Jesus Maria, at Madre Rosa de Santa Maria sa harap ni Padre Juan de Sto. Domingo na siya ring umakda ng kautusan at panuntunan ng pamumuhay ng mga beata at tumatayong isa sa tagapagtatag ng beaterio kasama si Madre Francisca at si Don Juan Escano y Cordova na isang masugid na tagapagtaguyod ng mga beata. Hinirang din nang araw na iyon si Madre Francisca bilang una at panghabam-buhay na superyora ng beaterio. Ang komunidad ay inilagay sa pangangalaga ng kanilang patron na si Sta. Catalina ng Siena at pormal na kinilala noong Provincial Chapter ng mga Dominiko taong 1698.
Hindi na rin inabot ni Madre Sebastiana ang araw na ito ng pagtatatag ng beaterio, sapagkat siya ay pumanaw apat na taon na ang nakalilipas. Siya ang nagbigay ng propesiya na maitatatag ang beaterio ngunit hindi sa bahay ni Madre Antonia Esguerra at hindi na niya aabutin ang araw na iyon. Si Madre Sebastiana ay kinilala bilang "isang yndiang kagalang-galang hanggang kamatayan" dahil sa kanyang malalim na espiritwalidad at kabanalan.
Konteksto ng Pagkakatatag ng Beaterio
Ayon sa katitikan ng pagkatatag, ang beaterio ay tatanggap lamang ng mga purong Espanyol sapagkat ito ang pinagtibay ng Orden ng mga Dominiko apatnapung taon na ang nakararaan ng kanilang tangkaing magtatag ng isang monasteryo ng mga monghang Dominiko na tinutulan ng mga Pransiskano at ng Real Monasterio de Sta. Clara sapagkat hindi sasapat ang mga ipinagkakaloob na mga tulong ng mga mamamayan kung magkakaroon ng dalawang monasteryo sa Maynila. Limitado lamang sa labin-limang beata ang tatanggapin katumbas ng labinlimang misteryo ng Santo Rosario ito ay base sa inspirasyong nakuha ni Fray Juan sa kumbentong itinayo ni Padre Ulloa sa mga Isla ng Canarya na mayroon ding ganoong bilang ng mga beata at ang bawat isa ay pipili ng isang misteryo para sa kanilang pagdedebosyon. Ngunit dahil sa marami ring nagnanais na mga katutubong Pilipina na pumasok bilang beata, sa kabila ng umiiral na limitasyon at pagbabawal, napagdesisyunan na maaari silang tanggapin bilang mga hermanas de obediencia. Patuloy na lumago ang kumunidad ng Beaterio de Sta. Catalina.
Malalaking Pagsubok
Ngunit sandali lamang ang kanilang naging kasiyahan sapagkat sinubok ng iba't ibang suliranin at eskandalo ang beaterio dahilan sa ilang mga kasapi nito at dahil sa pagkakaipit sa tensyon sa pagitan ng mga lider sibil, eklesiastikal at ganoon na rin sa Orden ng mga Dominiko dahil sa magkakaibang pananaw ukol sa pagtatayo ng beaterio at sa pamumuhay ng mga beata, isa na rito ang pagsunod sa itinatakdang klosura (standard enclosure) na ipinatutupad sa mga monasteryo ng mga mongha.
Noong 1703, ang Arsobispo ng Maynila na si Don Diego Camacho y Avila ay ninais isailalim sa kanyang pamamahala ang beaterio. Lumaki ang hindi pagkakaunawaan sa usapin ng hursidiksyon kung kaya’t pinatawan ng arsobispo ng ekskomunikasyon si Madre Francisca at iniligay naman sa interdict ang iba pang mga beata. Upang makaiwas sa mas malaki pang eskandalo, hinubad ng mga beata ang kanilang mga abito at sa tulong ng Gobernador Heneral at sa payo ng mga Paring Dominiko, sila ay nagtungo sa Kolehiyo ng Santa Potenciana kung saan sila ay namalagi ng dalawang taon at nabuhay bilang mga layko.
Nagbigay ito ng labis na sakit ng kalooban at pasakit kay Madre Francisca ngunit siya at ang ilan sa kanyang mga kasamahan ay nanatiling matatag at mas lalong umunlad at naging matapat sa pagsasabuhay ng kanilang buhay relihiyoso at sa pagsunod sa mga boto (vows). Kabilang sa mga dahilan sa pagtutol sa patuloy na pag-iral ng beaterio ay ang katanungan ng pagkukunan ng kinakailangang sustento para dito. Ito ay naresolba sa tulong ng isang laykong Dominican Tertiary sa katauhan ni Don Juan de Escano y Cordova na noong 1704 ay nangako sa mga beata ng taunang suporta sa pamamagitan ng Dominican Province of the Holy Rosary na nagkakahalaga ng dalawang libong piso – na maituturing na malaki nang halaga noong panahong iyon.
|
Don Juan Escano Y Cordova |
Muling Pagbangon ng Beaterio
Dumating ang araw ng tagumpay noong 1706 kung kailan, matapos ang ilang pakikipagpulong, ang kanilang dating kritiko at katunggali na si Arsobispo Camacho ay nagkaroon ng pagbabagong puso at naging tagasuporta ng mga beata. Sa tulong muli ng Gobernador Heneral at ng mga paring Dominiko, si Madre Francisca at mga kasamahan ay bumalik sa dati nilang bahay, suot ang kanilang abitong Dominiko upang doon mamuhay ayon sa pamantayang itinakda para sa kanila bilang mga beata na may kaunting modipikasyon na idinagdag ng arsobispo.
Kasama ni Madre Francisca ang labinlima pang beata, isang nobisyada at mayroon ding mga laykong kababaihan at isa pang babae na kalaunan ay nagsuot na rin ng abito. Nang taon ding ito, tinawag na Beaterio-Colegio ang Sta. Catalina at tumatanggap ng mga kabataang babaeng Espanyol, mestiza at yndia upang sila ay sanayin sa mga asignatura ng relihiyon, pagsasalita, pagsusulat, pagbibilang, musika pagbuburda, at iba pa.
Bilang fundadora o tagapagtatag, nagpamalas si Madre Francisca ng katangi-tanging lakas at pananampalataya tulad ng kanyang debosyon sa Banal na Eukaristiya at sa Birheng Maria, ang pagiging maawain at mapagbigay sa kanyang kapwa, katatagan sa harap ng mga pagsubok, pagtitika sa kasalanan, pagmamahal sa kanyang komunidad ng mga beata at pagsunod sa pamantayan ng pamumuhay ng mga beata.
Dala na rin katandaan at pagod sa maraming taon ng pagsasagawa ng iba’t ibang anyo ng mortipikasyon, at sa patuloy na pagsusumikap na masiguro ang matibay na pundasyon ng beaterio, si Madre Francisca ay nagkasakit at naratay sa karamdaman ng ilang buwan. Sa gulang na 64, noong Agosto 24, 1711, kapistahan ng apostol Bartolome, siya ay isinilang sa buhay na walang hanggan. Ang kanyang mga labi ay inilagak sa simbahan ng San Juan de Letran sa Intramuros.
Masasabing si Madre Francisca ay isang napapanahong modelo hindi lamang dahil sa kanyang angking kabanalan at pananalig sa Diyos, kundi pati na rin sa kanyang katatagan, kahinahunan, patuloy na pagsisikap sa gitna ng kahit na anong pagsubok at sa kaniiyang kabukasang yakapin ang kalooban ng Diyos.
At Lumawig ang Misyon: Mga Unang Misyonerong Pilipina sa Ibayong Dagat
Sa Foochow, China, nakita ng mga paring Dominiko ang pangangailangan sa mga beata ng Sta. Catalina upang tugunan ang pisikal at ispiritwal na pangangailangan ng mga batang babaeng iniwanan ng kanilang mga magulang sa iba't ibang kadahilanan. Kung kaya't noong taong 1856, sumulat si Monsignor Aguilar ukol sa pangangailangan ng apat na beata upang mamahala sa institutsyon. Matapos ang ilan pang negosasyon, tatlong beatang Pilipina o mga hermanas de obediencia ang ipinadala upang tugunan ang pangangailangan sa Foochow. Sila ay sina Sor Ana del Corazon de Jesus, Sor Pascuala de la Madre de Dios at isa pang nagngangalang Sor Dionisia. Lumago ang misyon na kanilang pinasimulan sa Tsina at nang lumaon ang mga beata ng Beaterio de Santa Catalina ay nadagdagan pa ng iba pang mga beata mula sa Espanya. Di naglaon, ang mga beata ay nakapagtayo ng iba pang mga misyon sa Amoy, Aupao, Kamboe, Focheu, Chuang-Cheu, Nguchen at Takao.
Ang Beaterio ng Sta. Catalina na itinatag ni Venerable Francisca del Espiritu Santo ay kilala na ngayon bilang Dominican Sisters of St. Catherine of Siena. Sa kabila ng napakaraming pinagdaanang pagsubok, masasabing tunay na makikita ang pagkilos ng kamay ng Diyos sa kasaysayan at buhay ng kongregasyon na sinubok ng iba't ibang eskandalo at pagdadalisay. Ngunit sa paglipas ng mga taon, nanatiling matatag ang kongregasyon at tapat sa mga mithiin at adhikain ng kanilang tagapagtag. Ang Kongregasyon ng Domincan Sisters of St. Catherine of Siena ay tunay na masasabing isang Pilipinong kongregasyon na naglilingkod sapangkalahatang Simbahan at sa kanilang mga kababayan at may mga misyon din sa iba't ibang bansa tulad ng Sri Lanka, Thailand, Estados Unidos, Hawaii, Ethiopia at Italya sa lalong ikadadakila ng Diyos.
Ang Cause for Beatification ni Venerable Francisca
Noong Marso 11, 2003, Ang Prefect ng Congregation of the Causes of Saints sa pamamagitan ni Joseph Cardinal Saraiva Martins ay nagbigay ng Nihil Obstat sa Cause of Beatification and Canonization ng Servant of God, Francisca del Espiritu Santo de Fuentes.
Ang Decree of Validity sa isinagawang Diocesan Inquiry ay ipinagkaloob noon Hunyo 2007 na siyang naging hudyad sa pagsisimula ng pagsulat ng Positio ukol sa buhay at kabanalanan ni Madre Francisca. Siya ay itinanghal na Venerable ni Pope Francis noong Hulyo 5, 2019.
Panalangin kay
Madre Francisca del Espiritu Santo
Diyos naming Ama, maluwalhati Ka sa Iyong mga banal sapagkat sa kanilang mga buhay ay namamalas namin ang kadakilaan ng Iyong mga pagpapala. Inaalay namin sa Iyo ang buhay at halimbawa ni Madre Francisca del Espiritu Santo,
na tumugon sa iyong biyaya sa pamamagitan ng kanyang buhay at kabanalan. Bilang isang lingkod, nakipagkaisa siya sa iyo sa paglilingkod sa mga may karamdaman, sa mga dukha. at sa mga kabataan. Hinihiling po namin ang iyong natatanging tulong sa pananalanging ito sa kanyang ala-ala...
(banggitin dito ang kahilingan).
Kilalanin nawa ng Santa Iglesia ang kanyang kabanalan bilang isang huwaran ng katapatan para sa lahat ng tao sa pangalan ni Hesukristong aming tagapagligtas at sa panalangin ni Mariang Reyna ng Santo Rosaryo. Amen.
Ama namin... Aba Ginoong Maria...Luwalhati sa Ama...
CBCP Circular on the Causes of Beatification and Canonization of Madre Francisca del Espiritu Santo. Retrieved from https://www.cbcplaiko.org/2017/08/06/cbcp-circular-on-the-causes-of-beatification-and-canonization-of-mother-francisca-del-espiritu-santo/. 15 January 2019.
"Madre Francisca del Espiritu Santo" by Florentino Hornedo, Ph.D. retrieved from https://motherfrancisca.info/index.php/about-mfdes/biography/florentino-hornedo-ph-d on April 19, 2020.
Francisca does not belong here in the Philippines ! During her times she excluded the natives ...why should we Filipinos support her now ? Send her back to Spain she she belongs!
ReplyDeleteI allowed your comment to be posted here for people who visit this page to see. They be the the judge based on what is coming out from your heart. God bless.
Delete