St. Expeditus: Patron Saint of Speedy Causes

Image
St. Expeditus:  Patron Saint of Speedy Causes The venerated image of St. Expeditus in  the Lipa Cathedral In the Metropolitan Cathedral of St. Sebastian in Lipa City is a venerated image of a young Roman Centurion saint named Expeditus. Every month of April, a nine day novena in his honor is held in the cathedral that culminates in the celebration of his feast day on the 19th of the month. Who is this saint whose intercession was also invoked in the Oratio Imperata  to avert a catastrophic eruption of Taal Volcano prepared by the Archdiocese of Lipa when the volcano exhibited extra-ordinary activity early  in January, 2020?  St. Expeditus could have found affinity with the Lipenos since the martyr shares a lot of commonality with St. Sebastian, the city’s patron. St. Expeditus, like St. Sebastian was also a young Roman soldier who converted to Christianity and was also martyred as a consequence, during the period of Diocletian persecution.  Hence, a devotion to him has developed amo

Filipino Saints 8: Venerable Alfredo A. Obviar

Venerable Alfredo A. Obviar (1889 - 1978)

Unang Obispo ng Lucena, Tagapagtatag, Missionary Catechists of St. Therese of the Infant Jesus

Ang kasaysayan ng lokal na Simbahan ng Lipa ay hindi magiging kumpleto kung walang pagbanggit sa pangalan ng Venerable Alfredo Maria Aranda Obviar, isang tunay na Batangenyo at Lipeno. Siya ang kauna-unahang Batangenyong obispo at una ring Obispo Auxilyar ng noo'y Diyosesis ng Lipa. Si Obispo Obviar din ang pinakaunang paring Pilipino at obispo na kandidato sa pagiging santo. 

Ang Kanyang Kabataan


Si Alfredo Maria Aranda Obviar ay isinilang noong Agosto 29, 1889 sa Mataas na Lupa, sa bayan ng Lipa kina Telesforo Obviar at Florentina Catalina Aranda. Siya ay naulila sa kanyang ina makaraan lamang ang ilang araw pagkatapos ng pagsisilang nito sa kanya kung kaya't siya ay lumaki sa piling ng kanyang tiya Martha Aranda. 

Una siyang nag-aral sa paaralan ng pamosong gurong si Sebastian Virrey na taga Lipa at pagkatapos ay 
pumasok siya sa Seminaryo ng San Francisco Javier na pinamamahalaan ng mga Heswita noong 1907. Matapos kumuha ng kursong liberal arts sa Ateneo de Manila, ipinagpatuloy niya ang paghuhubog sa pagkapari sa Seminaryo ng Santo Tomas ng mga Dominiko at naordinahan noong Marso 15, 1919.

Mahusay na Pastol

Sinimulan niya ang kanyang ministeryo bilang pari sa baryo Luta sa Lipa (ngayon ay ang bayan ng Malvar, Batangas) at ipinagpatuloy ito kalaunan bilang kura paroko ng Katedral ni San Sebastian sa Lipa. Habang nasa Lipa, sa basbas ng Obispo Verzosa, nagtayo siya ng mga sentro ng pagtuturo ng Katesismo sa poblacion at maging sa mga baryo.  Ayon sa kuwento ng mga matatanda, may halos tatlong daang katekista ang nagtuturo ng katesismo sa mga kabataan sa poblacion at sa mga baryo tuwing araw ng Linggo.  Nagtuturo sila noon gamit ang question and answer method.  Ang binibigyang diin ay ang mga turo ng Simbahan na kailangang matutunan ng isang tunay na Kristiyano.  Kailangang sauluhin ang mga tanong at ang mga sagot sa mga tanong.  Ang pagtuturo ng katesismo ay isa mga prayoridad ng Obispo Verzosa at ang noo'y Padre Alfredo Obviar at Madre Laura Mendoza ang kanyang mga naging katuwang sa gawain ng katesismo.  

Dahil sa kanyang kasipagan at kasigasigan sa kanyang ministeryo bilang pari at sa pagpapalaganap ng katesismo, siya ay hinirang ni Obispo Verzosa bilang Bikaryo Heneral ng Diyosesis at noong ika-29 ng Hunyo 1944, itinalaga siya ni Papa Pio XII bilang kauna-unahang Obispo Auxilyar ng Lipa. Ang Diyosesis noon ay may malawak na teritoryo at sumasakop sa mga lalawigan ng Batangas, Laguna, Quezon at Marinduque.  Nakahiwalay na noon ang dalawang isla ng Mindoro na naging Apostolikong Bikaryato ng Calapan noong 1936.  

Si Obispo Obviar kasama ang komuninad 
ng mga Monghang Carmelita

Ang Aparisyon sa Lipa


Noong mga taon sa pagitan ng 1948 at 1950, naganap ang di-umano'y pagpapakita ng Mahal na Birhen na nagpakilala bilang Maria, Tagapamagitan ng Lahat ng mga Biyaya sa isang postulant sa Monasteryo ng Carmel sa Lipa kung saan, siya ang tumatayong chaplain. Sinasabing kaalinsabay ng pagpapakita ng Mahal na Birhen ay ang himala ng pag-ulan ng mga rosas sa bakuran ng monasteryo na nasaksihan ng napakaraming tao.  Simula noon, maraming mga deboto mula sa  iba’t ibang dako ang nagtungo sa lugar ng aparisyon upang manalangin.  Marami ring mga nagsasabing sila ay gumaling sa kanilang mga karamdaman sa pamamagitan ng pananalangin o paghiling sa Mahal na Birhen.

Ngunit nang lumabas ang dikreto ng komisyon ng mga Obispo na nagsagawa ng imbestigasyon sa aparisyon na nagsasabing walang himalang naganap sa monasteryo ng Carmel sa Lipa, si Monsignor Obviar, na Obispo Auxilyar at si Monsignor Verzosa, na Lokal na Ordinaryo ng Lipa noong panahong iyon ay sumunod nang may kapakumbabaan sa direktiba ng Simbahan at nanahimik tungkol sa mga bagay bagay kaugnay ng aparisyon bilang pagsunod sa atas ng Inang Simbahan.  Iniutos din ang paglilipat ng mga madreng may kaugnayan sa aparisyon sa iba’t ibang monasteryo ng Carmel sa bansa  samantalang si Obispo Verzosa ay niretiro bilang ordinaryo ng Lipa at si Obispo Obviar naman ay ginawang Apostolic Administrator ng noon ay katatayo pa lamang na Diyosesis ng Lucena noong 1951. Hinawakan niya ang katungkulang ito hanggang 1969 kung kalian, siya ay itinalagang kauna-unahang residential bishop ng Diyosesis ng Lucena sa rekomendasyon ng noo’y Apostolic Nuncio sa Pilipinas, Arsobispo Carmine Rocco.

Administrador at Obispo ng Lucena


Ang hindi inaasahang pagkalipat ni Obispo Obviar sa Lucena ay tunay na naging mabiyaya, may himala man o wala. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pastoral na gawain na sinimulan sa Lipa sa kanyang kawan sa Lucena. Bilang obispo, siya ay napakasipag at walang pagod sa paglilingkod at isinagawa niya ang kanyang tungkulin ng paggabay at pamumuno sa kanyang kawan tulad ng isang tunay na mabuting pastol.  Sinimulan niyang unti-unting itayo ang bagong diyosesis sa tulong ng 30 pari.  Nakita niya ang pangangailangan sa mga taong tutulong sa kaparian sa pagtuturo ng katesismo sa sa mga mananampalataya.  Hindi sapat ang pagkakaroon ng maliit na bilang ng mga katekista.  Kinakailangan ng mas maraming manggagawa. Dahil sa pangangailangang ito, itinatag niya ang Missionary Catechists of St. Therese of the Child Jesus noong Agosto 12, 1958.  Sa kasaluyan, ipinagpapatuloy pa rin ng mga madre nang may kasigasigan ang gawain ng ebanghelisasyon una sa Diyosesis ng Lucena, sumunod sa iba’t ibang panig ng bansa, ganoon na rin sa ibayong dagat. 

Ang puntod ni Obispo Obviar sa
MCST Mother House sa Tayabas
Sa pagtatatag ng Mount Carmel Minor Seminary at nang kalaunan ng St. Alphonsus School of Theology, dumami ng higit sa isang daan ang bilang ng mga pari ng diyosesis sa pagitan ng taong 1951 at 1975, ang taon ng kanyang pagreretiro bilang Obispo ng Lucena.  Isa sa mga gawaing ispiritwal na kanyang binigyan ng diin sa mga kaparian ay ang paglalaan ng oras sa harap ng Santisimo araw araw. Si Obispo Obviar ay madasalin at masasabing ang kanyang katahimikan ay kasing talas at husay rin ng kanyang pangangaral.  Sapagkat siya ay batikang predikador din noong kanyang kapanahunan. 

Banal na Pagpanaw


Pumanaw ang butihing Obispo Obviar noong Oktubre 1, 1978, araw ng kapistahan ni Sta. Teresita ng Nino Hesus, ang patrona ng kongregasyon na kanyang itinatag sa gulang na 89.

Ang Santo Papa Francis ay nagproklama, sa pamamagitan ng Congregation for the Causes of Saints ng dekreto na pumapabor sa pagpapatuloy ng kanyang Cause for Beatification at sa pamamagitan ng nasabi ring dekreto ay opisyal na naging isa sa mga kinikilang Venerable ng Simbahan.

Noong Oktubre 14, 2019, nagsimula ang pagbubukas ng Diocesan inquiry sa Dyosesis ng Lucena tungkol sa sinasabing himala na kinakailangan para sa beatification ng Venerable Alfredo Ma. Aranda Obviar.  Di magtatagal, sa awa at grasya ng Diyos, magkakaroon muli ang Pilipinas ng isang bagong Beato.   

Si Obispo Obviar at ang kanyang dating Kalihim (Salaysay buhat kay Cardinal Vidal)

Isa sa mga naalala kong karansan kasama si Bishop Obviar ay nagpapakita ng kanyang labis na kababang loob.   Nuong ako ay Arsobispo ng Lipa, ang dati kong Obispo ay nasa sa ilalim ng aking hurisdiksyon dahil sa ang Diyosesis ng Lucena ay suffragan ng Lipa.  Nang bisitahin ko siya, inialok niya sa akin ang kanyang upuan sa kanyang opisina sapagkat ako ang kanyang Metropolitan.  Bagama't tinaggihan ko ang kanyang kortesiya, nag-iwan ito ng malalim na impresyon sa akin. 

Ang dahilan ng aking pagbisita ay nangangailangan nang higit na kababaang loob buhat sa kanya.  Inabisuhan ako ng Nuncio na hilingin sa matandang obispo ang kanyang liham ng pagreretiro.  Nang aking sabihin sa kanya ang aking pakay, tinanong niya sa akin "Ito ba ang nais ng Santo Papa?" Sinabi ko sa kanya na ito ang nais ng Santo Papa na kanyang ipinarating sa Nuncio.  Kaya't pinaki-usapan niya ako na itype sa makinilya habang kanyang idinidikta ang kanyang sulat ng pagbibitiw sa tungkulin bilang obispo ng Lucena.  Ito ang kahulihulihang pakiusap na ginawa ko para sa kanya bilang kanyang dating kalihim.
 
Para sa iba pang impormasyon tungkol kay Venerable Bishop Alfredo A. Obviar, maaring bisitahin ang Bishop Alfredo Obviar website.


Mga Sanggunian:

Brief Biography of the Servant of God, Alfredo Maria Obviar retrieved from https://alfredomaobviar.wixsite.com/bamo/about on April 18, 2020.

Pena, Eldrick S. "Take and Receive: The Life and Legacy of Madre Laura Mendoza", p. 56.

Rosales, Gaudencio Cardinal B. "Alfredo Aranda Obviar: Bishop from Lipa, Shepherd in Lucena", p. 234.

The Bishop and His Former Secretary retrieved from https://www.facebook.com/AlfredoObviar.Ph/ on June 11, 2020.

Comments

Popular posts from this blog

Lipa City: The Little Rome of the Philippines

Laureana "Ka Luring" Franco: The Holy Catechist of Manila

Popular Religiosity and Festivals: And They Danced with Joy before the Lord: The Subli Festival of Bauan, Batangas