Ang mga huling bahagi ng ika-labing siyam na siglo ay panahon ng pagkabagabag at kawalang kasiguruhan. Ang Pilipinas ay nagpupumilit kumawala at makalaya sa kamay ng mga dayuhang nanakop sa bansa ng halos apat na daang taon. Ang diwang makabayan ay nagsisimula nang sumibol sa puso ng mga Pilipino at ang banta ng napipintong pag-aaklas ng mga mamayan sa iba’t ibang dako ay palakas nang palakas na parang isang namumuong daluyong.
Sa ganitong panahon at sitwasyon itinakdang isilang si Madre Rosario Arroyo na kinilala rin sa katawagang Madre Sayong. Siya ay ipinanganak noong Pebrero 17, 1884 sa bayan ng Molo, Iloilo. Siya ang kaisa-isang anak na babae sa nakaririwasang pamilya nina Don Ignacio Arroyo at Dona Maria Pidal. Mayroon siyang apat na kapatid na lalaki ngunit dalawa sa kanila ang namatay habang sanggol pa lamang. Ang mas nakatatanda na si Jose ay naging isang abogado at nahalal na senador ng bansa noong 1917 samantalang si Mariano ang mas nakababatang kapatid naman ay isang doktor na naging gobernador ng Iloilo noong 1928.
Siya ay bininyagan sa simbahan ng Sta. Ana sa bayan rin ng Molo noong Pebrero 20, 1884 ni Padre Agapito Buenaflor at pinangalanang Ma. Beatriz del Rosario Arroyo. Ang kanyang mga magulang ang kanyang naging mga unang guro sa kabutihang asal at sa mga aral ng simbahan.
Isa sa natatanging kaugalian ng pamilya ay ang pagbibigay tulong at limos sa mga nangangailangan at si Madre Sayong ay minulat nang maaga sa ganitong gawain. Dito nakita niya ang hirap at pagdurusa ng mga dukha at labis siyang nahabag para sa kanila.
Maaaring maging hadlang sana sa kanyang pag-unlad sa buhay kabanalan ang tinatamasang kayamanan at masaganang pamumuhay ng kanyang angkan sapagkat sa pamamagitan ng mga ito, pwede siyang mamuhay bilang isang prinsesa at makuha ang lahat ng nais niya. Ngunit taliwas dito, siya ay namuhay nang simple, malayo sa layaw at luho ng ibang ipinanganak na mayaman tulad niya. Hindi siya naakit ng kinang ng marangya at masaganang pamumuhay. Kaya naman noong pumanaw ang kanyang mga magulang, ipinagkaloob niya sa kongresyon ang lahat ng kanyang minana.
Unang tumuntong ng pag-aaral si Madre Sayong sa Colegio de Sta. Ana, isang pribadong paaralan sa Molo. Bilang paghahanda sa kanyang Unang Pakikinabang, siya ay inilipat ng kanyang mga magulang sa Colegio de San Jose na pinamamahalaan ng mga Hermanas de Caridad kung saan niya natapos ang kanyang elementarya.
Di naglaon, siya ay ipinadala sa
Beaterio de Santa Catalina sa Intramuros, Maynila. Natuto siyang tumugtog ng piano at organ na popular na aralin sa mga mayayaman noong panahong yaon.
Sa edad na 27, pumasok siya sa kongregasyon ng Dominican Sisters of St. Catherine of Siena. Matapos ang anim na buwan bilang postulant, tinanggap niya ang abito ng mga dominiko at binigyan ng pangalang Madre Rosario de la Visitacion. Isinagawa ang kanyang first profession of vows noong Enero 3, 1914.
Si Madre Sayong ay nadestino upang magturo sa Colegio de la Nuestra Senora del Sto. Rosario sa Lingayen, Pangasinan. Dito siya naging masasakitin. Sandaling bumalik si Madre Sayong sa Molo upang magpahinga at nang makabawi ng lakas, ay muling nagbalik sa kumbento sa Maynila.
Nang pumanaw ang kanyang ina, pinauwi siya ng kanyang ama sa Molo upang kanyang makasama sa panahon ng pangungulila. Pinakiusapan siya ng kanyang ama na manatili na lamang sa kanilang tahanan ngunit determinado si Madre Sayong na magbalik sa Maynila upang ipagpatuloy ang kanyang buhay relihiyosa na nakatalaga sa paglilingkod sa Diyos at sa kapwa.
Noong Pebrero 18, 1927, si Madre Rosario kasama ang dalawa pang madre ay tumulak patungong Molo upang simulan ang pundasyon ng isang kongregasyong relihiyoso. Ito ay sa pamamagitan ng panghihikayat ni Obispo James Mc Clonskey, ang kahuli-hulihang Amerikanong Obispo ng Jaro na nakiusap sa mga superyor ng kongregasyon ng Dominican Sisters of St. Catherine of Siena sa pagpapadala sa grupo ni Madre Rosario.
Bago ito, sinimulan na ni Bishop Mc Clonskey ang mga paunang paghahanda para sa pagtatatag ng Beaterio del Santissimo Rosario sa Molo at humingi ng kaukulang permiso sa Roma para sa pagtatatag ng pundasyon. At noon ngang Hulyo 24, 1925, binigyang pahintulot ang nasabing Obispo na pasimulan ang beaterio.
Ang pagtatatag ng beaterio ay kaugnay ng kahilingan ng mga magulang ni Madre Sayong na ilaan ang bahagi ng kanilang kayamanan sa pagtatayo ng isang kongregasyong relihiyoso. Upang maisagawa ang planong ito, ipinagkaloob ng mga Arroyo ang kanilang tahanan upang magamit na kumbento ng mga madre. Binuksan ang isang libreng paraalan sa di kalayuan at nang lumaon, may mga batang babaeng walang tahanan ang kumatok sa pintuan ng kumbento at sila ay tinanggap, inalagaan at binigyan ng pagkakataong mag-aral ng grupo ni Madre Sayong. Marami sa kanila ang sumali sa bagong kongregasyon nang lumaon.
Noong sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig, pinayuhan si Madre Sayong ng kanyang pamilya at mga kaibigan na pauwiin na muna ang mga madre at ang mga batang kanilang inaalagaan. Ngunit pinili ni Madre Sayong na manatili silang magkakasama. Niliikas nila ang kanilang kumbento sapagkat ito ay ginamit na garrison ng mga hapon at nakituloy sa simbahan ng Molo.
Noong Marso 10, 1945, ang kumbento ay binomba ng mga sundalong Amerikano sa paniniwalang may mga Hapon pang nagtatago duon. Nasira din ang paaralan. Kung kaya't noong matapos ang digmaan, itinuon ng mga madre ang kanilang atensyon sa muling pagpapatayo ng kumbento at paaralan. Di naglaon, hiningi ni Obispo Jose Maria Cuenco, ang bagong Obispo ng Jaro, ang tulong ng mga madre upang magturo sa mga paaralan kung kaya’t pinaaral sa kolehiyo ang mga madre upang makapagturo. Ang paghuhubog sa kabataan ay isang apostolado na napakalapit sa puso ni Madre Sayong.
At noong Enero 3 -6, 1953, isinagawa ang unang Kapitolo Heneral ng mga madre at si Madre Sayong ay nahirang na unang Superyora Heneral at siya’y nanatiling superyor hanggang sa kanyang pagpanaw noong Hunyo 14, 1957 sa edad na 73.
Napakarami ng nakipaglibing kay Madre Sayong kabilang na ang mga lider sibil at eklesiastiko at ang mga mahihirap na minahal niya at pinaglaanan ng pagpapahalaga at paglilingkod.
Noong Enero 16, 1959, ang kongregasyon ay napabilang sa pangkalahatang Orden ng mga Dominiko at ginawaran ng pontifical approbation noong Oktubre 7, 1985.
Sa kasalukuyan, ang kongregasyong itinatag ni Madre Rosario ay kilala bilang Dominican Sisters of the Holy Rosary of the Philippines o sa mas tanyag na Dominican Sisters of Molo na may mahigit 250 na madreng kasapi, at 56 dito ay nagsisilbi bilang misyonera sa mga bansang Kenya, Estados Unidos, at Italya.
Noong Hulyo 28, 2009, binigyang awtorisasyon ni Arsobispo Angel Lagdameo ang pagbubukas ng diocesan inquiry para sa Cause of Beatification and Canonization ni Madre Rosario Arroyo at ito ay pormal na sinimulan sa Simbahan ng Sta. Ana sa Molo noong ika – 7 ng Oktubre 2009.
At noong Hunyo 12, 2019, ay ipinahayag ang dekreto patungkol sa “heoric virtue” ni Venerable Rosario de la Visitacion Arroyo.
Pinagsanggunian:
"A Brief Biography of Mother Rosario Arroyo, OP". Mother Rosario Arroyo Commission retrieved from https://sites.google.com/a/holyangelscolma.org/dominican/our-founder on April 17, 2020.
PCNE Calendar 2019
The 2018 - 2019 Catholic Directory of the Philippines, Catholic Bishops Conference of the Philippines and Claretian Communications, Foundation, Quezon City, p. 556.
Comments
Post a Comment