Filipino Saints: Servants of God Madre Dionisa de Sta. Maria at Madre Cecilia Rosa de Jesus Talagpaz
Servants of God Madre Dionisia de Sta. Maria at Madre Cecilia Rosa de Jesus Talagpaz: Mga tagapagtatag ng Kongregasyon ng Augustinian Recollect Sisters
Sa kasaysayan ng Pilipinas, may mga pangalan na tahimik ngunit makapangyarihang umakda ng kabanata ng kabanalan at katatagan. Kabilang sa mga ito sina Dionisia at Cecilia Rosa Talagpaz - magkapatid na hindi lamang nag-alay ng kanilang buhay sa Diyos, kundi nagtayo rin ng isang kongregasyon na patuloy na namumunga ng kabutihan hanggang sa kasalukuyan. Ang kanilang buhay ay isang paanyaya sa atin na muling pag-isipan ang kahulugan ng pananampalataya, sakripisyo at misyon sa ating panahon.
Matibay na Bato
Isinilang sina Dionisia (Marso 12, 1691) at Cecilia Rosa (Hulyo 16, 1693) sa bayan ng Calumpit, Bulacan sa mag-asawang Don Andres Talagpaz at Dona Isabel Constanza Pamintuan. Bagaman mga taga-Bulacan, sila ay may dugong Kapampangan. Ayon sa ilang tala, sila ay kamag-anak ni Felipe Songsong, isang martir mula Macabebe, Pampanga, na naging kasama nina San Pedro Calungsod at Beato Diego de San Vitores sa misyon sa Marianas. Ang kanilang apelyidong Talagpaz ay nangangahulugan ng "malaking bato" na maaring isang propetikong sĂmbolo sa beaterio na kanilang itinayo sa bato, kung kaya't nanatili itong matatag sa pagdaan ng daang taon hanggang sa kasalukuyan sa kabila ng napakaraming unos at pagsubok na pinagdaanan. Maaari rin itong maglarawan sa matibay na determinasyon ng magkapatid na Talagpaz na sundin ang kalooban ng Diyos at buong lakas loob at tapang na hanapin at yakapin ito hanggang sa mga huling sandali ng kanilang buhay.
Si Felipe Songsong, Martir na Kapampangan
Ayon sa mga salaysay, si Felipe Songson, bagama’t malubha ring nasugatan ng grupo ng mga Chamorros na kumitil ng buhay nina San Pedro Calungsod at Blessed Diego de San Vitores ay nakaligtas sa kamatayan sa kanilang mga kamay. Siya'y nakatakas ngunit pumanaw rin habang nakalulan sa isang galleon pabalik sa Pilipinas dala ng matinding sugat na tinamo sa engkwentro. Habang inihahanda ang kanyang katawan, nakita ng kanyang mga kasamahan sa ilalim ng kanyang abitong Heswita, ang kayumangging eskapularyo ng Carmel. Maaring nakalimutan na ang pagkamartir ni Felipe kung hindi sa pamamagitan ng eskapularyo. Lumutang muli ang pangalang Felipe Songsong nang pag-usapan ang Cause for Beatification ng magkapatid na Talagpaz sa kadahilanang malaki ang impluwensya niya sa pagkakaroon ng magkapatid ng debosyon sa Mahal na Birhen ng Monte Carmelo.
![]() |
Simbahan ng San Sebastian sa Calumpang |
Mga Pusong Pinag-alab ng Pag-ibig
Noong taong 1719, iniwan ng magkapatid na Rosa at Cecilia ang kanilang tahanan at ano mang ari-arian na mayroon ang kanilang pamilya upang sundin ang nag-aalab nilang mga puso at hanapin ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pagsisimula sa buhay relihiyosa at nang lumaon, pagtatatag ng Beaterio de Terciarias Agustinas Recoletas o mas kilala bilang Beaterio de San Sebastian de Calumpang sa ilalim ng pamamatnubay ng Mahal na Birhen ng Monte Carmelo. Masasabing ang Beaterio de San Sebastian, na siyang pinakaunang kongregasyon ng mga madreng Recoletas sa daigdig, ay bunga ng gawaing pagmimisyon ng mga Agustinong Recoletos mula sa Espanya at sa debosyon ng magkapatid sa Mahal na Birhen ng Monte Carmelo na kanilang natutunan sa kanilang lolo na si Felipe Songsong.
Upang maisakatuparan ang pagnanais nilang ialay ang sarili sa Diyos, hiniling ng magkapatid na Talagpaz sa kanilang Kura sa Calumpit na payagan silang magsuot ng abito ng mantelatas na Agustino ngunit hindi sila napahintulutan nito. Kung kaya't sa tulong ng kanilang ama, na siyang gobernadorcillo ng kanilang bayan, at ng inspirasyon ng kanilang lolo na si Felipe, iniwan nila ang kanilang tahanan at tinawid ang ilog ng Calumpit patungong Maynila upang hanapin ang dambana ng Mahal na Birhen ng Monte Carmelo. Dinala sila ng kanilang paghahanap sa Calumpang (ngayon ay Quiapo) kung saan matatagpuan ang simbahan ng San Sebastian.
Pagdating sa Calumpang
Narating ng mag kapatid ang Calumpang, tamang tama para sa kapistahan ng Mahal na Birhen noong Hulyo 16, 1719 at nangupahan sa isang kubo sa Bilibid Viejo, malapit sa simbahan ng San Sebastian na pinamamahalaan ng mga paring Rekoletos simula pa noong 1621. Di naglaon, dalawa pang yndia ang sumama sa kanila bilang beata at sila ay namuhay nang payak at inilaan ang kanilang sarili sa pananalangin, pagpapakasakit, paggawa at pagtulong sa simbahan.
Di naglaon, hiniling nila ang permiso ng mga paring Rekoletos na payagan silang magsuot ng abito ng mga Agustinong mantelatas at pinahintulutan naman ang kanilang petisyon at isinagawa ang seremonyas at rito ng pagsusuot ng abitong Agustino noong Hulyo 16, 1725, Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Monte Carmelo at ika-32 taong kaarawan naman ni Madre Rosa Cecilia. Di nagtagal, lumipat sila sa isang itinayong kubo sa isang sulok ng hardin ng kumbento ng mga Recoletos sa panukala ni Fray Diego de San Jose. OAR, ang superyor ng San Sebastian.
Pagdadalisay sa Apoy: Mga Pagsubok
Hindi nagtagal at nadagdagan at dumami na ang bilang ng mga beata at ang San Sebastian nga ang naging duyan ng kongregasyon ng mga madreng Rekoletas. Lumaganap ang balita tungkol sa mga beatas at napakarami ang nagnais na makapasok sa bagong tatag na beaterio ngunit ito ay nauwi sa kaguluhan dahil sa mga nagsulputang mga problema at mga tanong kaugnay sa pangyayaring ito. Sino ang magsasagawa ng pagpili sa mga aplikante? Paano ang mga walang maibigay na dote? Kung walang maibigay na dote ang aplikante, saan kukuha ng pantustos sa mas lumalaking pangangailangan ng mga beata? at marami pang iba. Dahil dito, nahati ang mga prayleng rekoletos at may mga sumusuporta at di sumusuporta sa mga beata. Ang kaguluhan ay nagpainit sa ulo ni Fray de San Jose at binawi sa mga beata ang kanilang mga abito at pinaalis sila sa kubong kanilang inookupa na siya mismo ang sumira upang masigurong hindi na ito matitirhan. Walang nagawa ang grupo ng magkapatid na Talagpaz kung kaya't nagbalik na lamang sila sa kubong dati nilang inuupahan.
Sa kanilang pagdadalamhati, marami rin namang mga prayle ang nakisimpatiya sa kanila lalong lalu na ang kanilang kumpesor na si Fray Juan de Santo Tomas de Aquino. Nawika ng magkapatid sa Frayle: "Padre, maliwanag na sinusubok kami ng Diyos at ng Mahal na Birhen upang dalisayin ang aming mga kaluluwa sa pamamagitan ng pagpapakasakit. Ngunit buo ang aming determinasyon sa aming ginagawa at nakakaapuhap kami ng lakas ng loob na magpakasakit sa bawat araw. Ang katulad nami'y butil ng mustasa na inipit at halos mapisa na. Mula sa binhi ay sisibol ang isang maliit na halaman, na masasaksihan ni Fray Diego na lumago at yumabong sa isang malaking puno at sa kanyang lilim ay magpupugad ang mga ibon at aawit ng mga papuri sa Diyos." (mula sa eye-witness account ni Fray Benito Gomez de San Pablo, OAR)
Muling Sumibol ang Binhi: Pagbangong Muli ng Beaterio
Dahil sa malaking simpatyang tinatanggap ng mga beata sa kanilang mga taga-suporta, nagbago ang isip ni Fray Diego at naging taga-suporta na ng mga beata simula noon. Sa pamamagitan niya at sa tulong ng iba pang paring rekoletos at mga tagapagtaguyod ng mga beata, naitayo ang isang bahay na mas malaki at yari sa kahoy na naliligid ng bakod na bato para siyang tirhan ng mga beata.
Si Fray Andres de San Fulgencio, ang sumunod na superior ng San Sebastian ang siyang bumuo ng konstitutsyon at panuntunan ng pamumuhay ng mga beata ang "Formula y Metodo de Gobierno para Nuestras Beatas Agustinas de San Sebastian". Hango ito sa panuntunan ng Third Order na Augustinians na may kasamang koleksyon ng mga panalangin at pagninilay. Si Madre Dionisia, ang mas panganay sa magkapatid, ang unang itinalagang superyora ng beaterio.
Ang beaterio na itinatag nina Madre Dionisia at Madre Rosa ay kilala na ngayon bilang ang kongregasyon ng Augustinian Recollect Sisters. Sa kabila ng mga pagpapakasakit at kontrobersya na kanilang hinarap, ang mga beata ay nanatiling tapat sa Diyos at ipinagpatuloy ang kagustuhang makapamuhay bilang mga tunay na relihiyosa.
Si Madre Dionisia na isinilang noong Marso 12, 1691 ay pumanaw noong 1732. Samantalang Si Madre Cecilia Rosa naman na ipinanganak noong Hulyo 16, 1693 ay pumanaw noong 1731.
Ang magkapatid na Dionisia Mitas at Cecilia Rosa ang mga unang purong yndia, o tunay na mga Pilipina na nagtatag ng beaterio na nang lumaon ay naging isang kongresyon. Mayroong lima pang beaterio sa Maynila noong ika 17 at ika 18 siglo ngunit ang mga ito ay itinatag ng mga kababaihan na may dugong Espanyol samantalang ang tagapagtatag naman ng Beaterio de la Compania na si Madre Ignacia del Espiritu Santo ay may dugong Tsino. Hindi biro ang hinarap na pagpapakasakit at pagsubok ng magkapatid matupad lamang ang kanilang mithiin na mailaan ang kanilang buhay sa paglilingkod sa Diyos at sa kapwa sa pamamagitan ng buhay relihiyosa. Tunay na na nililingap at hindi pinababayaan ng Diyos ang mga taong umaasa at nagtitiwala sa Kanya. Ang magkapatid na Talagpaz ay hindi lamang pinag-ugnay ng relasyon nila sa dugo, bagkus, ng pagmamahal nila sa Diyos at ng kanilang pagnanais na hanapin at sundin ang Kanyang kalooban gaano man sila mahirapan.
Noong Setyembre 10, 1999, sinimulan ang pagbubukas ng Cause of Beatification ng magkapatid na Talagpaz at sila ay napagkalooban ng katawagang "Servant of God" na may protocol number 2303.
Pinagsanggunian:
Santiago, Luicano P.R. Stars of Peace: The Talagpaz Sisters. Manila: Congregation of the Augustinian Recollect Sisters, Manila.
"Servants of God Dionisia Sta Maria Talagpas and Cecilia Rosa Talagpaz." Holy Men and Women of the Philippines 2019 Calendar. Office for the Promotion of New Evangelization, Archdiocese of Manila.
“The Brown Scapular and the AR Sisters: A Story of Fate nad Faith” by Bro. Ionnes Arong. Retrieved from https://recoletosfilipinas.org/2018/05/10/the-brown-scapular-and-the-ar-sisters-a-story-of-fate-and-faith/ on April 16, 2020.
Comments
Post a Comment