Servant of God Bishop Teofilo B. Camomot (1914 - 1988)
Arsobispo ng Cagayan de Oro, Tagapagtatag ng kongregasyon ng Daughters of St. Teresa
Si Arsobispo Teofilo Bastida Camomot ay isinilang sa Cogon, Carcar, Cebu noong Marso 3, 1914 at bininyagan ng sumunod na araw ng Miyerkules, Marso 4, kagaya ng nakaugalian noong mga panahong iyon. Siya ang ikatlo sa walong anak ng magasawang Luis Camomot at Angela Bastida. Siya ay pumasok sa Seminario de San Carlos sa Cebu City at inordenahang pari noong Disyembre 15, 1940. Makaraan ang kanyang ordinasyon, siya ay naatasang maglingkod bilang katulong na pari sa iba't ibang mga parokya.
Taong 1943 nang siya ay mahirang na kura paroko ng parokya ni Sta. Teresita sa Talisay, Cebu. Bilang pastol, siya ay namuhay ng simple at payak. Bago magdiwang ng misa, binibisita muna niya ang mga may sakit at tinutulungan sila sa kanilang mga pangangailangan.
Noong Marso 26, 1955, siya ay itinalagang titular bishop of Clisma at obispo auxilyar ng Jaro. Taong 1959 naman nang siya ay hiranging co-adjutor Archbishop ng Cagayan de Oro at kura-paroko ng parokya ni Sta. Rita sa Balingasag, Misamis Oriental. Habang nasa Sta. Rita, binuo niya ang Carmelite Tertiaries of the Blessed Eucharist mula sa pagnanais ng apat na dating madre na magsama-sama at bumuo ng isang bagong kongregasyon. Mula sa pundasyong ito, umusbong ang walong magkakaibang kongregasyon, Ang Daughters of St. Teresa na ngayon ay mayroon nang pontifical approbation, Missionary Congregation of Mary (Malaybalay, 1970), Blessed Virgin Missionaries of Carmel (Bacolod City, 1971), Sisters of the Rural Mission (Bacolod City, 1973), the Teresian Daughters of Mary (Davao City, 1974), Missionary Sisters of the Holy Family (Cagayan de Oro City, 1980), Missionary Institute of St. Therese of the Child Jesus (Tagbilaran City, 1984) at ang Teresian Misisonaries of Mary (El Salvado City, 1985).
|
Mga madre ng Carmelite Tertiaries of the Blessed Eucharist |
Noong 1968, nagkaroon siya ng operasyon dala ng iniindang karamdaman sa bato kung kaya’t kinailangan niyang magpahinga. Napagpasyahan niyang magbitiw bilang Co-adjutor bishop ng Cagayan de Oro at umuwi sa Cebu kung saan naging obispo auxilyar siya kay Cardinal Julio Rosales na nagtalaga sa kanyang kura paroka ng El Pardo, Cebu City. Noong Pebrero 19, 1976, ginawa siyang kura paroko ng Carcar, Cebu, ang kanyang bayang sinilangan habang ginagampanan ang iba pang responsibilidad sa Arkidyosesis.
Setyembre 27, 1988, habang pabalik siya sa kanyang parokya, naaksidente ang kanyang sasakyan na siyang naging dahilan ng kanyang pagkamatay. Tunay nga niyang isinabuhay ang kanyang pangalang Teofilo, na ang kahulugan ay "nagmamahal sa Diyos." Ginugol niya ang kanyang 74 na taon dito sa daigdig sa pagmamahal at paglilingkod sa Diyos at sa kanyang kapwa lalung lalo na sa mga mahihirap, mga may sakit at mga walang tahanan.
Noong Oktubre 10, 2010, masayang ibinalita ni Cebu Archbishop Emeritus Ricardo Cardinal Vidal na binigyang pahintulot na ng Roma ang pagbubukas ng Cause for Beatification ni Archbishop Teofilo Camomot na sisimulan sa pagsusuri ng buhay at kabanalan ng butihing Arsobispo. Bumuo si Cardinal Vidal ng isang komisyon na magsasagawa ng pananaliksik at pag-aaral tungo sa posiblidad ng beatification at canonization ni Archbishop Camomot.
Ang kapayakan at kasimplehan ng pamumuhay ni Archbishop Camomot ay pinatutunayan ng maraming mga taong nakakakilala sa kanya ganoon din ng mga kapwa niya Obispo. Napakaraming mga kuwento tungkol sa kanyang pagsasabuhay ng mala-Pransiskanong pagdaralita.
|
Si Msgr. Paul Pallath (gawing kanan) ang inatasang relator ng positio |
Minsang naikuwento ni Cardinal Vidal na napansin niya na hindi suot ni Archbishop Camomot ang kanyang pectoral cross kung kaya’t naitanong niya sa huli kung nasaan ito. Kagaad namang nagdahilan ang arsobispo kung bakit hindi niya ito suot. Di naglaon, natuklasan ni Cardinal Vidal sa isang pari na isinangla ni Archbishop Camomot ang kanyang pectoral cross upang may maibigay na pera sa mga mahihirap. Kung kaya’t binigyan siya ng cardinal ng bagong pectoral cross at pinagbilinan na huwag ito ipamimigay.
Nabanggit din ni Cardinal Vidal ang mga pahayag tungkol sa bilokusyon ng Arsobispo kung kaya’t nakikita siya sa dalawang lugar sa magkaparehong oras. Ang cardinal mismo ay lumagda sa isang affidavit na nagpapatunay sa pangyayaring ito. Sinabi ng testigo na isang pari, na katabi niya sa isang pagpupulong ng mga Consultores ang arsobispo habang ito’y natutulog. Ngunit may nakapagsabi rin na sa kaparehong oras at araw, si Arsobispo Camomot ay nasa isang bulubunduking lugar sa Carcar upang magbigay ng huling sakramento sa isang taong naghihingalo. Ilan lamang ito sa mga kuwento na nagpapatunay ng kabutihan, kababaang loob at kabanalan ng Servant of God Bishop Teofilo Camomot.
Kamakailan, ibinalita ni Fr. Mhar Vincent Balili, vice-postulator ng Cause ni Bishop Teofilo Camomot na tinanggap na ng Congregation for the Causes of Saints ang isinumiting positio ng Servant of God Bishop Teofilo L. Camomot. Ang positio ay sasailalim sa pagsusuri ng mga theological experts pagkatapos ay ng isang pangkat ng mga Cardinal upang siguruhin na ang Servant of God ay namuhay ng may kabanalan at nagtataglay ng "heroic virtues." Kapag ito ay kanilang binigyan ng approval, maaari na ngayong tawagin ang Servant of God bilang Venerable.
Ang positio na binubuo ng 4 na kabanata at 516 na pahina ay naglalaman ng mahahalagang datos na nagbibigay liwanag kung ang Servant of God ay tunay na namuhay ng may kabanalan at nagtataglay ng "heroic virtues" base sa kanyang mga sinulat at sa mga salaysay ng mga testigo. Ito ay produkto ng 4 na taon na pangangalap ng mga datos sa pamamagitan ng masusing pananaliksik at pagsasagawa ng mga panayam ng postulation team. Si Msgr. Paul Pallath ang inatasang relator ng positio.
Para sa mga bagong impormasyon sa cause of beatification ni Bishop Camomot, bisitahin ang official Bishop Camomot website.
|
Ang mga madre ng Daughters of St. Teresa |
Pinagsanggunian:Ureta, Angela Blardony. (2013). God is in the Heart: The Life and Pastoral Ministry of Archbishop Teofilo B. Camomot. Cebu City: Daughters of St. Teresa.
Comments
Post a Comment