St. Expeditus: Patron Saint of Speedy Causes

Image
St. Expeditus:  Patron Saint of Speedy Causes The venerated image of St. Expeditus in  the Lipa Cathedral In the Metropolitan Cathedral of St. Sebastian in Lipa City is a venerated image of a young Roman Centurion saint named Expeditus. Every month of April, a nine day novena in his honor is held in the cathedral that culminates in the celebration of his feast day on the 19th of the month. Who is this saint whose intercession was also invoked in the Oratio Imperata  to avert a catastrophic eruption of Taal Volcano prepared by the Archdiocese of Lipa when the volcano exhibited extra-ordinary activity early  in January, 2020?  St. Expeditus could have found affinity with the Lipenos since the martyr shares a lot of commonality with St. Sebastian, the city’s patron. St. Expeditus, like St. Sebastian was also a young Roman soldier who converted to Christianity and was also martyred as a consequence, during the period of Diocletian persecution.  Hence, a devotion to him has developed amo

Filipino Saints 13: Servant of God Bishop William Finnemann, SVD

Servant of God Bishop William Finnemann, SVD (1882 - 1942)

Unang Obispo ng Apostolic Vicariate of Calapan

Si Bishop William Finnemann ay isang misyonerong kasapi ng Society of the Divine Word. Bagama't siya ay ipinanganak na Aleman, siya ay isang naturalized Filipino citizen at naglingkod bilang misyonero sa Abra at pagkatapos, bilang Obispo Auxilyar ng Maynila at ng huli, Apostolic Vicar ng Calapan, Mindoro.

Isinilang siya noong Disyembre 18, 1882 sa Buninghausen, Alemanya kina Bernard Finnemann at Elizabeth Nasse. Siya ay pangalawa sa labing apat na magkakapatid.  Musmos pa man, ninais na niyang maging isang misyonero ngunit hindi sang-ayon ang kanyang mga magulang dito dahil sa malaki ang kailangang gastusin upang tustusan ang kanyang paghuhubog sa pagiging pari.  Sa tulong ng kanyang kura paroko, nakumbinsi ang kanyang mga magulang na payagan siya. 

Kaya noong taong 1900, pumasok siya sa seminaryo ng SVD sa Styl, Alemanya kung saan inabot pa niya ang tagapagtatag ng SVD na si Padre Arnold Jansen.  Naordinahan siyang pari noong Hunyo 29, 1911.  Napakalaki ng kanyang pagnanais na makapagmisyon sa Africa kung kaya’t ang laki ng kanyang pagkadismaya noong malaman niyang sa Abra, isang mahirap na probinsiya sa Pilipinas siya ipadadala.  At siya nga ay tumulak papuntang Abra taong 1912.  Ngunit natuto na rin niyang mahalin ang Abra nang makilala niya ang mga taga dito.  Tumagal lamang ng 5 taon ang kanyang pagmimisyon sa Abra sapagkat sumiklab ang unang digmaang pandaigdig at siya ay kinailangang manatili muna sa Estados Unidos. Ang kanyang limang taong pananatili sa Amerika ay iginugol niya sa pangangalap ng mga donasyon upang suportahan ang misyon ng SVD sa Pilipinas.  Sa kanyang pagbabalik noong 1927, itinayo niya ang Parokya ng Espiritu Santo sa Maynila. 

Itinalaga siyang Obispo Auxilyar ng Maynila at titular na Obispo ng Sora nong Pebrero 8, 1929.  Pagsapit ng Disyembre 4, 1936, siya ay hinirang namang unang Obispo ng noo’y katatatag pa lamang na Apostolic Prelature (Apostolic Vicariate simula 1951ng Calapan, na dating bahagi ng napakalaking Diyosesis ng Lipa.  Dumating ang mga misyonerong SVD sa Mindoro noong 1922 sa paanyaya ni Obispo Verzosa ng Lipa upang pamahalaan ang isla ng Lubang at noong taong 1936, ang kabuuan ng isla ng Mindoro.  

Noong Disyembre 7, 1941, binomba ng mga Hapones ang Pearl Harbor sa Hawaii na naging hudyat ng pagsiklab ng ikalawang digmaang pandaigdig sa Pasipiko.  Di naglaon, narating na rin ng mga pwersang Hapones ang Pilipinas at nagsimula ang halos apat na taon ng pananakop. 

Sa panahon ng digmaan, itinuon ni Bishop Finnemann ang kanyang sarili sa mga gawaing pangkawanggawa. Tatlong beses siyang nagtungo sa Maynila upang magbitiw sa kanyang katungkulan ngunit sinabihan siya na “mas kailangan ngayon, higit kailan man, na manatili ang pastol kasama ng kanyang kawan.” At siya nga’y nanatili, kasama ng kanyang kawan hanggang kamatayan.

Alam ng mga Hapones ang kanyang husay sa pangangaral at pananalumpati at ang kanyang impluwensya sa mga tao kung kaya’t pinilit ng mga Hapones si Bishop Finnemann na gamitin ang pulpito upang kunin ang suporta ng mga mamamayan para sa kanila. Ngunit labis itong tinutulan ng Obispo bagkus iginiit niya  “Ipangangaral ko sa mga tao kung paano kukunin ang paggalang at pagpapahalaga ng kapwa na hindi gumagamit ng dahas. Ipangangaral ko rin ang kapayapaan at kaayusan at bibigyan babala sila laban sa pagsasamantala sa kapwa, panlilinlang at pagnanakaw.  Wala nang iba pa!”

Bagama't maraming nagsabi sa kanya na lisanin na niya ang Mindoro para sa kanyang kaligtasan, nanatili pa rin siya at sinabi sa kanyang mga kasamang pari, "Huwag ninyong pag-alinlanganan na gagawin ko ang aking tungkulin bilang obispo. Ipaglalaban ko ang aking mga parokyano at ang Mindoro." at sa mahina at garalgal na boses, "kahit patayin nila ako."

Buong lakas loob at may katapangan at sigasig niyang hinarap ang mga pang-aabuso at pagmamalabis ng mga sundalong Hapones noong ikalawang Digmaang Pandaigdig. Hanggang sa makarating sa mga opisyal na Hapones ang kanyang ginagawang pagtutol. Minsan, may isang opisyal na Hapong nagngangalang Wacabayoshi na lumapit sa kanya upang hilingin na paupahan sa kanila ang isang kumbento ng mga madre na gagawin nilang bahay aliwan.  Hindi pumayag ang Obispo na labis na ikinagalit ni Wacabayoshi.  Pinilit siya at tinakot ng mga Hapon na iparenta at kusang loob na ipagamit sa kanila ang kumbento ngunit hindi natinag ang obispo kung kaya’t kanyang sinabi “Hindi ninyo makukuha ang kumbento.  Pwede ninyo itong kunin nang puwersahan ngunit hindi ninyo makukuha ang aking permiso. Hindi ako papayag!”

Mula Oktubre 19 – 26, 1942, siya ay pinarusahan at binugbog at hindi binigyan ng pagkain ni tubig man upang pwersahin siyang pumirma sa pagpapagamit ng kumbento ng mga madre.  Walang narinig na reklamo kay Bishop Finnemann sa kabila ng kanyang paghihirap.

At noon ngang Oktubkre 26, 1942, nabalitaan ng mga paring SVD na siya ay isinakay sa isang bangkang pampatrulya at sinabing dadalhin sa Maynila. Ngunit hindi na siya nakarating doon. Habang nasa bangka, itinali ang isang malaking bato sa kanyang katawan at itinapon siya sa dagat sa may malapit sa Isla Verde sa Batangas City. Hindi na natagpuan ang kanyang katawan. 

Sa isang crypt sa Katedral ng Calapan, may isang payak na altar na yari sa marmol na nagpapanatili ng alaala ni Bishop William Finnemann, SVD, ang unang obispo ng Calapan, Mindoro.

Tuwing sumasapit ang Oktubre 26, ang araw ng kamatayan ni Bishop Finneman, ang mga mamamayan ng Mindoro ay naglalayag patungo sa dagat sa pagitan ng Calapan at Batangas upang magbigay pugay sa martir na obispo.  Doo'y nag-aalay sila ng mga panalangin at mga bulaklak sa ala-ala ng kanilang pastol na nag-alay ng kanyang buhay para sa kapakanan ng kaniyang kawan. 

Noong Disyembre 7, 1999, si Bishop Finnemann ay ideneklarang Servant of God na may protocol number 2290. 


Pinagsanggunian:

Michael, Peter H. A Hero Deserving a Halo: Bishop William Finnemann, SVD: Man. Missionary. Martyr. Quezon City, Arnold Janssen Secretariat, p. 157.

"Servant of God Bishop William Finnemann, SVD." Holy Men and Women of the Philippines 2019 Calendar. Office for the Promotion of New Evangelization, Archdiocese of Man

"W. Finnemann - Hultrops größter Sohn Festschrift der St.- Sebastian-Bruderschaft erinnert an den
Missionar und Bischof von Manila" retrieved from http://www.felixbierhaus.de/html/finnemann.html on April 19, 2020.

Comments

Popular posts from this blog

Lipa City: The Little Rome of the Philippines

Laureana "Ka Luring" Franco: The Holy Catechist of Manila

Popular Religiosity and Festivals: And They Danced with Joy before the Lord: The Subli Festival of Bauan, Batangas