St. Expeditus: Patron Saint of Speedy Causes

Image
St. Expeditus:  Patron Saint of Speedy Causes The venerated image of St. Expeditus in  the Lipa Cathedral In the Metropolitan Cathedral of St. Sebastian in Lipa City is a venerated image of a young Roman Centurion saint named Expeditus. Every month of April, a nine day novena in his honor is held in the cathedral that culminates in the celebration of his feast day on the 19th of the month. Who is this saint whose intercession was also invoked in the Oratio Imperata  to avert a catastrophic eruption of Taal Volcano prepared by the Archdiocese of Lipa when the volcano exhibited extra-ordinary activity early  in January, 2020?  St. Expeditus could have found affinity with the Lipenos since the martyr shares a lot of commonality with St. Sebastian, the city’s patron. St. Expeditus, like St. Sebastian was also a young Roman soldier who converted to Christianity and was also martyred as a consequence, during the period of Diocletian persecution.  Hence, a devotion to him has developed amo

Filipino Saints 1: Venerable Consuelo Barcelo, OSA

Venerable Consuelo Barcelo (1857 - 1940): Tagapagtatag ng Augustinian Sisters of Our Lady of Consolation

Noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, may anim na kumunidad ng mga madre at mongha ang umiiral sa Kamaynilaan.  Ang Monasterio Real de Sta. Clara na siyang kauna-unahang monasteryo ng mga Clarisas sa Pilipinas at Malayong Silangan na itinatag ni Madre Jeronima dela Asuncion noong 1621. ang Beaterio de la Compania de Jesus na itinatag naman ni Madre Ignacia del Espiritu Santo noong 1684, ang Beaterio de Sta. Catalina de Sena na itinatag naman ni Madre Francisca del Espiritu Santo noong 1696, ang Beaterio de San Sebastian de Calumpang na itinatag ng magkapatid na Madre Dionisia at Cecilia Rosa Talagpaz noong 1725, ang Hijas de Caridad na dumating sa bansa mula sa Espanya noong 1862 at ang Congregacion de las Hermanas Agustinas Terciarias de Filipinas na itinatag noong 1883 ng magkapatid na Madre Rita at Consuelo Barcelo na pawang mga peninsulares o Espanyol na ipinanganak sa Espanya. 

Si Joaquina Mercedes Barcelo y Pages  ay ipinanganak sa Sarria, Barcelona, Espanya noong Hulyo 24, 1857. Siya ang pinakabunso sa limang anak nina Salvador Barcelo at Maria Pages.  

Paglalayag sa Pilipinas: Pagtatatag ng Asilo de Mandaloya


Noong unang bahagi ng taong 1883, pumasok siya sa Beaterio de Mantelatas de San Agustin sa Barcelona.  Bagama’t isa pa lamang postulant, pinayagan siyang sumama sa ikalawang grupo ng mga madre na maglalakbay sa Pilipinas upang mamamahala sa itinatayong bahay ampunan sa Mandaluyong (Asilo de Nuestra Senora de la Consolacion de Mandaloya).  Dumating siya sa Pilipinas noong ika-6 ng Oktubre nang taon ding iyon.

Siya ay nagkalakas loob at na-enganyo na sumama sa ikalawang grupo ng mga madre sapagkat ang kanyang nakatatandang kapatid na si Madre Rita, ay kabilang sa naunang grupo ng apat na madre na dumating sa Maynila noong Abril 6, 1883 upang pasimulan ang Congregacion de las Hermanas Agustinas Terciarias de Filipinas.  Ang mga beatas ay tumugon sa paanyaya ng mga Agustinong Paring Espanyol na pangalagaan ang mga  batang naulila dala ng pagkalat ng epidemya ng kolera noong 1882. 

Mo. Consuelo (gitna) kasama ang mga madre
at mga ulila
Ang mga madreng Agustina ay buong lugod na tinanggap ng buong lungsod sa isang napakalaking pistang bayan na dinaluhan ng mga Paring Agustino, mga tagapagtaguyod ng Asilo at mga lider sibil at awtoridad eklesiastiko.  Dahil ang ampunan na kanilang pamamahalaan ay kasalukuyan pang ginagawa nang sila ay dumating, sila ay pansamantalang pinatuloy muna ng mga beata ng Beaterio de Sta. Catalina sa Intramuros.

Pagtatalaga ng Sarili


Noong Disyembre 26, 1884, isinagawa ang profession of vows ni Joaquina at siya ay pinangalanang Sor Consuelo. Siya ang kauna-unahang peninsulares na nagtalaga ng kanyang sarili bilang isang beata sa Pilipinas.  Sa pagpasok ng taong 1888, sina Madre Rita at Consuelo na lamang ang naiwan sa mga orihinal na madreng Espanyol upang mangalaga sa mga ulila sa ampunan sapagkat nagsibalik na sa Barcelona ang iba pang mga madreng Espanyol dala ng kanilang pagkakasakit dulot ng naiibang klima ng Pilipinas sa bansang Espanya. 

Si Mo. Consuelo (nakaupo pangalawa sa kaliwa) kasama ng mga madre

Pagsiklab ng Rebolusyon


Ang rebolusyon ng mga Pilipino noong 1896 at ang digmaan sa pagitan ng mga Kastila at Amerikano noong 1898 ay nagdulot ng pagkawalay nina Madre Rita at Consuelo sa kanilang mga kasamahang Pilipinong madre.  Bilang pagsunod sa kanilang mga superyor, sila ay napilitang bumalik sa Espanya noong Marso 13, 1899 at inerekomendang tanggapin at makabilang na muli sa Beaterio sa Barcelona ng Vicar Provincial ng mga Agustino sa Pilipinas.

Samantalang ang mga madreng Pilipina naman ay pinayuhang magsi-uwi na sa kanilang mga pamilya.  Ngunit buo ang loob, sila ay nagdesisyon na manatiling magkakasama kahit na wala sila ni isang kusing o bahay na matitirhan at wala ring maaasahang tulong mula sa mga paring Agustino.  Ang mga butihing Hermanas de Caridad, ang nagbigay sa kanila ng pansamantalang matutuluyan sa Asilo de Looban sa Paco. Nanatili sila roon ng labing isang buwan sa tulong din at pagtangkilik ni Arsobispo Nozaleda ng Maynila.  Di naglaon, muli nilang nabuksan ang kanilang ampunan sa San Sebastian. Dito, binuksan rin nila ang isang paaralan para sa mga kababaihan, ang siyang pinagmulan ng sa ngayon ay La Consolacion College ngunit noong Disyembre 1909, nasunog ang paaralan subalit muling nakapagbukas makalipas lamang ang dalawang linggo sa isang inuupahang bahay sa San Rafael. 

Pagkilala ng Ordeng Agustino


Noong taong 1922, ang mga madreng Augustina sa Pilipinas ay pormal na kinilala at napabilang sa pangkalahatang Orden ni San Agustin at naging apostolikong sangay ng orden.  Sa pamamagitan ng petisyon ng kanilang mga kasamahang madre sa Pilipinas at sa tulong na rin ng kanilang Spiritual Director na si Padre Bernabe Jimenes, hiniling ni Madre Consuelo ang permiso ng kanyang mga Superyor na pahintulutan siyang makabalik sa Pilipinas sapagkat siya noon ang tumatayong Superyor ng Beaterio de Barcelona. Pumanaw na noon ang kanyang nakatatandang kapatid na si Madre Rita Barcelo.  Nagbalik siya sa Maynila noong Hulyo 4, 1904 at nanatili na dito hanggang sa kanyang pagpanaw noong 1940.

Noong taong 1914, ginanap ang unang pangkalahatang pagtitipon ng mga madre at nahalal si Madre Consuelo bilang kauna-unahang Superyora Heneral at sa mga susunod pang Kapitolo Heneral ng kongregasyon, muli siyang kinilala bilang superyor ng kongregasyon.  Naglingkod siyang Superyora Heneral sa loob ng apat na termino (25 na taon).

Paglago at Paglaganap


Ang munting kongregasyon ng mga madreng Agustina ay unti-unting lumago at lumawak ang misyon sa iba’t ibang mga lalawigan.  Ang dalawampu’t limang taon ng maayos na pamumuno ni Madre Consuelo ay kinakitaan ng kanyang kababaang loob, pag-ibig sa Diyos at sa kapwa, pag-aalaala at pagkalinga sa mga mahihirap at may sakit. Pumanaw siya noong Agosto 4, 1940 sa edad na 83.   

Bagama't walang dugong Pilipino at purong Espanyol, si Madre Consuelo ay masasabing Pilipinong-pilipino na rin sa kanyang pagmamahal, pagmamalasakit at paglilingkod sa mga kapus-palad at sa kanyang kontribusyon sa paghuhubog sa mga kabataang Pilipino sa pamamagitan ng napakaraming paaralang itinayo ng kongregasyong kanyang itinatag.   Bukod pa rito, dito niya ginugol ang halos kabuuan ng kanyang pagiging isang relihiyoso at sa katunayan, dito pa niya sa bansa isinagawa ang kanyang unang pagtatalaga ng sarili bilang isang beata.   

Bagama't nilisan niya ang Pilipinas sumandali dala ng pagsiklab ng rebolusyon at muling napabilang sa mga beatang Agustino sa Madrid, nanatiling nasa Pilipinas ang kanyang puso.  Kung kaya't nang nagkaroon ng pagkakataon na makabalik sa Pilipinas, hindi siya nagdalawang isip at nag-alinlangan na humingi ng dispensasyon sa kaniyang mga superyor, lisaning muli ang Espanya at muling magtungo sa Pilipinas upang pamunuan ang mga beatang kanyang iniwanan at nanatili na rito hanggang kamatayan.  

Sa kasalukuyan ang mga madre ng sa ngayon ay Augustinian Sisters of Our Lady of Consolation, ay ipinagpapatuloy ang misyon na pinasimulan ng kanilang mga tagapagtatag at naglilingkod sa ikalalaganap ng kaharian ng Diyos sa Pilipinas at sa Taiwan, Italya, Thailand, Espanya, Vietnam, Indonesia at Canada.

Noong Disyembre 20, 2012, binigyang kapangyarihan ni Papa Benito XVI ang Congregation for the Causes of Saints na iproklama ang dekreto na kumikilala sa heroic virtues ng Servant of God Madre Consuelo Barcelo. Siya ngayon ay pinararangalan bilang Venerable ng Simbahan.


Prayer for the Beatification of the Venerable Consuelo Barcelo y Pages


God of love and compassion, you endowed Mother Consuelo with great love and zeal for your honor and glory. We commend to you her life and example of love of God and neighbor. With faith and trust in your gracious providence, we pray for her beatification so that she may continue to inspire us in seeking your will and living a holy life.God of mercy, we also humbly present to you our need, united with the confirmation of the holiness of life of Mother Consuelo. (Mention your intention.)In gratitude for your boundless blessings, we praise and thank You, our God, Father, Son and Holy Spirit. Amen.



Mga madre ng ngayon ay Augustinian Sisters of Our Lady of Consolation


Pinagsanggunian: 

"Joaquina Maria Mercedes Barcelo y Pages" in Hagiography Circle: An Online Resource for Contemporary Hagiography retrieved from https://newsaints.faithweb.com/license.htm. December 3, 2019.

“Venerable Mother Consuelo Barcelo y Pages, A woman of Compassion and Consolation, Founder of the Augustinian Sisters of Our Lady of Consolation retrieved from http://www.asolcpdo.com/index.php/about-us/ven-mo-consuelo-barcelo-y-pages-osa   Retrieved on April 16, 2020.

Photos:  CTTO

Comments

Popular posts from this blog

Lipa City: The Little Rome of the Philippines

Laureana "Ka Luring" Franco: The Holy Catechist of Manila

Lipa City: A Historical Sketch