Si Madre Ignacia del Espiritu Santo ay maituturing na isang ulirang Pilipina dahil sa kanyang pag-aalay ng sarili para sa Diyos at sa kapwa at sa kanyang kontribusyon sa pagbibigay puwang sa mga Pilipinang nagnanais sumunod sa Panginoon bilang mga relihiyosa sa pamamagitan ng pagsisimula ng Beaterio de la Compania de Jesus, ang pinagmulan ng kauna-unahang kongregasyon ng mga Pilipinang madre na sa kasalukuyan ay kilala bilang Religious of the Virgin Mary.
Bagama't napakalaki ng naging ambag ng mga noo'y beata at ngayo'y mga madreng RVM sa pagpapalaganap ng paghahari ng Diyos lalo na sa mga misyon sa malalayong bayan sa Mindanao at iba pang bahagi ng bansa, at ng lumaon ng daigdig, ang Cause for Beatification ng kanilang tagapagtag na si Madre Ignacia del Espritu Santo ay nanatiling nakabinbin sa pagdaan ng napakaraming dekada. Nakalulungkot sapagkat may kakulangan sa mga tala na naisulat tungkol sa kanya at sa mga unang taon ng pag-iral ng beateryong kanyang itinatag kung kaya't walang gaanong maaring pagsanggunian at pagkunan ng mahahalagang datos at impormasyon tungkol sa kanyang buhay at kabanalan, ganoon na rin sa kanyang mga unang mga nakasamang beata at ang kanilang mga gawain. Tanging mga impormasyon gaya ng kanilang mga pangalan at taon ng kanilang pagpasok sa beaterio at kamatayan ang mga talang maaring pagsanggunian ng impormasyon at ang tanging salaysay na isinulat ng Heswitang historyador na si Padre Pedro Murillo Velarde, ang siyang naging pangunahing basehan ng ating mga nalalaman tungkol sa banal at ulirang si Madre Ignacia.
Ngunit salamat sa mga madre ng kongregasyong kanyang itinatag, na siyang pinakamalaking kongregasyon ng mga madre sa Pilipinas at may mga misyon sa iba’t ibang panig ng daigdaig, patuloy na lumaganap ang debosyosyon sa kanya sa Pilipinas ganoon na rin sa ibayong dagat.
Maningas na Apoy
Walang nakakaalam ng tiyak na petsa ng kapanganakan ni Madre Ignacia del Espiritu Santo bagamat ang tala sa parokya kung saan siya ay bininyagan ay nagsasaad na siya ay tumanggap ng sakramento ng binyag sa paring Dominiko na si Fray Alberto Collares sa Simbahan ng Mga Banal na Hari sa Parian noong Marso 4, 1663. Isang nagngangalang Catalina Malinang ang tumayong kanyang ninang. Ang kanyang pangalan na nagmula sa Latin na "ignis" na nangangahulugan ng "apoy" ay masasabing isang propetikong tanda ng kanyang gagampanang papel bilang apoy ng Espiritu Santo na magpapaalab sa mga puso ng mga kababaihan sa kanyang bansa upang yakapin ang buhay relihiyoso sa kabila ng mga pagbabawal at limitasyon ng kanilang panahon.
Kapanganakan
Ipinapalagay na isinilang siya sa buwan ng Pebrero, base na rin sa tradisyon ng panahong iyon na pabinyagan ang mga batang bagong panganak ilang araw lamang pagkatapos isilang. Kung susundin naman ang matandang kaugalian ng pagpapangalan sa mga batang isinilang sa Santo o Santang nagdiriwang ng kapistahan sa petsa ng kapanganakan ng sanggol, maaring ipalagay na siya ay isinilang noong ika-1 ng Pebrero, araw ng pag-aalaala kay San Ignacio ng Antioch. Siya ang panganay at kaisa-isang anak na nabuhay nina Jeronima, isang Pilipina at Jusepe Iuco isang purong Tsino mula sa Amoy, Tsina na isang convert sa Katolisismo. Ang kanyang mga nakababatang kapatid na sina Rafaela Rodriguez, bininyagan noong Agosto 23, 1665; Santiago na bininyagan noong Pebrero 27, 1668 at Juana de la Concepcion na bininyagan noong Disyembre 29, 1669 ay pawang nangamatay sa batang-gulang. Ang mag-anak na Iuco ay nanirahan sa Binondo, Maynila.
Pagtawag at Pagtugon
Wala ni ano pa mang naitala tungkol sa kanyang naging kabataan maliban nang sapitin niya ang kanyang ika-dalawampu't isang taon at ninais ng kanyang mga magulang na si Ignacia ay makasal na. Planong hindi sinang-ayunan ng dalaga sapagkat may ibang ibinubulong ang kanyang puso. Isang pagnanais na nangungusap sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa. Nais niyang italaga ang kanyang sarili sa Diyos bilang isang relihiyosa ngunit wala siyang mapapasukang kumbento o monasteryo sapagkat pawang mga may dugong Espanyol lamang ang tinatanggap sa umiiral na monasteryo ng Sta. Clara noong panahong iyon na itinatag ni Madre Jeronima de la Asuncion noong 1621.
Dahil ayaw niyang pasakitan ang kanyang mga magulang, hiningi niya ang tulong ng paring Heswita na si Padre Pablo Clain, na pinayuhan siyang magsagawa ng ispiritwal na pagsasanay ayon kay San Ignacio ng Loyola. Matapos ang ilang araw ng pananahimik at pananalangin at sa paggabay na rin ni Padre Clain, naging malinaw sa kanya ang buhay na nais ipatahak sa kanya ng Diyos - ang ilaan niya ang kanyang sarili sa paglilingkod sa Diyos na kanyang Kamahalan at mamuhay sa sariling pawis ng kanyang noo.
May mga palagay na nagsasabing unang ninais ni Ignacia na makabilang sa grupo nina Madre Francisca del Espiritu Santo (wala pa noon ang Beaterio de Sta. Catalina) na noo'y mga Dominican Tertiaries at namumuhay pang magkakahiwalay sa kanilang mga tahanan subalit hindi na niya ito naipagpatuloy marahil dahil sa panibago at mas malinaw na inspirasyong tinanggap niya pagkatapos ng ispiritwal na pagsasanay na kanyang isinagawa. |
Ang Beaterio de la Compania sa Intramuros Source: Philippine Cultural Education |
Sa Pawis ng Kanyang Noo...
Upang sundin ang inspirasyon na kanyang tinanggap, at hanapin ang kalooban ng Kanyang Kamahalan, nilisan ni Ignacia ang kumportableng tahanan ng kanyang mga magulang na ang tanging dala ay karayom at gunting noong taong 1684 at nanirahan na nag-iisa sa isang payak na tahanan na matatagpuan sa likod ng Colegio ng mga Heswita sa Intramuros. Ang karayom at gunting ay simbulo ng kanyang determinasyon na mamuhay sa pamamagitan ng sarili niyang pagpapawis at hanapin ang kalooban ng Diyos sa kanyang buhay. Dalawampu’t isang taong gulang pa lamang siya noon.
Beterio de la Compania de Jesus
Ngunit hindi nais ng Diyos na siya ay mamuhay nang mag-isa nang matagal. Ang pagbisita ng kanyang pamangkin na si Cristina Gonzales ang nagmulat sa kanyang mga mata na buksan ang kanyang puso sa iba pang mga yndia na nagnanais sumunod sa kanya. Ang kanyang buhay-panalangin at pagsasakripisyo ay nakahikayat sa iba pang mga yndia na sumama sa kanya at mamuhay bilang mga relihiyosa. Sa ganitong paraan unang nagsimula ang Beaterio de la Compania. Ang mga beatas na tinatawag ding recogidas ay madalas na tumatanggap ng mga sakramento sa kalapit na simbahan ng San Ignacio at nagsasagawa ng iba't ibang gawaing debosyonal sa pamamatnubay ng mga paring Heswita na tumayo rin bilang kanilang mga kumpesor.
Pagsapit ng taong 1688, habang si Ignacia ay dalawampu't limang taong gulang, natagpuan niya ang kanyang sarili na pinamumunuan ang isang grupo ng lampas tatlumpung kababaihan na nagsusumikap sundin ang kalooban ng Diyos at umunlad sa buhay ispirtwal.
Itinuon ni Madre Ignacia ang kanyang buhay sa pagtulad sa pagpapakasakit ni Kristo sa pamamagitan ng kababaang loob at paglilingkod. Ang kanyang malalim at matatag na ispiritwalidad ang naging sandigan ng mga beata sa mga panahon ng pagsubok at matinding kahirapan; mga oras na kailangan nilang mamalimos ng bigas at asin at suyurin ang mga lansangan sa paghahanap ng panggatong.
Dahil walang natatanggap na suporta mula sa hari ng Espanya sapagkat hindi naman sila kinikilala bilang opisyal na mga relihiyoso, patuloy na sinuportahan ng mga beata ang kanilang sarili sa pamamagitan ng paggawa ng sarili nilang mga kamay at sa mga tulong na ipinaaabot ng mga may mabubuting kalooban. Sa lahat ng ito, hindi nila nakalimutang magpasalamat sa Diyos at ipaubaya ang kanilang mga sarili sa kanyang kagandahang-loob.
Pamantayan ng Pamumuhay: Ang Konstitusyon ng Beaterio
Sa pagdami ng bilang ng mga beata, kailangan gumawa ng pamantayan ng pamumuhay na gagabay sa kanila bilang mga beata at upang itakda ang pang-araw-araw na mga gawain na susundin ng bawat isa.
Di nagtagal, napagtanto ni Madre Ignacia na hindi lamang pananalangin at pagpapakasakit ang maaaring gawin ng mga beata. Maaari rin silang magsagawa ng mga apostolado sa paglilingkod sa Diyos at kapwa. Nagsimulang tumanggap ang beaterio ng mga kabataang babae na kanilang sinasanay sa mga turo ng simbahan at mga gawain na naaangkop para sa kanila tulad ng pananahi at iba pang mga gawaing pambahay. Di naglaon, nagsimula na rin silang tumanggap ng mga kababaihang "retreatants". Isang bagay na hindi naririnig noong mga panahong iyon. Noong panahong iyon, ang mga "retreat" ay para lamang sa mga kalalakihan. Pinunan ni Madre Ignacia ang pangangailangang espiritwal ng mga laykong kababaihan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng lugar kung saan maari silang manalangin at magnilay.
|
Simbahan ng San Ignacio sa Intramuros Source: Historia de Manila |
Sa kabila ng mga hindi birong pagsubok at pagpapakasakit na pinagdaanan ng mga beata, isinumite ni Madre Ignacia ang konstitusyon ng beaterio sa Arsobispo ng Maynila noong taong 1726 at pinagtibay naman ito ng komisyong naatasang magsuri nito at inaprubahan ng Arsobispo noong 1732. Masasabing si Madre Ignacia ay isinilang una sa kanyang panahon sapagkat siya lamang ang tangi sa kanyang panahon at kauna-unahang babae sa kasaysayan ng Simbahan sa Pilipinas, na gumawa ng pamantayan ng pamumuhay o konstitusyon ng isang "relihiyosong kumunidad" na hindi siyang kaugalian noon. Kadalasan, sa mga pari ng mga iba't ibang ordeng relihiyoso na may kaalaman sa mga batas ng Simbahan ipinagkakatiwala ang katungkulang ito.
Bagamat napatanyag na sa kanyang kumunidad at sa mga lider eklesiastiko ng kanyang panahon, binitiwan ni Madre Ignacia ang katungkulan ng pagiging superyora ng Beaterio noong 1742, tanda ng kanyang kababaang loob at nag-iwan ito sa lahat ng labis na pagkamangha at paghanga sa mga beata. Namuhay na lamang siya bilang isang ordinaryong beata hanggang sa kanyang pagpanaw.
Ang kababaang loob ni Madre Ignacia ay mababanaag sa kanyang kakayahang magpatawad at sa kanyang kahinahunan. Ang kanyang ispirtwalidad ay namalas sa kapayapaan at pagkakasundo ng mga beata bilang isang kumunidad, ang kanilang pagmamahal at pagmamalasakit sa isa't isa, at ang kanilang iisang hangarin, ang pagsaksi sa pagmamahal at awa ni Hesus at sa makainang pagmamalasakit ng Birheng Maria.
|
Constitution of the Beaterio de la Compania de Jesus |
Banal na Pagpanaw
Noong umaga ng Setyembre 10, 1748, nagtungo si Madre Ignacia sa kalapit na Simbahan ng San Ignacio upang magsimba. Matapos tumanggap ng banal na kumunyon, habang nakaluhod pa, siya ay natumba at nawalan ng malay at pumanaw sa daigdig na ito sa edad na 85.
Pagkilala at Paglaganap ng Misyon
Ilang buwan bago ang kanyang kamatayan, ang Arsobispo ng Maynila, Pedro de la Santisima Trinidad Martinez de Arizala, ay nagsagawa ng mga hakbang upang hingin ang proteksyon ni Haring Fernando VI ng Espanya para sa beaterio de la compania ngunit naigawad lamang ito noong taong 1755 dahil sa haba ng pinagdaanang proseso. Nabigyan nga ng proteksyon ng Hari ng Espanya ang beaterio ngunit hindi pa rin ito kinilala bilang isang kumuninad ng mga babaeng relihiyosa bagkos nanatili ito bilang isang samahang sekular ng mga kababaihang nagnanais magpakabanal. Gayun pa man, ipinagpatuloy pa rin ng mga beata ang pamumuhay bilang mga relihiyoso ayon sa inspirasyon ni Madre Ignacia sa kabila ng kawalan ng pormal na pagkilala ng mga awtoridad eklesiastikal. Ipinagpatuloy pa rin ang pagbibigay ng ispiritwal na pagsasanay at ang pagtuturo sa mga kabataang babae ng mga beata at noong taong 1875, nagsimula ang Beaterio na magtayo ng mga kumunidad sa mga misyon at parokya ng mga Heswita sa Mindanao.
Naging isang malaking dagok din sa mga beata ang pagpapatalsik sa mga Heswita sa bansa noong taong 1755 sapagkat nawalan sila ng mga tagapayo at taga-gabay. Ngunit sa kabila nito, patuloy pa rin nilang tinaggap ang pagtangkilik ng Arsobispo ng Maynila at iba pang mga kaparian na kanilang naging kaagapay sa kanilang misyon.
Ang Beaterio de la Compania sa Kasalukuyan
Ang Religious of the Virgin Mary ay pinagkalooban ng Definitive Pontifical Approbation na iginawad ni Papa Pio XII noong Enero 12, 1948. Ang RVM ang kauna-unahang Pilipinong kongregason na nakatanggap ng nasabing pagkilala mula sa Roma.
Sa kasalukuyan, ang kongregasyon na itinatag ni Madre Ignacia, ang Religious of the Virgin Mary ay mayroong 737 na kasaping madre at mahigit 200 sa mga ito ay buhat sa iba't ibang nasyonalidad maliban sa Pilipino. Ang mga madre ay matatagpuan sa iba't ibang gawaing pastoral sa 8 bansa sa mundo - Sa Pilipinas, Taiwan, Indonesia, Estados Unidos, Canada, Italya, Ghana at Pakistan.
Cause of Beatification and Canonization
Taong 1998 nang pasimulan ni Jaime Cardinal Sin, Arsobispo ng Maynila ang Cause for Beatification ni Madre Ignacia del Espiritu Santo.
Ang dekreto ng heroic virtue na kumikilala sa kabanalan ng buhay ni Madre Ignacia ay ipinahayag noong Hulyo 6, 2007. Kung loloobin ng May Kapal, si Madre Ignacia del Espiritu Santo ang tatanggap ng karangalan bilang kauna-unahang Pilipinong Santa.
Prayer for the Beatification of Mother Ignacia del Espritu Santo
Father in heaven, Your name is glorified over all the earth in your saints, men and women, distinguished by a whole-hearted service and love for You. Through them You have established religious congregations in Your Church. In Your goodness and mercy, You have looked with favor on your people in the Philippines and have chosen from among them your lowly handmaid IGNACIA DEL ESPIRITU SANTO to be the foundress of a religious family under the special protection of the Blessed Virgin Mary. We humbly ask You, then, to glorify your name in her by performing the miracles needed for her beatification. Trough Your Son, our Lord and Savior Jesus Christ. (Petition)
May her prayers and intercession obtain for us the favors we ask for, particularly that of remaining ever faithful to Your love and service. Amen.
Ang Mother Ignacia website ay naglalaman ng iba pang mahahalagang impormasyon at updates ukol sa Cause of Beatification and Canonization ni Madre Ignacia del Espiritu Santo.
|
Madre Ignacia del Espiritu Santo mural (Source: http://www.rvm-usacanada.net/about-us/our-history) |
Pinagsanggunian:Mother Ignacia retrieved from https://theignacianmarians.wordpress.com/mother-ignacia/ on May 17, 2020.
The 2018 - 2019 Catholic Directory of the Philippines, Catholic Bishops Conference of the Philippines and Claretian Communications, Foundation, Quezon City, p. 556.
Venerable Ignacia del Espiritu Santo, pray for us.
ReplyDelete