Filipino Saints 20: Servant of God Sr. Dalisay Lazaga, FdCC
Sr. Dalisay Lazaga, FdCC (1940 - 1971) Madreng Canossian Sr. Dalisay Lazaga, FdCC Masasabing natatangi ang kwento ni Sr. Dalisay Lazaga sapagkat di tulad ng ibang mga madreng Pilipina na ngayon ay mga kandidato sa pagiging santa ng Simbahan, tanging si Sr. Dalisay Lazaga lamang ang hindi tagapagtatag ng kongregasyon bagkus, ay isang ordinaryong kasapi lamang. Sa katunayan, siya ay pumanaw sa napakabatang edad na 30. Masasabing nagsisimula pa lamang siya sa pamumulaklak sa kanyang buhay relihiyosa nang siya ay tawagin ng Panginoon upang doon sa hardin ng langit itanim at magdulot ng ganda at halimuyak magpakailaman. Marahil simple lamang ang kanyang buhay, ngunit ekstraordinaryo naman ang kanyang kakayahan na magbata ng sakit at hirap na sinimulan niyang yakapin sa napakabata niyang gulang. Kung gaano kasimple ang kanyang maikling buhay, ganoon naman kalalim ang pag-ibig na pinaghugutan niya ng lakas sa harap ng pagdurusang dala ng inindang karamdaman. ...