St. Expeditus: Patron Saint of Speedy Causes

Image
St. Expeditus:  Patron Saint of Speedy Causes The venerated image of St. Expeditus in  the Lipa Cathedral In the Metropolitan Cathedral of St. Sebastian in Lipa City is a venerated image of a young Roman Centurion saint named Expeditus. Every month of April, a nine day novena in his honor is held in the cathedral that culminates in the celebration of his feast day on the 19th of the month. Who is this saint whose intercession was also invoked in the Oratio Imperata  to avert a catastrophic eruption of Taal Volcano prepared by the Archdiocese of Lipa when the volcano exhibited extra-ordinary activity early  in January, 2020?  St. Expeditus could have found affinity with the Lipenos since the martyr shares a lot of commonality with St. Sebastian, the city’s patron. St. Expeditus, like St. Sebastian was also a young Roman soldier who converted to Christianity and was also martyred as a consequence, during the period of Diocletian persecution.  Hence, a devotion to him has developed amo

Filipino Saints 20: Servant of God Darwin Ramos: Modelo ng Kabanalan sa mga Kabataan

Servant of God Darwin Ramos (1994 - 2012):  Modelo ng Kabanalan sa mga Kabataan 


Tunay ngang mahiwaga ang pagkilos ng Diyos sa ating buhay.  Sa mahabang kasaysayan ng pag-iral ng mundo at ng tao, ipinakita Niya ang ang Kanyang kapangyarihan, awa at pag-ibig sa Kanyang mga nilalang sa pamamagitan ng Kaniyang mga piniling indibidwal na lalaki at babae na nagbibigay saksi sa Kaniyang paghahari sa mga taong Kanyang hinirang na makabilang sa Kanyang pamilya bilang mga anak ng Diyos.  

Sa ating kasalukuyang panahon, tayo ay naghahanap ng mga modelo na maari nating tingalain at pagkunan ng inspirasyon sa kung papaano natin maisasabuhay ang pagiging Kristiyano, sa araw-araw at ordinaryo nating karanasan at pakikibaka sa buhay.  Marahil titingin tayo sa mga taong may kapangyarihan, mataas ang pinag-aralan, may kayamanan at katanyagan.  Ngunit kadalasan, ang Diyos ay humihirang mula sa mga ordinaryo at pangkaraniwan, mga mahihina at kabilang sa mga hindi pinapansin at maliliit sa lipunan upang bigyang ningning at liwanag ang kanyang kadakilaan sa pamamagitan ng kanilang payak, simple at busilak na pananampalataya, pagpapaubaya at pag-asa sa Diyos. 

Isa sa mga modelo ng kabanalan para sa mga kabataan ng ating panahon ay si Darwin Ramos - simple at ordinaryo ngunit pinagyaman at pinalalim ng kanyang pag-big at pananampalataya sa Diyos.  Kung kaya't napuspos ng galak at tunay na kaligayahan ang kanyang puso sa kabila ng mga tiniis na pagsubok sa buhay dala ng kahirapan at ng inindang karamdaman.  

May Sumilay na Liwanag

Si Darwin Ramos ay ipinanganak at nagkaisip sa isang mahirap na kumunidad sa lungsod ng Pasay kung saan maaga siyang namulat sa hirap at komplikasyon ng buhay sa lungsod.

Isinilang siya noong Disyember 17, 1994 sa Dona Marta Maternity Hospital sa Pasay City at ginugol ang kanyang kamusmusan kasama ang  kanyang malaking pamilya sa Pasay. Siya ang pangalawa sa siyam na magkakapatid at napakahirap ng kanilang pamumuhay.  Masasabi nating isang kahig, isang tuka ang kanilang pamilya. 

Ang kanyang ina ay tumatanggap ng labada para sa kanilang ikabubuhay samatalang ang kanyang ama naman ay hindi maaasahan dahil sa pagkagumon nito sa  pag-inom ng alak.  Upang makatulong sa pamilya, si Darwin, sa kanyang kamusmusan ay napilitang gumawa ng paraan upang kumita ng pera. Kasama ang kanyang nakababatang kapatid na si Marimar, namumulot sila ng basura at buong araw silang nangangalakal ng mga plastic na kanilang ipinagbibili sa maliit na halaga para ipambili ng pagkain. Dahil sa kahirapan, hindi nakakapasok sa eskwelahan ang magkapatid.

Pagpapasan sa Krus ng Karamdaman

Anim na taon si Darwin nang magsimula ang sintomas ng isang karamdaman na sa kalaunan ay na-diagnose na Duchenne mascular dystrophy. Nagsimula ito bilang panghihina ng mga kalamnan ng hita na kaagad naman napansin ng kanyang ina dahil sa madalas na pagkadapa ng bata hangang sa noong magtagal ay tuluyan na itong hindi makatayo at nanghina.

Dahil sa labis na kahirapan, napwersa ang pamilya ni Darwin na lisanin ang kanilang barong-barong at sa bangketa na lamang manirahan. Pinagsamantalahan ng kanyang ama ang kapansanan ng anak upang pagkaperahan at siya ay dinadala at iniiwan ng ama sa may estasyon ng LRT sa Libertad araw araw upang doon ay mamalimos. Kinukuha ng ama ang malaking bahagi ng pinag-palimusan ni Darwin upang lustayin sa pagbili ng alak at walang pagsasaalang-alang kung may kakainin ba ang kanyang mga anak.  Hindi na kumikibo at nagsasalita si Darwin hangga't may sapat pang perang natitira para ipambili ng pagkain nilang magkakapatid.

Pagkaligtas sa Lansangan

Ang dalawang huling pangungusap na 
naisulat ni Darwin
Noong 2006, isang grupo ng mga street educators mula sa ANAK-TnK Foundation (Tulay ng Kabataan) na nagpapatuloy sa mga batang lansangan ang nakapansin kay Darwin sa may LRT station sa Libertad. Hindi na kayang tumayo ng bata pero naigagalaw at nagagamit pa nito ang kanyang mga kamay at kaya pa ring manataling nakaupo nang walang umaalalay.

Nakumbinsi siya ng mga volunteer na manatili na sa Center na pinapatakbo ng Foundation. Nagsimulang tumira sa Tulay ng Kabataan si Darwin noong Hulyo 4, 2006 kasama ang iba pang mga kabataang lansangan.

Pinuno ng Diyos

Masasabing ang batang si Darwin ay punong-puno ng Diyos. Siya ay kinakitaan ng simple, ngunit malalim na pananampalataya na nakaugat sa kanyang buhay panalangin at pasasalamat sa Diyos. Walang nakakaalam kung paano at kailan nagsimula ang malalim na ispitwalidad ni Darwin sapagkat wala naman nagturo sa kanya sa kanyang pamilya tungkol sa pananamplalataya. Sa ANAK - TnK Foundation na lamang nakilala ni Darwin ang pananampalatayang Katoliko.  At noon ngang Disyembre 23, 2006, si Darwin ay bininyagan sa EDSA Shrine at makalipas ang isang taon, tinanggap naman niya ang sakramento ng unang pakikinabang at kumpil mula kay Bishop Broderick Pabillo, ang auxiliary bishop ng Maynila.

Madalas ma-ospital si Darwin dahil sa pagkahapo o hirap sa paghinga ngunit sa kabila nito, nakakita ng pag-asa at kaaliwan kay Darwin ang mga nagbabantay at mga kasama niyang kabataan sa kung papaano niya hinaharap ang kanyang karamdaman. Madalas niyang sinasabi ang "Salamat" at "I love you". Hindi siya nagrereklamo at hindi nawawala ang ngiti sa kanyang mukha sa kabila ng dinaranas na paghihirap.

Palagi rin siyang nakahandang magbigay suporta sa mga kabataan ng Foundation kapag sila ay may kinakaharap na pagsubok at paghihirap. Kapag magsasalita siya tungkol sa kanyang karamdaman, hindi niya sasabihin kung ano talaga ito bagkus, ang misyon na ibinigay sa kanya ni Hesus ang kanyang ikukwento - ang mas makilala si Hesus at ang mas magtiwala sa Diyos dahl Siya lamang ang nakakaalam ng lahat.

Iniaalay niya kay Hesus ang kanyang mga paghihirap at pagtitiis. Minsan nabanggit niya sa pari ng foundation: "Alam mo Father, sa tingin ko, gusto ni Hesus na kayanin ko ito hanggang katapusan, kagaya ng ginawa Niya."

Nagkaroon ng malalim at personal na ugnayan si Darwin kay Hesus. Hindi lumilipas ang araw na hindi siya nagdarasal at ipinagkakatiwala ang sarili kay Hesus. Ang isa sa mga care giver sa foundation ay nagsabi: "Isang araw, habang inaapoy ng lagnat si Darwin, nagpapilit siyang tulungang bumangon sa kanyang kama upang sumama sa evening prayer. Si Hesus ang una sa lahat para sa kanya." Ang buhay niya ay pinapagliwanag ng kanyang pagiging malapit kay Kristo. Punong puno ng pag-asa, siya ay kinakitaan rin ng naguumapaw na kasiyahan at nagbigay kaaliwan sa mga kasama niya sa Tulay ng Kabataan.

Mga Mahal na Araw ng Pagpapakasakit

Noong Setyembre 16, 2012, Linggo.  Nahirapan huminga si Darwin. Isinugod siya sa ospital at nang dumating ang pari at naupo sa kanyang tabihan, humingi ng paumanhin si Darwin para sa pag-aalaalang idinulot niya. Habol ang kanyang hininga, at bagama't nahihirapan, nagpasalamat siya sa pari para sa lahat. 

Ang puntod ni Darwin sa Pasay City Cemetery
Kinabukasan, kinakailangang kabitan ng tubo si Darwin upang matulungan sa kanyang paghinga. Hindi na siya makapagsalita ngunit mababasa sa kanyang mga labi ang mga nais niyang sabihin. Kinaya pa niyang makasulat sa notebook.

Nagsimula ang kay Darwin ay "mga mahal na araw" ng pagpapakasakit. Nang dumating ang araw ng Huwebes, dumanas siya ng ispiritwal na pakikibaka. Sinabi niya sa pari ang pangangailangang magdasal sapagkat siya ay nakikipaglaban sa demonyo. Tinanggap ni Darwin ang sakramento ng pagpapahid ng langis.

Pagsapit ng Biyernes, mababanaagan ang kapayapaan kay Darwin. Mayroon siyang isang malaking ngiti sa kanyang mukha. Hirap man, sinulat niya ang kanyang dalawang huling pangungusap sa kanyang notebook"Maraming maraming salamat po" at "Masayang masaya ako" bilang tanda na napagtagumpayan niya ang kanyang pakikipaglaban. Dumating ang araw ng Sabado.  Araw ng sandaling katahmikan.

Araw ng Linggo, Setyembre 23, 2012, pumanaw si Darwin sa ospital. Alas 5:30 ng umaga, habang sumisikat ang araw, oras din ng pagkabuhay ni Hesus mula sa kamatayan.

Inilagak ang mga labi ni Darwin sa Pasay City Cemetery kung saan, marami pa ring mga tao ang pumupunta araw araw upang magdalamhati at manalangin at upang hingin ang kanyang pamamagitan.

Tungo sa Pagkilala ng Simbahan sa Kanyang Kabanalan

Ito ang kwento ng buhay ni Darwin Ramos. Isang pagpapatunay sa kagandahang loob ng Diyos sa isang buhay na puno ng saya at pasasalamat.  Si Darwin, na labis na nakibahagi sa paghihirap ng Panginoon, ay nakibahagi rin sa galak ng Kanyang tagumpay.

Walang extra-ordinaryo sa buhay ng Servant of God Darwin Ramos ngunit sa pagiging ordinaryo ng araw-araw niya isinabuhay ang pinakasimple at payak na daan ng kabanalan. Batid niya ang kahirapan sa mga lansangan ng Maynila at ang paghihirap na dala ng kanyang karamdaman. Ngunit sa kabila ng lahat, ng kanyang kasalatan sa materyal na kayamanan at pisikal na kalusugan ay pinuno ng kanyang pagiging malapit kay Kristo. Bata, dukha at may karamdaman, si Darwin ay namuhay ng may purong kagalakan na tanging kay Kristo niya natagpuan. 

Ang pagbubukas ng Diocesan Inquiry sa Buhay
ng Servant of God Darwin Ramos
Binuksan ng Diyosesis ng Cubao ang Cause for the Beatification and Canonization ni Darwin Ramos noong Agosto 28, 2019. Ang pagdiriwang ng misa at ang pagbubukas ng Cause ay pinamunuan ng Obispo ng Cubao, Bishop Honesto F. Ongtioco, D.D.

May dalawang bahagi o bahagdan ang cause ng canonization. Ang una ay  ang tinatawag na diocesan phase na susundan ng Roman phase. Sa kaso ng Servant of God Darwin Ramos, ito ay nasa lebel pa ng diocesan inquiry.

Isang tribunal ang binuo upang pakinggan ang mga testimonya ng mga saksi. Ang proseso sa pagkilala ng "heroic virtues" ni Darwin Ramos ay kasalukuyang nagpapatuloy.  Itinalaga ni Bishop Honesto F. Ongtioco si Fr. Thomas de Gabory, isang paring Dominikong Pranses upang maging postulator ng cause ng Servant of God Darwin Ramos sa pamamagitan ng nominasyon ng Darwin Ramos Association, ang petitioner ng Cause. Pumili rin ang postulator ng Vice-postulator na inaprubahan naman ng petitioner.


Panalangin para sa Lingkod ng Diyos 
Darwin Ramos

O Diyos ng lahat ng kagalakan,
Ama, Anak, at Banal na Espiritu,
hindi  mo kailanman iniiwan
ang mga nasa panahon ng pagsubok.

Nagpapasalamat kami sa pagbibigay Mo sa amin,
sa pamamagitan ni Darwin Ramos, isang batang kalye,
ng isang maliwanag na halimbawa
ng buhay Kristiyano.

Sa loob ng kanyang maikling buhay,
ibinigay mo sa kanya ang biyaya
ng simple at laging-nagtitiwalang pananampalataya,
ng masiglang pag-asa sa harap ng pagkakasakit,
at ng walang katapusang pagmamalasakit
para sa kanyang kapwa.

Idinadalangin namin na pagkalooban mo
ang iyong lingkod na si Darwin
ng luwalhati dito sa lupa,
upang ang mga kabataan at ang mga may sakit
ay makahanap sa kanya ng  halimbawa ng lubos na kaligayahan.

Sa pamamagitan niya,
dinggin mo Ama ang aming panalangin,
(ipahayag ang iyong kahilingan)

Hinihiling namin ito sa pamamagitan
ni Hesukristong aming Panginoon.  Amen.

Ama Namin / Aba Ginoong Maria / Luwalhati.


Para sa karagdagang impormasyon at updates sa Cause of Beatification ng Servant of God, Darwin Ramos, bisitahin ang link na ito: www.darwin-ramos.org.


Pinagsanggunian:

Darwin Ramos Biography. Retrieved from https://darwin-ramos.org/beatification-en/ on April 21, 2020.

*Photographs also taken from the same internet site.

Comments

Popular posts from this blog

Lipa City: The Little Rome of the Philippines

Laureana "Ka Luring" Franco: The Holy Catechist of Manila

Popular Religiosity and Festivals: And They Danced with Joy before the Lord: The Subli Festival of Bauan, Batangas