St. Expeditus: Patron Saint of Speedy Causes

Image
St. Expeditus:  Patron Saint of Speedy Causes The venerated image of St. Expeditus in  the Lipa Cathedral In the Metropolitan Cathedral of St. Sebastian in Lipa City is a venerated image of a young Roman Centurion saint named Expeditus. Every month of April, a nine day novena in his honor is held in the cathedral that culminates in the celebration of his feast day on the 19th of the month. Who is this saint whose intercession was also invoked in the Oratio Imperata  to avert a catastrophic eruption of Taal Volcano prepared by the Archdiocese of Lipa when the volcano exhibited extra-ordinary activity early  in January, 2020?  St. Expeditus could have found affinity with the Lipenos since the martyr shares a lot of commonality with St. Sebastian, the city’s patron. St. Expeditus, like St. Sebastian was also a young Roman soldier who converted to Christianity and was also martyred as a consequence, during the period of Diocletian persecution.  Hence, a devo...

Marian Titles 4: Ang Mapaghimalang Birhen ng Caysasay ng Taal, Batangas

Birhen ng Caysasay

Ang Mahal na Birhen ng Caysasay (Spanish: Nuestra Senora de Caysasay, English: Our Lady of Caysasay) ay isang imahe ng Mahal na Birheng Maria na pinararangalan sa Pang-arkidyosesis na Dambana ng Mahal na Birhen ng Caysasay sa Taal, lalawigan ng Batangas, Pilipinas. Ang imahe, na isang representasyon ng Immaculada Concepcion, na nalambat ng isang mangingisda sa ilog ng Pansipit noong taong 1603, ay pinaniniwalaang isa sa pinaka-matandang imahe ng Mahal na Birhen sa bansa. Ang mga sumunod na aparisyon ng Mahal na Birhen na naitala ng mga lider eklesiastiko ng panahong iyon ay masasabing pinakauna sa bansa. Sa kasalukuyan, patuloy na pinupuntahan ng mga deboto ang dambana ng Caysasay dahil sa mga himala na ipinatutungkol sa Mahal na Birhen. 

Ang imahe ng Caysasay ay pinagkalooban ng koronang kanonikal noong 1954 at binigyan ng titulo na Reyna ng Arkidyosesis ng Lipa. Ang kanyang kapistahan ay ginugunita tuwing ika-8 at ika-9 ng Disyembre. 

Ang imahe na gawa sa kahoy na may sukat na 10.7 pulgada, ay ipinapakita ang Mahal na Birhen na bahagyang nakaliyad nang paharap, ang kanyang mga kamay ay magkadaop malapit sa kanang bahagi ng kanyang dibdib at mas malaki ng kaunti ang isang mata. Natagpuan itong nakasuot ng simpleng pulang tunika at berdeng balabal.

Juan Maningcad
Si Juan Manigcad at ang imahen ng Birhen ng Caysasay

Ang mga ulat at dokumentasyon tungkol sa mga aparisyon noong 1611 – 1619 at 1639, ay masasabing natatangi sa mga nasulat na kasaysayan ng Simbahang Katoliko sa bansa noong panahong iyon sapagkat tumutukoy ang mga ito sa unang pagpapakita ng Mahal na Birhen sa Pilipinas. Si Padre Casimiro Diaz, OSA na siyang nag-ulat at nagsagawa ng dokumentasyon sa mga nasabing mga aparisyon at himala ay kinatawan  ng Vicar ng Orden ng mga Agustino na ang sentro noong panahong iyon ay nasa Mexico. 

Pagkatuklas

Isang araw, taong 1603, sa maliit na barrio ng Caysasay, sa bayan ng Taal, si Juan Maningcad ay naghagis ng lambat sa ilog ng Pansipit upang mangisda. Nang kanyang hanguin ang kanyang lambat, may nahuli itong isang maliit na kahoy na imahe ng Mahal na Birheng Maria. Bagamat nababad sa tubig, ito'y nagtataglay ng makalangit na ningning kung kaya’t si Juan ay nagpatirapa at nanalangin sa harap ng imahe na kanya namang iniuwi sa kanyang bahay. 

Walang nakaaalam kung saan talaga nagmula ang imahe at kung papaano ito napunta sa ilog. Isang paliwanag ay maaring inihagis ang imahe ng mga Espanyol na mandaragat sa tubig upang payapain ang daluyong ng dagat at inanod ang imahe patungo sa ilog ng Pansipit. May mga haka-haka na maaring may isang naglalakbay sa ilog na aksidenteng naihulog ito sa tubig, at may nagsasabi rin na maaring ito ay nanggaling sa bansang Tsina. 

Nagsimulang kumalat ang balita tungkol sa imahe at nakaabot ito sa kura paroko ng Taal na si Fray Juan Bautista Montoya. Nagtungo sila sa bahay ni Juan Manigcad upang usisain ang tungkol sa imahe at nang ito’y kanilang nakita, sila ay nanikluhod at nanalangin sa harap nito. 

Mga Pagkawala 

Isang Dona Maria Espiritu, naiwang biyuda ng huwes ng bayan, ang naatasang maging camarera o tagapag-ingat ng imahe. Nagpagawa siya ng isang magandang urna para sa imahe at itinago ito sa kanyang bahay. Napansin niya na nawawala ang imahe sa kanyang urna tuwing gabi at nagbabalik sa parehong lugar pagsapit ng umaga. Sa kanyang pag-aalaala, ikinuwento niya ito sa kura paroko na sinamahan naman siya pabalik sa bahay upang matagpuan ang walang laman na urna. Bigla na lamang bumukas ang pinto ng urna at nakita nila na nagbalik na ang imahe. Nagdesisyon ang kura na tumawag ng mga bantay na magtatanod sa imahe. At pagsapit nga ng gabi, nakita nila ang urna na bumukas nang sarili at ang imahe na umalis at nagbalik muli kinaumagahan.

Taal Basilica
Basilica ng San Martin ng Tours, Taal
Sumunod na pinapunta ng kura paroko ang mga taong-bayan at sinabihan na magdala ng mga kandilang may sindi at sundan ang imahe kung saan ito patutungo at sila ay dinala ng Mahal na Birhen sa Caysasay, ang lugar kung saan ito unang natagpuan. Sa pagkakataong ito, dinala ng kura sa Basilica ng San Martin ng Tours ang imahe para doon itago ngunit patuloy pa rin itong umaalis sa simbahan at isang araw nga ng pagkawala ng imahe ay hindi na ito muli pang natagpuan. 

Lumipas ang mga taon nang mayroong dalawang babaeng nagngangalang Maria Bagohin at Maria Talain na naghahanap ng mga panggatong ang nakakita sa repleksyon ng imahe sa tubig ng bukal malapit sa kung saan ito natagpuan ni Juan Manigcad. Tumingala sila at nakita ang imahe sa itaas ng puno ng sampaguita (Jasminum sambac) na tinatanuran ng dalawang may sinding kandila at binabantayan ng ilang casay-casay (silvery kingfisher, alcedo argentata), isang uri ng ibon na naninirahan sa may gawi ng burol, na kung bigkasin ng mga Kastila ay Caysasay.

Ang Birhen ng Caysasay sa ibabaw ng puno ng Sampaguita

Ibinalita ng dalawang kababaihan ang kanilang nakita sa kura na napagtanto na marahil nais ng Mahal na Birhen na manatili sa Caysasay. Isang kapilya ang itinayo sa lugar kung saan natagpuan ang imahe at nagsimula ang debosyon sa Mahal na Birhen kahit hindi pa ito kinikilala ng Simbahan. Si Padre Murillo Vellarde, SJ sa kanyang “Historia de Filipinas” at iba pang mga mananalaysay na Espanyol ay tinukoy ang taong 1611 bilang simula ng mga kababalaghan at pangitain na naganap sa may kaburulan. Ito rin ang taon, ayon kay Padre Pedro G. Galende, OSA kasalukuyang direktor ng Museo ng San Agustin sa Intramuros, kung kalian itinayo ang kapilya sa nasabing lugar. 

Pagpapakita kay Catalina Talain 

Ang mga pagpapakita ng Mahal na Birhen ay unang naganap sa mabatong burol sa Caysasay. Ayon sa pagsisiyasat ng Simbahan, nagkaroon ng isang pangitain ang isang alila na nagngangalang Catalina Talain nang siya ay magtungo sa kaburulan kasama ang isa pa, upang mangahoy at umigib ng tubig.

Loob ng Dambana ng Caysasay
Ang hindi inaasahang pangitain ng isang bagay na may kaliitan ngunit nagliliwanag sa kanyang kahangahangang kinang na nagmumula sa isang butas sa batuhan ay nakakuha ng pansin ni Catalina kung kaya’t hintatakot siyang nagtatakbo upang sabihin ito sa kanyang kasama at dali-daling nagbalik patungo sa kabayanan ng Taal malapit sa dalampasigan ng lawa. Mula sa kweba malapit sa bukal ay natagpuan ang imahe ng Mahal na Birhen – parehong imahe na nahango sa lambat sa ilog halos sampung taon na nag nakakaraan at nang kalaunan ay misteryosong naglaho mula sa kinalalagyan nito sa Basilica ng San Martin.

Ang historyador na Si Padre Jose M. Cruz, SJ ay nagsagawa ng pag-aaral sa mga original na dokumento na naisa-microfilm tungkol sa ginawang pagsisiyasat sa mga aparisyon na ayon sa kanya ay naganap noong 1619. Ayon kay Cruz, ang mga awtoridad eklesiastiko ay nagsagawa ng pagtatanong kay Talain ngunit sinabi ng huli na hindi niya matiyak kung ano talaga ang kanyang nakita. Ang hindi maayos at kulang-kulang na pagsasalaysay ni Talain ay nakakumbinsi kay Padre Cruz na hindi gawa-gawa lamang ang kanyang kuwento. Kanyang binigyang pansin na sa panahong iyon, napakalaki ng mapapala ng isang alila tulad ni Talain kung siya ay kikilalanin na isang tao na malapit sa Diyos at sa mga banal. 

Ang Pagpapakita kay Juana Tangui 

Ang orihinal na imahe ng Birhen ng Caysasay
Ang pagpapakita ng Birhen ng Caysasay kay Juana Tangui ay mas dokumentado kumpara sa naunang imbestigasyon. Si Padre Casimiro Diaz ang kinatawan ng Vicar ng mga Agustino mula sa Mexico sa kanyang Conquista de las Islas Filipinas (Ikalawang Bahagi) na nasulat noong ika-18 siglo ay nagbigay ng detalyadong salaysay ng mga kaganapan.

“Sa isang sitio na kung tawagin ay Bingsacan, malapit sa barrio ng Caysasay, taong 1611, ang mga katutubo ay nakita nang maraming beses, madalas ay sa gabi, malapit sa isang sapa kung saan sila ay umiigib ng tubig, ang isang napakatinding liwanag na nagmumula sa isang maliit na butas sa isang malaking bato. Mula sa kalayuan, ito ay mas maliwanag kaysa apoy ng apat na higanteng kandila at habang sila ay papalapit, nakarinig sila ng matamis at malamyos na himig likha ng magagandang instrumento na nakaakit sa kanila dahil sa taglay nitong makalangit na himig. At sa harap ng malaking bato, nakakita ang ilan ng magandang mga kamay at braso na nakalabas sa butas sa bato na may tangan tangang nakailaw na sulo na kanyang iginagalaw ng pataas at pababa. Pinagmasdan nila ang liwanag na ito nang matagal habang nakikinig sa makalangit na himig. Ang iba naman ay ang matinding liwanag lamang ang nasaksihan, samantalang isang grupo naman ang nakakita ng isang malaking apoy na parang lumalamon sa buong sitio. 

Matapos masaksihan ang kakaibang pangyayaring iyon na hindi pa kailanman nakita o narinig sa sitiong iyon, ang ilang katutubo, babae at lalaki ay nagdesisyon tingnan kung ano talaga ito. Nakakita sila ng pangitain ng Mahal na Birhen na mas malaki lamang nang kaunti sa isang bukas na palad mula sa dulo ng hinlalaki patungo sa dulo ng hinlalato, nakadamit ng puti at may suot na korona at sa kanyang mga braso ay ang batang Hesus, na mayroon ding suot na korona . Maraming mahimalang paggaling ang ipinatungkol sa tubig mula sa bukal. Mahigit tatlumpong katao ang nagsabi na nakita nila ang Birhen ng Caysasay. Kumalat ang balita at maraming tao ang nagtungo sa lugar ng aparisyon.

Caysasay Shrine
Pang-arkidyosesis na Dambana ng Birhen ng Caysasay

Nakaabot ang balita sa isang katutubo na ang pangalan ay Juana Tangui, na alila ni Don Juan Mangabot na isa sa mga kilalang tao sa bayan ng Bauan. Si Tangui ay isang simpleng babaeng madasalin na halos hindi na nakakakita dahil sa matagal nang iniindang karamdaman sa mata. Hindi ito mapagaling ng kahit na anong gamot na inilagay dito. Desidido siyang magtungo sa bato kung saan sinasabing nagpakita ang Mahal na Birhen. Pumunta siya doon sa lugar kasama ang isa sa mga anak na babae ng kanyang amo kung saan unang nakita ang liwang. Nabalitaan din niya na sino man daw ang maligo sa mallit na sapa ay gumagaling sa kaniyang karamdaman. Kung kaya’t naligo siya sa sapa kasama ang may sampu pang iba at habang naliligo, may napansin siyang tila anino sa kanyang tabihan ganoong wala namang araw o buwan na maaring maging dahlan nito. Gabi na noon at may kadiliman ang paligid. 

Nakaramdam din siya na parang may humahawak at pumipihit sa kanya. Nang siya ay humarap sa direksyon ng pagpihit, nakakita siya ng isang napakatinding liwanag kagaya noong nanggagaling sa isang napakalaking kandila na nagpamangha sa kanya. Ngunit hindi siya nagtangkang lumapit upang tingnan nang malapitan kung ano ang kanyang nakita. Nagtungo siyia sa malapit na bahagi ng sitio at ibinalita sa ilang kababaihan ang kanyang nasaksihan. Sinabihan siya ng mga ito na magbalik at eksamining mabuti kung ano ang kanyang nakita sapagkat sinabi nya na hindi nya ito gaanong nakita dahil nga sa karamdaman niya sa mata. Pinasamahan siya ng mga kababaihan sa isang batang babaeng alila at sila’y nagbalik sa lugar. Pagdating nila sa lugar, pinaluhod ni Juana ang batang babae at nilapitan ni Juana ang pinanggagalingan ng napakatinding liwanag at nakita niya ang imahe ng Mahal na Birhen na may taas na dalawang dangkal, nakadamit ng puti at may suot na korona at may krus sa kanyang noo. Tila may buhay ang imahe dahil ito ay gumagalaw at kumukurap ang mata. Nang lalong malapit na sa aparisyon si Juana, nagsalita ang imahe sa kanya at nagpasalamat sa pag-aalaala at pagbabalik ni Juana upang siya’y muling makita. Ayon kay Juana, sinabi ng imahe sa kanya: 

“Ikaw ay naging mabuti sa akin ngunit hangga’t hindi mo suot ang sinturon ng Cofradia de San Agustin, huwag ka munang babalik upang makipagkita sa akin, hanggang sa ikaw ay maging kasapi ng Cofradia at maisuot iyon.” 

Nagbalik sa kabayanan si Juana at walang pinagsabihan ng mga nangyari hanggang sa makausap niya si Padre Juan Bautista Montoya, ang superyor ng mga Agustino sa Taal. Hiniling niya sa pari na siya'y pagkalooban ng sinturon ng Cofradia. Matapos ang walong araw na pagtitika sa kanyang mga kasalanan, ipinagkaloob ng superyor ang sinturon kay Juana. 

Nagbalik siya, kasama ang walo o siyam na iba pa, sa lugar kung saan siya kinausap ng Mahal na Birhen. Isa sa kanyang mga kasama ang asawa ng kaniyang amo, si Dona Juliana Dimoyaguin at ang ilan pa ay mga kilalang tao sa lugar, na ang mga salaysay ay matatagpuan sa ginawang dokumentasyon ukol sa mga pangyayari.

Pinutungan ng Koronang Kanonikal ang imahe

Nagtungo sila sa lugar kung saan ang batang babaeng kasama ni Juana ay lumuhod samantalang si Juana ay nagtungo papalapit sa lugar kung saan siya tumayo ilang araw na ang nakalilipas at kanyang nakitang muli nang mas malinaw at may katiyakan, ang Mahal na Birhen. Matapos na malalim na iyuko ang kanyang ulo, si Juana ay nanikluhod sa kanyang harapan.

Sinabi sa kanya ng Mahal na Birhen na ito’y mas nalulugod ngayon sa kanya dahil suot-suot na niya ang sinturon ng Cofradia. Tinanong ni Juana ang Mahal na Birhen kung anong tanda ang kaniyang dadalhin sa mga tao upang maniwala sila na siya ay nakausap at humarap sa Mahal na Birhen. Sumagot ang Mahal na Birhen sa pamamagitan ng paghingi ng rosaryo at sinturon ni Juana upang ito ay kanyang mahawakan at ang mga ito ay sapat nang palatandaan. Iniabot ni Juana sa Reyna ng Langit ang kanyang sinturon at rosaryo kasama ng iba pang rosaryo na dinala ng kanyang mga kasamahan. 

Tinanggap ang mga ito ng Mahal na Birhen at isinauli kay Juana. Nagpatotoo ang mga kababaihang tumanggap ng mga rosaryo na ang halimuyak na nagmumula sa mga ito ay nakapagpataas sa kanilang kaluluwa. Higit dito, ang mga mata ni Juana ay gumaling. Muli siyang nakakita.

Ang Birhen ng Caysasay at ang Birhen ng Antipolo

Noong taong 1732, ang bayan ng Taal ay siyang ginawang kabisera ng lalawigan ng Batangas. Ang sentro ng bayan noon ay matatagpuan sa dalampasigan ng lawa ng Taal (na noo’y tinatawag na lawa ng Bombon). Ang pag-unlad ng bayan ay naka-ugnay sa pagbibigay probisyon sa mga nagdadaang mga galyon mula sa Maynila na naglalayag sa rutang Maynila-Acapulco. Ang mga galyong ito ay sumisilong din sa lawa ng Taal kapag may bagyo. Ang lawa ng Taal noong panahong iyon ay tubig alat at nakakonekta sa karagatan sa pamamagitan ng ilog ng Pansipit. May sapat na lalim ang ilog noon at maaari itong daanan ng mga galyon. Binibigyang parangal ng mga nagdaraang galyon lulan ang Mahal na Birhen ng Antipolo ang Birhen ng Caysasay sa pamamagitan ng pagpapaputok ng kanyon habang sila ay tumatapat sa kanyang dambana na nakatayo malapit sa ilog.

Ang maliit ngunit mapanganib na Bulkang Taal

Pagkaligtas ng Bayan

Isang napakalakas na pagsabog ng bulkang Taal ang naganap noong 1754 na nagtagal ng lampas walong buwan. Winasak nito ang mga bayan na matatagpuan sa palibot ng lawa. Ang mga taga-Taal kasama ang kanilang kura, ay lumikas mula sa sentro ng bayan at sumilong sa simbahan ng Mahal na Birhen ng Caysasay. Dahil sa pagsabog, nabarahan ang pasukan ng ilog Pansipit na nagpataas sa tubig ng lawa ng Taal na naging sanhi ng pagbabaha at paglubog ng mga bahagi ng bayan ng Tanauan, Lipa, Sala, Bauan at Taal. Lahat ng mga nasabing bayan ay lumipat sa mas mataas na lugar, papalayo sa lawa at sa bulkan. Ang kasalukuyang sentro ng bayan ng Taal ay itinayo sa gilid ng kaburulang malapit sa dambana ng Caysasay, na nakaharap sa look ng Balayan. Pinaniniwalaan ng mga mamayan na inililigtas ng Mahal na Birhen ang bayan ng Taal sa tuwing sasabog ang bulkan. 

Ang lumang sentro ng bayan ng Taal ay siya ngayong bayan ng San Nicolas. Di naglaon, naging mas makipot at mas mababaw ang ilog ng Pansipit kung kaya’t ito’y hindi na maaring daanan ng malalaking sasakyang pandagat. Samantalang ang lawa ng Taal ay unti-unting naging tubig tabang mula sa pagiging maalat nito.

Maringal na Koronasyon

Noong Disyembre 8, 1954, dakilang kapistahan ng Immaculada Concepcion at kapistahan ng bayan ng Taal, ang imahe ng Mahal na Birhen ng Caysasay ay pinutungan ng koronang kanonikal ng Espanyol na Cardinal na si Fernando Quiroga na kumatawan kay Papa Pio XII sa Basilica ng San Martin ng Tours.

Ang Balon ng Sta. Lucia

Ang Balon ng Sta. Lucia 
Ang lumang balon, na ang tubig ay nagmumula sa isang bukal kung saan nakita nina Maria Bagohin at Maria Talain ang repleksyon ng Birhen ng Caysasay ay tinatawag na Balon ng Sta. Lucia. Sa balong ito unang nagsimula ang pagdedebosyon sa Birhen ng Caysasay. Isang magandang arko na nauukitan ng imahe ng Birhen ng Caysasay ang ginawa sa ibabaw ng bukal sa may burol malapit sa simbahan na lumikha ng kambal na balon. Hindi na matukoy kung bakit tinawag na balon ng Sta. Lucia ang mga balon, maging ang petsa kung kalian ito ginawa. Ang lugar ay tinatawag ding “banal na pook” at ang tubig na dumadaloy malapit sa balon ay tinatawag na “banal na tubig.” 

Ang balon ay mapupuntahan sa pamamagitan ng mga baitang ng San Lorenzo sa likod ng simbahan ng Caysasay. Isang makipot na daraanan mula sa mga baitang ang magdadala sa nagdadaan sa balon. 

Para sa mga taga-roon ang aparisyon ang nagbigay ng kapangyarihan sa bukal upang makapagpagaling. Sa pagpapatuloy ng salaysay ni Padre Diaz:

“Ang banal na imahe ay nakapagsagawa ng maraming himala, hindi lamang doon sa mga nakapunta sa bato upang humingi ng tulong sa Reyna ng mga Angel, gaoon din sa mga umunim at naligo sa malapit na sapa. Ang mga himalang ito ay binanggit sa mga salaysay na ipinagutos na tipunin at gawan ng dokumentasyon ng Obispo ng Cebu na si Pedro de Arce at tagapamahala ng Arkidyosesis ng Maynila. Ang dokumentasyon ay inihanda ni Padre Juan Bautista de Montoya, superyor ng mga Agustino ng Taal kasama sina Padre Geronimo de Medrano at Padre Juan de Rojas.

Dikreto na nag-uugnay sa Dambana ng 
Caysasay sa Basilica ng Sta. Maria Maggiore

Ang mga deboto na magsasagawa ng pagdalaw sa Dambana ng Mahal na Birhen ng Caysasay ay pagkakalooban din ng kaparehong indulugencia plenaria na iginagawad sa mga nagtutungo sa Basilica ng Sta. Maria Magiorre sa Roma. 

Ito ay sa pamamagitan ng isang dikreto na nilagdaan ni Cardinal Bernard Francis Law, archpriest emeritus ng Sta. Maria Maggiore na nagbibigay sa Dambana ng Caysasay ng kaparehong pribilehiyo na nakakabit sa nasabing basilica sa Roma kamakailan. 

Ang mga deboto na magtutungo at mananalangin sa dambana ay makatatanggap ng indulugencia plenaria kapag kanilang natupad ang mga kondisyon tulad ng pangungumpisal, pagdalo sa banal na misa at pagdadasal para sa intensyon ng Santo Papa. 


Awit sa Mahal na Birhen ng Caysasay




Photos: ctto

Comments

Popular posts from this blog

Laureana "Ka Luring" Franco: The Holy Catechist of Manila

Lipa City: The Little Rome of the Philippines

Popular Religiosity and Festivals: And They Danced with Joy before the Lord: The Subli Festival of Bauan, Batangas