St. Expeditus: Patron Saint of Speedy Causes

Image
St. Expeditus:  Patron Saint of Speedy Causes The venerated image of St. Expeditus in  the Lipa Cathedral In the Metropolitan Cathedral of St. Sebastian in Lipa City is a venerated image of a young Roman Centurion saint named Expeditus. Every month of April, a nine day novena in his honor is held in the cathedral that culminates in the celebration of his feast day on the 19th of the month. Who is this saint whose intercession was also invoked in the Oratio Imperata  to avert a catastrophic eruption of Taal Volcano prepared by the Archdiocese of Lipa when the volcano exhibited extra-ordinary activity early  in January, 2020?  St. Expeditus could have found affinity with the Lipenos since the martyr shares a lot of commonality with St. Sebastian, the city’s patron. St. Expeditus, like St. Sebastian was also a young Roman soldier who converted to Christianity and was also martyred as a consequence, during the period of Diocletian persecution.  Hence, a devotion to him has developed amo

Sr. Christine Tan: Mother Teresa ng Maynila

Si Sr. Mary Christine Tan ay kabilang sa kongregasyon ng Religious of the Good Shepherd, isang pandaigdigang kongregasyon ng mga madre na matatagpuan sa 74 na bansa na itinatag ni Sta. Maria Euphrasia sa bansang France noong taong 1835. Sa Pilipinas, dumating ang unang grupo ng mga Irish na madreng Good Shepherd mula sa kanilang misyon sa Burma sa Batangas City noong 1912 at itinatag ang St. Bridget’s College. Sa kasalukuyan, ang mga Good Shepherd sisters ay matatagpuan sa iba’t ibang kumunidad sa buong Pilipinas upang kagaya ni Kristo, ang mabuting pastol, hanapin at akayin ang mga nawawalang tupa pabalik sa kanyang kawan. 

Ganyan marahil maaaring maisasalarawan ang naging buhay ni Sr. Christine Tan, RGS. Bagama’t ipanganak sa karangyaan, pinili niyang yakapin sa mas radikal na pamamaraan ang kahirapan at tulad ng mabuting pastol, sumama at nakipamuhay sa kanyang kawan, sa mga barung-barong sa kalungsuran, kung saan siya ay nanatili at naglingkod sa pinakamahihirap sa mahihirap nating mga kababayan sa napakahabang panahon. 

Si Amanda Tan ay isinilang noong Nobyembre 30, 1930 sa isang may kayang Chinese-Filipino na pamilya sa Maynila. Siya ang panglima sa pitong mga anak nina Judge Bienvenido Tan, Sr. at Salome Limgenco. Siya ay hinubog ng mga madreng Benediktina sa St. Scholastica’s College Manila, kung saan siya nag-aral mula elementarya hangang kolehiyo at nakatapos ng kursong BS Mathematics. Nang siya ay sumapi sa Religious of the Good Shepherd, binigyan siya ng pangalang Sr. Mary Christine. 

Si Sr. Christine ay naalala ko at una kong narinig noong mga late 1990’s kung saan siya ay labis na naging aktibo bilang isa sa mga direktor ng Philippine Charity Sweepstakes (PCSO) at nakilala dahil sa pagbubunyag ng anomalyang nagaganap sa loob ng nasabing tanggapan. Hindi bago si Sr. Christine sa pagiging kritiko ng mga maling nagaganap sa gobyerno. Isa siya sa pangunahing kritiko ng Martial Law. Walang takot siyang nakipaglaban at sumama sa mga protesta laban sa diktaturyang Marcos at sa mga pang-aabuso sa karapatang pantao ng nasabing rehiimen. 

Sunod ko siyang nakilala noong ako ay nagsagawa ng apostolate bilang isang seminarista sa mga kapatid nating maralita sa Malate. Nakakita ako ng isang nakakwadrong larawan ni Sr. Christine sa maliit na altar, kasama ng mga imahe ni Hesus at Mahal na Birhen, sa bahay na aking tinuluyan. Ikinuwento sa akin ng aking ‘nanay-nanayan” kung paanong si Sr. Christine ay naging instrumento ng pagbabago ng pamumuhay hindi lamang ng kanilang pamilya bagkus ay ng karamihan sa kanilang kumunidad. Kung kaya’t patuloy nilang inaalala si Si Sr. Christine na ang turing nila ay “Mother Teresa” ng Maynila. 

Bilang isang relihiyoso, ginugol niya ang unang labing anim na taon sa loob ng kumbento. Matalino at masigasig, pinamunuan niya ang kanyang kongregasyon bilang kauna-unahang Pilipinong Provincial Superior mula 1970 - 1976 at naging co-chairperson rin ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP) mula 1973 hanggang 1976. 

Ngunit ang sitwasyong pulitikal at panlipunan at ang mga pang-aabuso sa mga taon ng Martial Law (1972 – 1986) ay nagmulat sa kanya bilang isang relihiyoso na kumilos at magsalita upang ipaglaban ang pagbabalik ng demokrasya. Inilarawan niya ang kanyang buhay nang mga panahong ito bilang isang paghahanap sa katarungan sa loob at labas ng Simbahan; paghahanap sa Diyos, sa pagpapakatotoo at pag-aapuhap sa kalayaan. Isang paghahanap upang mabigayan ang ating mga mamamayan ng buhay na masasabing tunay na makatao. 

Sa huling bahagi ng 1970s sa paghahanap kasagutan sa kanyang mga tanong, pinili niyang makipamuhay sa mga mahihirap sa Leveriza. 

Taong 1984 nang kasama ang lima pang madreng RGS, ay itinayo niya ang Alay Kapwa Kristiyanong Komunidad na may layuning “pataasin ang pamumuhay ng mga maralitang tagalungsod sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng hanap buhay at gabay tungo sa paglagong ispiritwal." 

Upang matamo ang layunin nito, binigyan ng Alay Kapwa ang mga benepisyaryo ng programa ng paghuhubog ispiritwal. Nagbigay din sila ng tulong sa pamamagitan ng feeding at day-care programs, at pagbibigay ng scholarship sa mga kabataan. Nagsagawa rin ng mga programang pangkabuhayan at pagkakakitaan ang Alay Kapwa tulad ng paggagawa ng sabon, kandila, at iba pang mga produkto. 

Pagkatapos ng rehimeng Marcos, ipinagpatuloy pa rin ni Sr. Christine ang pakikipaglaban para sa pagbabago. Kinatawan niya ang boses ng mga maralitang tagalunsod bilang miyembro ng Constitutional Commission na siyang bumuo ng Konstitusyon ng 1987. Bilang kasapi ng Board ng Philippine Charity Sweepstakes sa ilalim ng Estrada administration, nakuha niya ang atensyon ng buong bansa sa kanyang pagbubunyag ng mga nagaganap na iregularidad sa ahensya. 

Ang kanyang gawain para sa mga mahihirap ay nagbigay inspirasyon sa marami, maging mahirap man o mayaman na kumilos upang baguhin at iangat ang antas ng pamumuhay sa mga komunidad. Si Pangulong Corazon Aquino ay pinuri at kinilala siya bilang isang dakilang babae na may integridad, at pagmamahal sa bayan, at ibinigay ang sarili nang may dedikasyon sa kanyang paglilingkod sa mga kapus-palad.  Isa rin ang kanyang pangalan sa mga nakaukit sa "Wall of Remembrance" ng Bantayog ng Mga Bayani bilang pagkilala at pagpupugay sa kanyang naging papel sa pagsusulong ng kalayaan, demokrasya, kapayapaan at karapatang pantao sa bansa.  

Ang kanyang buong buhay na halos ginugol kasama ng mga mahihirap ay isang halimbawa ng isang ideyal na pamumuhay na maaring naisin ng bawat tunay na Kristiyano.  Ngunit hindi lahat ay magagawa ito.  Kailangan ng lakas ng loob at determinasyon na nagmumula sa tunay na pagmamalasakit at pagka-unawa sa kalagayan ng mga maliliit at maralita upang harapin at yakapin ang kahirapan kasama sila.  

Noong pasimula ng 2000 nadiskubre na siya ay may isang uri ng cancer sa tiyan. Bagama't may iniindang karamdaman, nag-isip pa rin siya ng mga pamamaraan upang makapaglingkod sa Diyos. Sa kanyang sariling pananalita: "Mayroong masidhing pagnanais na nagmumula sa aking kaibuturan na ibigay ang kabuuan ng aking buhay sa Diyos sa ano mang paraan - maging sa piling man ng mga dukha o sa pagbabata ng karamdaman.  At dito, mananatili akong salat at malinis."  Pumanaw siya noong Oktubre 7, 2003. 

Ito ang uri ng pagpapastol na isinabuhay ni Sr. Christine.  Tunay syang nagbabad, nakipamuhay at nakilakbay sa mga tupa sa kawan ng Kamaynilaan hanggang sa siya ay tunay na naging kaisa at kabilang nila - isang larawan ng pagiging Mabuting Pastol.  


Pinagsanggunian: 

Amanda Tan retrieved from https://www.bookmarkthefilipinobookstore.com/sr-marie-christine-tan on April 28, 2020.

“November 21, Renewal of Vows of RGS; Martyrs and Martial Law Victims Remembered” retrieved from http://www.goodshepherdsisters.org.ph/news/november-21-renewal-of-vows-of-rgs-martyrs-and-martial-law-victims-remembered retrieved on April 28, 2020.

Comments

Popular posts from this blog

Lipa City: The Little Rome of the Philippines

Laureana "Ka Luring" Franco: The Holy Catechist of Manila

Lipa City: A Historical Sketch