St. Expeditus: Patron Saint of Speedy Causes

Image
St. Expeditus:  Patron Saint of Speedy Causes The venerated image of St. Expeditus in  the Lipa Cathedral In the Metropolitan Cathedral of St. Sebastian in Lipa City is a venerated image of a young Roman Centurion saint named Expeditus. Every month of April, a nine day novena in his honor is held in the cathedral that culminates in the celebration of his feast day on the 19th of the month. Who is this saint whose intercession was also invoked in the Oratio Imperata  to avert a catastrophic eruption of Taal Volcano prepared by the Archdiocese of Lipa when the volcano exhibited extra-ordinary activity early  in January, 2020?  St. Expeditus could have found affinity with the Lipenos since the martyr shares a lot of commonality with St. Sebastian, the city’s patron. St. Expeditus, like St. Sebastian was also a young Roman soldier who converted to Christianity and was also martyred as a consequence, during the period of Diocletian persecution.  Hence, a devotion to him has developed amo

Philippine Churches 2. Ang Simbahan ng San Geronimo sa Morong, Rizal

Maikling Kasaysayan

Ang Simbahan ng San Geronimo sa Morong, Rizal ay isa sa mga pinakaunang itinayo ng mga naunang mga misyonerong Espanyol na lumabas buhat sa sentro ng Maynila sa kanilang pagnanais na palaganapin ang pananampalataya sa kabuuan ng isla ng Luzon.

Subalit ang mga unang mga nakarating sa Morong ay hindi mga misyonero bagkus mga miyembro ng hukbong Espanyol.  Noong Enero 16, 1572, isang ekspedisyon ang pinamunuan ni Kapitan Juan Maldonado patungo sa dakong silangan palabas ng Maynila halos isang taon pa lamang matapos itatag ni Miguel Lopez de Legazpi ang Maynila.  Nakaabot sila sa isang pamayanan ng mga katutubo na may mataas na antas ng kabihasnan sa baybayin ng Laguna de Bay.  Tinawag nila itong Moron, na kalauna'y naging Morong mula sa isang bayan sa Espanya na mayroon ding gayong pangalan.  Ang pamayanang ito ang naging sentro ng kanilang pamamahala sa mga lupaing iyon at tinawag na Rinconada de Morong o Pueblo de Morong.  

Lumipas pa ang anim na taon bago ang mga unang misyonero ay dumating upang magpalaganap ng Kristiyanismo.  Ang mga Pransiskanong sina Fray Juan de Placencia at Fray Diego de Oropesa ang kaunaunahang mga misyonerong nagsagawa ng ebanghelisasyon sa bahaging ito ng kolonya at pinili nila ang Morong bilang naaangkop na sentro ng kanilang mga gawain ng pagtuturo ng katesismo at sa paligid ng misyon ng Morong, nagtayo sila ng mga visita sa mga sitio.  Ang mga sitio na ito kalaunan ay ang pagsisimilan ng mga parokya ng Baras, Tanay, Pililla, Cardona, Binangonan at Teresa.   Ang Pueblo de Morong ang itinalagang kapitolyo ng lalawigan ng mga Pransiskano.  

Di naglaon, ang visita ng Pilang ay inihiwalay na siyang naging bayan ng Pililia at sumunod naman ang Binangonan noong 1621. 

Sina Padre Placencia at Padre Oropesa ang nagpakilala kay San Geronimo bilang siyang pintakasi ng parokya. Si San Geronimo ay isang pari na nabuhay noong ika-4 na siglo na siyang nagsalin sa Banal na Kasulatan mula sa Hebreo patungong Latin.  Sa pamamagitan ng kanilang gawaing pagmimisyon, naturuan ng pananampalataya ang mga mamamayan ng Morong at nang kalaunan ay nagpabinyag bilang mga Kristiyano.

Bagama't may pagbanggit na sa bayan ng Morong sa mga nakasulat na kasaysayan noong 1572, ang kinikilalang taon ng pagtatatag sa parokya ng Morong ay 1586, ang taon kung kailan naitayo ang unang simbahan sa lugar sa ilalaim ng pamamahala ng kura paroko na si Padre Blas de la  Madre de Dios na siyang humalili sa dalawang naunang mga Pransiskanong misyonero.  

Ayon kay Padre Felix Huertas sa kanyang "Estado Geografico" (1885) isang simbahang yari sa kawayan, nipa at kahoy ang itinayo sa barrio ng San Pedro sa Timog na bahagi ng ilog ng Morong. Ang nasabing simbahan ay nanatiling matatag at nakatayo sa kabila ng madalas na pag-apaw ng ilog na nagiging sanhi ng pagbabaha sa lugar ngunit  hindi ito nakaligtas sa sunog na tumupok at puminsala sa malaking bahagi ng bayan ng Morong noong 1612.  

Makalipas ang tatlong taon, isang mas matibay na simbahang yari sa bato ang itinayo ng mga manggawang Tsino sa kabilang pampang ng ilog, sa tuktok ng isang burol kung saan tanaw ang buong bayan at ligtas sa mga sunog at pagbabaha.  Ang simbahan ay  may taas na halos 42 metro at lapad na 12 metro.

Ang simbahan ng Morong na itinalaga sa karangalan ng paring si San Geronimo ay siyang pinakamaganda at pinakamataas na simbahan na naipatayo ng mga Pransiskano sa Pilipinas ayon sa salaysay ni Padre Mariano Martinez (1887).  Ang disenyo ng arkitektura na naaayon sa disenyong baroque na nagpapabighani sa maraming mga deboto at turista sa kasalukuyan ay produkto ng maraming pagsasaayos sa orihinal na istruktura noong 1855.  Ninais ng noo'y kura na si Padre Maximo Rico na magtayo ng kampanaryo para sa lumang simbahan ngunit hindi kayang suportahan ng istruktura ang isang kampanaryo at napakakipot na ng espasyo sa may harap ng simbahan kung dito magtatayo at maari rin itong maging balakid kung sakaling palalakihin ang simbahan sa hinaharap kung kaya't nagdesisyon siya na isama na lamang ang kampanaryo sa mismong istruktura ng harapan ng simbahan.  

Nagsimula ang pagawain sa harapan ng simbahan kasama ang kampanaryo na dinisenyo ni Don Bartolome Palatino ng Paete, Laguna noong Hunyo 24, 1850 at natapos noong Pebrero 2, 1853.  Ito ay isang napakalaking proyekto na pinagtulung-tulungan ng mga mamamayan, hindi lamang ng mga kalalakihan bagkus kasama na rin ang mga kababaihan at mga kabataan, sa ilalim ng sistema ng pwersang paggawa, na siyang humakot ng malalaking bato sa kalapit na burol ng Kay Ngaya at ng buhangin mula sa ilog.  Samantala, ang mga kahoy naman ay ibinaba mula sa bundok na kung tawagin ay Kay Maputi.

Ang istruktura ng harap ng simbahan ay nahahati sa tatlong bahagi na tila umaakyat patungo sa kalangitan.  Ang disenyo ng unang bahagi o palapag ay binubuo ng 6 na poste na may kanya-kanyang pedestal at kornisa; tig tatlo sa magkabilang bahagi ng pintuan. (tig dalawa sa  sa may sentro na gumigitna sa pintuan at tig isa sa magkabilang naka-anggulong dulo ng istruktura).  Ang ikalawang palapag o bahagi naman ay binubuo ng apat na poste sa sentro na pinagigitnaan ang isang malaking bintana at isa muli sa magkabilang naka-anggulong gilid ng istruktura. Ganoon ding kaayusan ng mga poste ang matatagpuan sa ikatlong bahagi ng istruktura.  Matatagpuan sa sentro ng ikatlong palapag ang isang magandang rebulto ng patron na si San Geronimo at sa gawing itaas ng nitso (niche) ni San Geronimo ay ang eskudo ng mga Pransiskano na inukit sa istilong bas relief.  Matatagpuan sa tuktok ng istrutura ang oktagonal na kampanaryo na napapalibutan ng walong poste at apat na bintana. Naliligiran din ang kampanaryo ng kornisa na may kapal na 8 pulgada na sumusuporta sa balustre.  Sa pinakaibabang bahagi ng kampanaryo ay matatagpuan sa apat na gilid nito ang apat na estatwa na kumakatawan sa apat na cardinal virtues. Sa arko (vault) ng kampanaryo ay matatagpuan naman ang isang anghel na estatwa na nakatayo sa isang pedestal, may tangang espada sa kanang kamay at isang bandila na hugis na krus sa kaliwa.  May 5 kamapana ang kampanaryo, isa sa bawat apat na bintana at isa sa gitna.   

Sa paglipas ng panahon, nanatiling nakatayo ang simbahan sa kabila ng napakaraming kalamidad na sumubok sa tatag ng istruktura tulad ng mga bagyo at lindol at naging silungan at tanggulan din ang simbahan ng mga mamamayan sa mga karahasang bunsod ng pag-aaklas ng mga Pilipino laban sa mga Espanyol at ang ikalawang digmaang pandaigdig.  

Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, sa pamamahala ni Padre Hugh O'Reilly, isang misyonerong Columban, may mga pagsasaayos na ginawa sa bubida (dome) ng simbahan. At noon Enero 30, 1949, ang simbahan na may bagong bubida na may mga nakapintang larawan ng apat na ebanghelista na ipininta ni Carlos "Botong" Francisco ng Angono, Rizal ay binasbasan at muling pinasinayaan.  

Nagpalipat-lipat ang administrasyon ng parokya ng Morong mula sa mga Pransiskano, Agustino, at Heswita sa daan-taon nitong kasaysayan.  Sinimulan itong pamahalaan ng mga paring diyosesano nang italaga si Padre Arnold Layoc bilang kauna-unahang Pilipinong kura paroko.  

Ang bayan ng Morong ay nahahangganan sa hilagang silangan ng Baras, sa timog silangan ng Tanay at ng Laguna de Bay, sa timog ng Cardona, sa timog kanluran ng Binangonan, sa kanluran ng Angono at sa hilaga ng Teresa.   

Ang Patrong si San Geronimo, Pantas ng Simbahan

Si San Geronimo (Latin: Eusebius Hieronymus) ay isinilang noong 347 sa Stridon, Dalmatia at namatay noong 419 o 420 sa Bethlehem, Palestina.  Ipinagdiriwang ang kanyang kapistahan tuwing Setyembre 30.   Isa siyang tagapagsalin ng Banal na Kasulatan at lider monastiko na kinikilala sa tradisyon na nangunguna sa dunong sa lahat ng mga Latin Fathers.  

Namuhay siya bilang isang ermitanyo, naging pari, at naglingkod bilang sekretaryo ni Papa Damasus I at noong taong 389, nagtayo ng isang monasteryo sa Bethlehem.  Ang napakarami niyang sulatin ukol sa Banal na Kasulatan, asetisismo at monastesismo at Teolohiya ay labis na naging impluwensyal sa unang bahagi ng panahong medieval.  Siya ay naging tanyag dahil sa kanyang pagsasalin sa Latin ng Biblia, ang Vulgate. Siya ay kinilala rin bilang pantas ng Simbahan. 



Pinagsanggunian:

A Pilgrimage of Faith with Mary: Diocese of Antipolo Silver Jubilee Celebration (2011).  Roman Catholic Diocese of Antipolo.

The Morong Church retrieved from http://ofmphilarchives.tripod.com/id7.html on June 8, 2020.

Photos: CTTO

Comments

Popular posts from this blog

Lipa City: The Little Rome of the Philippines

Laureana "Ka Luring" Franco: The Holy Catechist of Manila

Popular Religiosity and Festivals: And They Danced with Joy before the Lord: The Subli Festival of Bauan, Batangas