St. Expeditus: Patron Saint of Speedy Causes

Image
St. Expeditus:  Patron Saint of Speedy Causes The venerated image of St. Expeditus in  the Lipa Cathedral In the Metropolitan Cathedral of St. Sebastian in Lipa City is a venerated image of a young Roman Centurion saint named Expeditus. Every month of April, a nine day novena in his honor is held in the cathedral that culminates in the celebration of his feast day on the 19th of the month. Who is this saint whose intercession was also invoked in the Oratio Imperata  to avert a catastrophic eruption of Taal Volcano prepared by the Archdiocese of Lipa when the volcano exhibited extra-ordinary activity early  in January, 2020?  St. Expeditus could have found affinity with the Lipenos since the martyr shares a lot of commonality with St. Sebastian, the city’s patron. St. Expeditus, like St. Sebastian was also a young Roman soldier who converted to Christianity and was also martyred as a consequence, during the period of Diocletian persecution.  Hence, a devotion to him has developed amo

Marian Titles 5: Mahal na Birhen ng Manaoag: Ang Inang Tumatawag

Ang ika-17 siglong imahe ng Mahal na Birhen ng Santo Rosario ng Manaoag na mas kilala bilang Nuestra Senora de Manaoag na gawa sa garing (ivory) at pilak ay isang representasyon ng Mahal na Birhen kasama ang Nino Hesus. Ang imahe na tinatawag ding “Apo Baket” ng mga taga-Pangasinan, ay nakadambana sa basilikang itinalaga sa kanyang karangalan sa Manaoag, Pangasinan. Ayon sa tradisyon ang pangalan ng bayan ng Manaoag ay nanggaling sa salitang Pangasinense na “mantaoag” na ang ibig sabihin ay “tawagin”, mula sa salitang ugat na “taoag” (tagalog: tawag). 

Dinala ang imahe sa Pilipinas mula sa Espanya sa pamamagitan ng kalakalang Galyon na tumatahak sa rutang Maynila – Acapulco, Mexico noong unang bahagi ng ika-17 siglo ng Dominikong si Padre Juan de San Jacinto. 

Ayon sa tradisyon at sa mga dokumento na nasulat mula pa noong 1610, ang Mahal na Birhen ay nagpakita sa isang magsasakang nasa katanghaliang-gulang. Naglalakad siya pauwi sa kanyang bahay mula sa pagtatrabaho sa bukid nang kanyang marinig ang pagtawag ng isang babae. Nagpalinga-linga siya upang hanapin ang pinanggagalingan ng tinig at nakita niya sa isang sanga ng puno ng Molave na natatabingan ng mga ulap ang isang aparisyon ng Mahal na Birhen na nadadamitan ng maringal na kasuotan at may tangang rosaryo sa kanyang kanang kamay at sa kanya namang kaliwang braso ay ang Batang Hesus. Nababalot ang buong aparisyon ng isang makalangit na ningning. Sa kanyang pagkamangha, hindi kaagad nakakilos at nakapagsalita ang lalaki at nang siya’y nahimasmasan, nanikluhod habang pinakikinggan ang matimyas na tinig ng Mahal na Birhen. “Anak, nais kong itayo ang isang simbahan sa lugar na ito sa aking karangalan.” Di nagtagal at kumalat ang balita sa buong bayan at sa buong lalawigan. Isang simbahan ang itinayo sa burol kung saan naganap ang aparisyon at doon idinambana ang imahe ng Mahal na Birhen ng Sto. Rosario na nagmula sa Espanya at dinala ng unang paring nadestino sa misyon ng Manaoag na si Padre Juan de San Jacinto. Ang lugar na ito ang naging sentro ng ngayon ay bayan ng Manaoag. 

Mga Himala 

Ilan sa mga naunang himala na ipinatutungkol sa Mahal na Birhen ng Manaoag ay binigyang buhay sa mga mural na matatagpuon sa loob ng simbahan kabilang na ang unang pagpapakita ng Birhen. 

Noong unang bahagi ng pananakop ng mga Espanyol, ang mga katutubo sa bundok ay sumasalakay at sinusunog ang mga bagong tatag na mga barrio na yumakap sa Kristiyanismo. Ang bayan ng Manaoag ay isa sa mga pamayanan na sinunog ng mga katutubo kung kaya’t ang mga mamamayan ay lumikas patungo sa simbahang nabububungan ng pawid upang duon magtago. Inakyat ng mga katutubo ang bakod ng simbahan at pinaulanan ng mga nag-aapoy na palaso ang simbahan na himalang hindi nagliyab at nasunog. 

Noong ikalawang digmaang pandaigdig naman, ang mga hukbong Hapones ay naghulog ng ilang bomba sa paligid ng simbahan ngunit bahagya lamang napinsala ang simbahan. Sa apat na bomba na inihulog mula sa itaas ng simbahan, tatlo sa mga ito ang bumagsak sa plaza at sa harapan ng simbahan na dagliang muwasak sa mga ito. Ang huling bomba ay bumagsak sa sanktwaryo, ngunit himalang hindi ito sumabog. 

Sinasabing ang mga bulalaklak na chrysanthemum sa loob ng simbahan ang pumigil sa mga sundalong Hapones na mas lalong lapastanganin ang simbahan dahil sa pagpapahalaga ng kulturang Hapon sa bulaklak na chrysanthemum

Kabilang sa iba pang mga himala na ipinatutungkol sa Mahal na Birhen ng Manaoag ay ang pag-ulan sa kalagitnaan ng mga tagtuyot, ang pagpapanumbalik sa buhay ng isang namatay na batang lalaki sa pamamagitan ng pananalangin sa Mahal na Birhen at ng banal na tubig, pagkapigil sa isang sunog na nagsimula sa loob ng simbahan, at ang pagtutol ng Mahal na Birhen sa mga pagtatangkang ilipat ang lugar ng kanyang dambana. 

Sa kasalukuyang panahon, napakarami pa ring mga himala ang ipinatutungkol sa Mahal na Birhen ng Santo Rosario na binibigyang patotoo ng napakaraming mga deboto na ang karamihan ay nanggagaling pa sa malalayong dako at nagtutungo sa Manaoag upang mamintuho o magpasalamat sa mapaghimalang Birhen ng Manaoag. 

Mga Kapistahan 

Ang dakilang kapistahan ng Mahal na Birhen ng Manaoag ay ginugunita tuwing ika-tatlong Miyerkules ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Ang kasagsagan ng mga pagdedebosyon sa Mahal na Birhen ay sa tuwing panahon ng Kuwaresma at muling pagkabuhay, sa buwan ng Mayo at sa buwan ng Oktubre, ang buwan ng santo rosaryo, at kung kailan ginugunita ng pangkalahatang Simbahan ang kapistahan ng Mahal na Birhen ng Santo Rosario sa unang Linggo ng Oktubre. 

Maikling Kasaysayan 

Bago pa man dumating ang mga Dominiko, ang mga misyonerong Agustino ay nagtayo ng isang visita sa Santa Monica (dating pangalan ng Manaoag) na kanilang pinamamahalaan buhat sa Lingayen. Ang lugar na ito ay siya ngayong kinatatayuan ng Libingang Katoliko ng Manaoag. 

Inilipat ng mga Agustino ang pamamahala sa kapilya sa mga Dominiko noong 1605 at pinamahalaan ito ng mga paring Dominiko mula sa bayan ng Mangaldan. Sa katunayan, ang unang paring Dominiko na nagmisyon sa Manaoag na si Padre Juan de San Jacinto ay siyang kura paroko ng Mangaldan. 

Noon lamang taong 1608 na ang misyon sa Mangaldan ay kinilala at tinanggap ng Provincial Chapter ng mga Dominiko at noong taong 1610, pinamahalaan ni Padre Tomas Jimenez ang misyon sa Manaoag bilang kauna-unahang residenteng pastor. Dahil sa banta ng mga pagsalakay mula sa mga katutubo sa malapit na mga kabundukan, inilipat niya ang pamayanan sa kasalukuyang kinalalagyan nito na nasa isang burol. Itinayo ng mga Dominiko ang isang mas malaking simbahan noong 1701 sa pamamagitan ng suporta mula sa mag-asawang Gaspar de Gamboa at Agata Yangta, mga mayamang taga-Maynila na lumipat sa Lingayen. Muling pinalaki ang simbahan noong 1882 ngunit nahinto ang pagpapagawa nito dahil sa lindol noong 1892. Sa pagsiklab ng pag-aalsa ng mga Pilipino laban sa mga Espanyol, sinunog ng mga rebulusyunaryo ang simbahan noong Mayo 1898 ngunit himalang nakaligtas sa apoy ang imahe ng Mahal na Birhen. Natagpuan ito sa likod ng simbahan at mula Hunyo hanggang Oktubre ay itinago pansamatala sa Dagupan. 

Noong 1901, nagbalik ang mga Dominiko sa Manaoag sa pamamagitan ng imbitasyon ng paring sekular na si Padre Mariano Pacis. Sa ilalim ng mga Dominiko, ang pagpapalaki sa simbahan na nagsimula noong 1882 ay natapos noong taong 1911 – 1912. Ang retablo mayor ay ginawa ng tanyag na Tampinco Studio mula sa Maynila. Ang magkabilang pakpak (transcept) ng simbahan ay natapos noong 1931 – 1932. 

Ibinalik ng mga Dominiko sa mga paring diyosesano ang lahat nilang mga misyon sa Pangasinan maliban sa Manaoag.  Ang pamamahala (in perpetuity) sa simbahan ay ipinagkaloob sa Orden ng mga Dominiko ng Santo Papa noong 1925. 

Libo-libong mga deboto ang nakasaksi sa koronasyong kanonikal ng Mahal na Birhen ng Sto. Rosario ng Manaoag na ginanap noong Abril 21, 1926 na pinamunuan ng Apostolic Delegate sa Pilipinas Guillermo Piani, SDB na kumatawan kay Papa Pio XI. Sa pamamagitan ng koronang kanonikal, opisyal na kinilala ng Simbahan at ipinahahayag na ang Mahal na Birhen ng Santo Rosario ng Manaoag ay nakapagdulot ng mga biyaya sa mga deboto nito sa nakalipas na ilang daang taon. 

May espesyal na pagkakaugnay rin ang Basilica ng Manaoag sa Basilica Menor ng Sta. Maria Maggiore sa Roma. Ang bawat deboto na magtutungo sa Manaoag ay makatatanggap ng katulad na indulegencia plenaria na tinatanggap ng mga bumibisita sa Basilica ng Sta. Maria Maggiore kung tutupdin ang mga nakakabit na kondisyon: magsimba at mangumunyon, mangumpisal, at mag-alay ng panalangin para sa intensyon ng Santo Papa. Ito ay iginawad sa Dambana noong Hunyo 2011. 


photos: ctto

Comments

Popular posts from this blog

Lipa City: The Little Rome of the Philippines

Laureana "Ka Luring" Franco: The Holy Catechist of Manila

Popular Religiosity and Festivals: And They Danced with Joy before the Lord: The Subli Festival of Bauan, Batangas