St. Expeditus: Patron Saint of Speedy Causes

Image
St. Expeditus:  Patron Saint of Speedy Causes The venerated image of St. Expeditus in  the Lipa Cathedral In the Metropolitan Cathedral of St. Sebastian in Lipa City is a venerated image of a young Roman Centurion saint named Expeditus. Every month of April, a nine day novena in his honor is held in the cathedral that culminates in the celebration of his feast day on the 19th of the month. Who is this saint whose intercession was also invoked in the Oratio Imperata  to avert a catastrophic eruption of Taal Volcano prepared by the Archdiocese of Lipa when the volcano exhibited extra-ordinary activity early  in January, 2020?  St. Expeditus could have found affinity with the Lipenos since the martyr shares a lot of commonality with St. Sebastian, the city’s patron. St. Expeditus, like St. Sebastian was also a young Roman soldier who converted to Christianity and was also martyred as a consequence, during the period of Diocletian persecution.  Hence, a devotion to him has developed amo

Philippine Churches 1: Ang Simbahan ng Sta. Ursula de Binangonan, Rizal

Ang Simbahan ng Sta. Ursula sa Binangonan, Rizal

Maikling Kasaysayan ng Parokya ng Santa Ursula ng Binangonan, Rizal

Sumilang ang parokya ng Sta. Ursula nang ang bayan ng Binangonan ay inihiwalay sa Pueblo de Morong na siyang pinakasentro ng lalawigan ng ngayon ay Rizal noong taong 1621. Bagama’t nauna nang dumating ang Kristiyanismo sa bayan dala ng pagmimisyon dito ng mga Pransiskano na siyang unang grupo ng mga misyonero na nagsagawa ng ebanghelisasyon sa bahaging ito ng Luzon noong 1578.  Pinili bilang pintakasi  ng bagong tatag na bayan at parokya ang martir na si Sta. Ursula.  

Matapos magtayo ng misyon sa Morong, ang mga Pransiskano sa pangunguna nina Fray Juan de Plasencia at Fray Diego De Oropesa ay nagsimulang ipalaganap ang Kristiyanismo sa hanay ng mga pamilya na matatagpuan sa paligid ng Laguna de Bay at nagtayo ng mga visita kung saan tinitipon nila ang mga tao upang magturo ng katesismo. 

Ang isa sa mga visita ay itinayo malapit sa pampang ng lawa, sa paanan ng kabundukan ng Sierra Madre. Sa palibot ng visitang ito, lumaki ang pamayanan at lumaganap ang pananampalataya sa bisa ng sistemang reduccion na isinagawa ni Fray Juan de Plasencia. Ipinapalagay na marahil, dito sa pag-usbong na ito ng pamayanan at pananampalataya sa bahaging ito ng bayan, kinuha ang pangalan ng ngayon ay bayan ng “Binangonan”. 

Retablo Mayor ng Simbahan
Ang kasalukuyang simbahan ng Sta. Ursula ay nakatayo sa orihinal na lugar kung saan unang itinayo ang visitang gawa sa kugon at nipa. Mula sa mga Pransiskano, ang pamamahala sa parokya ay nalipat sa mga Heswita noong 1679 at pagkatapos naman ay sa mga Agustino noong 1697. 

Nagbalik muli ang mga Pransiskano upang pamahalaan ang parokya noong 1737 at noong mga huling dekada ng ika-18 siglo, natapos ang pagpapatayo ng kasalukuyang simbahan at kumbento na ngayon ay itinuturing na yaman ng bayan. 

Mula 1931 hanggang 1973, ang parokya ay pinamahalaan ng mga misyonerong Columban mula sa Ireland at New Zealand at sa mga panahong ito naisagawa ang napakaraming pagsasaayos sa simbahan at sa kumbento. Isa sa mga napakahalagang pangyayari sa panahong ito ay ang pagtatatag ng Binangonan Catholic High School noong Hulyo 1, 1947. 

Inilipat sa pamamahala ng mga paring diyosesano ang parokya noong 1973 sa pagkatalaga kay Msgr. Arsenio Bautista bilang kauna-unahang Pilipinong pastor ng Sta. Ursula. 

Maaaring ang Sta. Ursula sa Binangonan ang tanging parokya sa bansa na nakapangalan sa karangalan ng martir na Santa. 

Sta. Ursula de Binangonan 

Mayroong dalawang imahe ni Sta. Ursula na pinararangalan sa bayan ng Binangonan. Ang una ay ang nakadambana sa parokya na gawa sa kahoy at ang ikalawa ay ang gawa sa garing (ivory) na inilalabas sa prusisyon tuwing pista at isinasakay sa pagoda. Ang imaheng gawa sa kahoy ay detalyadong ukit ng Santa na nagagayakan ng berde at pulang kasuotan at may tangan-tangan na istandarte. 

Ang imahe na yari sa garing naman ay maaring damitan at may suot-suot na tiara upang tukuyin ang kanyang pagiging prinsesa. Naiiba ang mga imahe sapagkat may tangan-tangan silang  tungkod ng isang peregrino na may nakahugos na estandarte na nangangahulugan na si Sta. Ursula ay namuno sa isang pilgrimage patungong Roma bago siya at ang kanyang libong mga kasama ay pinatay bilang mga martir sa Cologne, Alemanya.

Mga Tradisyon at Pagdiriwang 

"Giwang-giwang" tuwing Biyernes Santo
Giwang-giwang 

Ang "giwang-giwang" ay isang tradisyon na isinasagawa tuwing Mahal na Araw. Sa araw ng Biyernes Santo, ang Santo Entierro ay ipinu-prusisyon sa buong kabayanan ng Binangonan habang pasan-pasan sa balikat ng mga kalalakihan.  May lubid na nakatali sa calandra ng poon na siyang hinahawakan ng mga deboto na may pagkakahawig sa nagaganap sa traslacion tuwing pista ng Nazareno sa Quiapo, dahilan para ang imahe ay gumiwang-giwang. 

Caru-karuhan de Binangonan 

Ang "caru-karuhan" ay isang umusbong na tradisyon mula sa Giwang-giwang na isinasagawa rin tuwing Biyernes Santo. Dahil sa delikadong sumali ang mga bata sa giwang-giwang, hindi sila pinapayagang sumali sa prusisyon. Ito ang nagbigay inspirasyon sa mga kabataan ng kalye Regidor sa Barangay Layunan upang magkaroon ng sarili nilang pagdiriwang tulad ng sa giwang-giwang. Sila ay naghanap ng mga maliliit na imahe ng mga Santo tulad rin ng mga malalaking imahe na ipinuprusisyon at nagsagawa ng sarling prusisyon katulad ng ginagawa ng mga nakatatanda. Kasama ang labing-isang libong kadalagahan, 

Caru-karuhan ng mga bata
Noong 2013, ang Parokya ng Sta. Urusula ay kinilala ang tradisyon ng karu-karuhan at nagsagawa ng katesismo sa mga kabataan na may ari ng mga maliliit na imahe sa kahalagahan ng tradisyon na ito. 

Pista ni Sta. Ursula

Tuwing kapistahan ni Sta. Ursula tuwing Oktubre 21, pagkatapos ng misa sa simbahan, bilang pasasalamat at pananalangin sa Diyos sa masaganang ani ng mga magsasaka at huli ng mga mga mangingisda, sinasayawan sa isang prusisyon patungong Pritil ng Binangonan ang pintakasi ng bayan at isinasakay sa isang luklukang nakatampok sa pinagdugtong dugtong na tatlong malalaking bangkang de motor.  Puno ng dekorasyon ang naglalayag na imahen kasama ang mga magdadasal, mananayaw at manunugtog. Sinasabayan ang pagoda ng mga lampitaw o maliliit na bangkang de motor na tila nagkakarera habang binabaybay ng pagoda ang Lawa ng Laguna.  Pagkatapos, ipu-prusisyon ang patron patungong munisipyo at saka ibabalik sa simbahan. Maraming sumasayaw sa prusisyon sa kalsada hindi lamang sa pangsariling hiling kundi para magsaya at magbasaan.  Itinuturing na ang pagbubuhos ng tubig sa pagoda ay pagsasaboy din ng bendisyon ng langit.  May kaayusan sa prusisyon na tinutugtugan ng musiko ang mga mananayaw ng patron.  

Prusisyon na kung tawagin ay "Pagoda"
Nuong una, diretso lang ang pag-usad ng imahen.  Sa kasalukuyan, wari'y pinapaikot-ikot, ginegewang gewang ang santo ng mga bumubuhat na halos ay pawang mga kabataan.  

Ang natatanging pagdiriwang ng kapistahang ito ay paraan ng mga taga Binangonan at mga deboto hindi lamang para magsaya ngunit upang pasalamatan ang Diyos sa lahat ng mga biyayang kanilang tinatanggap sa tulong ng kanilang patrong si Sta. Ursula.

Ang Martir na si Sta. Ursula 

Ang kwento ni Sta. Ursula ay nakaugnay sa isang inskripsyon na nasulat sa pagitan ng ika-4 at ika-5 siglo sa Simbahan ng Sta. Ursula sa Cologne, Alemanya na nagsasabing ang isang sina-unang basilika ay itinayo ni Climatius sa lugar kung saan may mga banal na dalagang pinatay. Nang muli itong nabanggit sa isang sermon noong ika-8 o ika-9 na siglo, mas dumami ang bilang ng mga dalaga sa ilang libo, na sinasabing pinatay sa panahon ng Romanong Emperador na si Maximian. 

Ayon sa Legenda Aurea (Gintong Alamat) ni Jacobus de Voragine na nasulat noong 1265-1266, si Ursula ay isang prinsesa mula sa Britanya na naglayag kasama ang 11,000 dalaga patungo sa kanyang mapapangasawa, ang paganong gobernador na si Conan Meriadoc ng Armorica. Matapos tangayin ng isang mahiwagang bagyo sa isang pantalan sa Gaul (ngayon ay Pransya), nagdesisyon si Ursula na magsagawa muna ng isang pilgrimage sa Roma bago tuluyang magpakasal. Sa kanilang pagbabalik, pagdaan nila sa Cologne, Alemanya na noon ay kasalukuyang sinasalakay ng mga paganong Hun, pinugutan ng ulo ang mga kasamang dalaga ni Santa Ursula samantalang siya naman ay pinatay sa pamamagitan ng pagpana ng palaso nang tumanggi siyang magpakasal sa pinuno ng mga Hun, taong 383. 

Ang pagkakatuklas sa Cologne noong taong 1155 ng isang sinaunang libingang Romano na pinaniniwalaang kinahihimlayan ng mga nasabing dalagang martir ay nagbigay buhay sa mas marami pang alamat. 

Ang pagpatay kay Sta. Ursula at mga
kasamahang mga dalaga
Sa paglipas ng panahon, maraming pagbabagong naganap sa alamat ni Sta. Ursula at ng kanyang mga kasama. May nagsasabi na taliwas sa 10 kasamahan na bawat isa ay may mga kasamang 1,000 mga kadalagahan, sinasabihing mayroon lamang siyang isang kasama na ang pangalan ay Undecimilla, na napagkamalian bilang “undecim millia” na ang kahulugan ay 11,000. Ano man ang katotohan sa paligid ng alamat, ang tiyak ay may isang simbahan na ipinangalan kay Sta. Ursula sa Cologne. 

Si Santa Ursula ay kinikilalang patrona ng mga babaeng mag-aaral kaugnay ng pagkapili sa kanya ni Santa Angela de Merici na patrona ng orden ng mga madreng kanyang itinatag na ang karisma ay ang pagtuturo at paghuhubog sa mga kabataang babae. 

Sa sining at ikonograpiyang Kristiyano, madalas isalarawan si Sta. Ursula na may suot na korona bilang isang prinsesa, may tangan sa isang kamay na mga palaso na nagpapahiwatig na siya ay isang martir at may hawak ding isang tungkod ng isang peregrino na may puting istandarte na may nakapintang pulang krus tanda ng tagumpay. 

Ang kanyang kapistahan ay ginugunita tuwing ika-21 ng Oktubre. 

Noong 1969 dahil sa magkakaiba at kung minsan ay tali-taliwas na istorya ukol kay Sta. Ursula, tinaggal ng Santo Papa Pablo VI ang kanyang pangalan sa Kanon ng mga opisyal na Santo at Santa sa rebisyon ng Pangkalahatang kalendaryo ng Simbahan bagama't nagpatuloy pa rin ang debosyon sa prinsesang martir. 



Mga Pinagsangunian:


A Pilgrimage of Faith with Mary: Silver Jubilee Celebration of the Diocese of Antipolo. July 2011, Roman Catholic Diocese of Antipolo.

“Festivals and Traditions” retrieved from http://www.binangonan.gov.ph/about-municipality/tourism/festival-and-traditions.html on 06 June 2020.

Mga Mananayaw sa Pista ni Sta. Ursula retrieved from https://www.facebook.com/notes/taga-binangonan-ako/mananayaw-sa-pista-ni-sta-ursula/265770443461580/ on 06 June 2020.

St. Ursula and the 11,000 British Martyrs retrieved from https://www.historic-uk.com/HistoryUK/HistoryofEngland/Saint-Ursula-the-11000-British-Virgins/ on June 05, 2020.

Mga Larawan: CTTO


Comments

Popular posts from this blog

Lipa City: The Little Rome of the Philippines

Laureana "Ka Luring" Franco: The Holy Catechist of Manila

Popular Religiosity and Festivals: And They Danced with Joy before the Lord: The Subli Festival of Bauan, Batangas