Repost (from 2012)
|
Disclaimer: Hindi po ako Carlista. Nakikigamit
lang po ng picture :-) CTTO |
Ang buhay ay isang paglalakbay. At sa iyong biyahe, marami kang madadaanan at malalampasan, at sa bawat pagdaan at paglampas, may matututunan kang mga mumunting aral - sa porma at anyo ng mga tao, sitwasyon, lugar at pangyayaring kakikitaan mo sa iyong sarili sa iba't ibang yugto ng iyong biyahe.
Halika, samahan mo ako sa aking paglalagalag sa pagnanais kong mas makilala ang aking sarili at tuklasin ang nais na bokasyon ng Diyos para sa akin. O, ano? Tara na!
Sa first stop natin sa aking biyahe, ikukuwento ko ang aking vocation journey (yes, you heard it right!) sa pagse-search in sa seminaryo. Matagal tagal ko na ring binalak ito simula nang mag-exam ako dun noong October (year 2012 pa ito ha), pero nitong nakalipas na araw lang ako nagkalakas ng loob na itake ang second step (mahaba haba ang mga steps dito, apat bale lahat). Ako talaga kasi'y kinakabahan at nakadama ng katakot takot na pagsubok (O, God, why me?) kaya ako'y nagdalawang isip. Pero sa awa ng Diyos, at sa pagfollow up ng isang kaibigang pari (salamat, Pads!) ay natagpuan ko na lang ang sarili ko sa pintuan ng seminaryo (Sympre, sumakay muna ako sa bus papuntang Maynila at bumaba sa overpass na yon - dyan sa may Makati - clue ba ito? haha). Pero, flash back muna tayo, kasi natutunan ko ang style na ito sa lit prof ko nuon sa college - "medias res" daw, nagsisimula daw ang kwento sa kalagitnaan ng aksyon, ganyan daw ang style ng pagkasulat ng mga Greek epics gaya ng Iliad at Odyssey ni Homer. Any way, very epical din naman ang aking "calling" kung tutuusin. hehe.
Bata pa ako, mahilig na talaga ako sa pagsimba (lagi nga akong kasama ng nanay ko sa simbahan) at di ko alam kung bakit talaga namang ako'y namangha sa mga madre (sa eskwelahan kasi ako ng mga madre nag-aral para sa aking elementary) at mga pari (madaming pari dine sa bayan naming are sa isla ng Luzon) O.A. ang aking kaalaman sa mga pari at madre kasi alam na alam ko kung anong congregation sila kabilang base lamang sa kanilang uniform (habit) at kwintas na suot. At alam ko kung saan ang kanilang kumbento at kung sino ang founder nila. Kung may quiz bee nga ng mga kongregasyon ng pari at madre, siguradong champion ako dyan! haha. (yabang, ah).
Tapos, noong nagtagal tagal, dahil siguro lagi ko naiisip, parang nagkikilos pari na rin ako.... kaya madalas noong college, napapagkamalan akong Philo major though malayo naman dun ang kurso ko at di pangkaraniwang tinatanong randomly na "Gusto mo ba magpari?" na kaagad agad ko namang sasagutin ng "Naku, ay HINDEEE...." "No way!" Hindi ko alam, pero talagang labas sa ilong ang mga sagot kong iyon, though napaka-automatic (Wag mo nang itanong kung bakit dahil di ko rin alam. haha).
At ngayon namang nagtatrabaho na ako, madalas may nagmamano sa akin, akala talaga pari ako (di ko lang alam kung may kinalaman dyan ang aking tyan- tyan prayle na kasi ako ngayon eh - kakatoma nung araw). Isang araw pa nga, may madreng nagmano sa akin, akala talaga pari ako.... ewan ko naman at nung inabot ang kamay ko, eh sabay umang ko rin nga naman (haha) talagang nangliit naman ako sa hiya! At pagkatapos sinundan pa ako ng bangungot (talagang bangungot eh) na yan kahit sa pagpunta ko isang araw sa Hongkong (yabang! haha). May nakausap akong dalawang kapwa teacher sa paglulunch (umaatend kami ng komperensya noon) at nang kami'y magkakausap na, eh in-address akong father, sabay tanong na pari po ba kayo? nung isa kong kausap na teacher din. Sympre, napangiti lamang ako... sabay sabing "hindi po."
Balik pa tayo sa mas malayong panahon, pasensya na kung sabog-sabog ako magkwento (tao lang) at first ko ito ih (salamat sa patience). Puntahan naman natin ang madramang parte ng buhay ko (ihanda na ang mga panyo!)
Mga around 2000, nadiskubre na may diabetis ang tatay ko.... at dahil dyan, nagsimula na syang maglabas masok sa ospital at unti-unti nang nanghina ang kanyang katawan... Hanggang sa dumating ang panahon na kinailangan na siyang idialysis twice a week at naging semi-bed ridden na. Kahit di kami masyadong close ng aking tatay (lagi kasi syang wala dahil sya ay militar) at lagi kaming nagdidiskusyon pag dumadating sya (galit sya sa mga pari ih) eh mahal na mahal ko siya ganon din ang aking nanay (cheesy - haha. Di ko nga lang mashado nasabi nung nabubuhay pa sya - tatay ko yun, buhay pa nanay ko hanggang ngayon! haha) kaya panay ang dasal ko noon lalo na sa Mahal na Birhen ng Ina ng Laging Saklolo (pero di naman ako umabot sa paglakad ng nakaluhod sa Redemptorist) at kay San Vicente Ferrer (sya lamang ang santong talaga namang sinukuan ni erpat). Sabi ko eh sana naman ay bigyan pa ng mahaba-habang buhay ang aking ama at pagalingin siya sa kanyang karamdaman. Pero parang lalo yatang lumala ang sakit nya eh (di yata ako malakas kay Lord) hanggang sa talaga namang kami'y naubusan (igang-iga ih) ng pera dahi sa kanyang mga medical expenses. Grabe talaga ang mga panahong iyon. Nabaon ako sa utang lalo na sa mga credit cards. Tawag nang tawag mga yan, naniningil lahat... pero okay lang, basta para sa pagpapagamot ni tatay sabi ko bahala na.
Hanggang dumating ang 2007, namatay na rin nga si tatay matapos ang halos isa't kalahating taon ng pagpapadialysis. Ako'y nagpasalamat na rin at sa wakas, makakapahinga na rin sila. At kahit papaano, bago sya sumakabilang buhay ay nabigyan naman ng anointing of the sick at nakapangumunyon linggo-lingo at nakapangumpisal din. Sa aking tingin ay mapayapa syang umalis patungo sa langit.
Nang araw na iyon, (nang sumakabilang buhay ang tatay ko) maaga akong pumunta sa school dahil meron kaming programa at ako ang in-charge. Napansin ko si tatay, parang nakatingin sa akin, pero lampas ang tingin. Hindi ko na lang pinansin dahil sa ako nga ay nagmamadali... Pumasok na ako sa school. Sumapit ang alas 9 ng umaga. Nag-ring ang celfone ko. "Pinsan, wala na ang tatay mo..." sabi nung nasa kabilang linya. Wala na akong nasabi kundi, "Ha? Sige, uuwi na ako..." Ganon pala ang damdamin ng nawalan ng tatay, parang biglang kumawala lahat ng aking lakas, parang hinigop papataas ng hangin, palabas sa aking katawan... Ako'y parang na-uupos na kandila. Hindi ko maigalaw ang aking mga paa.
Namroblema na naman kami ni nanay. Wala pareho kaming hawak na pera. Pero marunong talaga ang Diyos (praise God!). Biglang nagdatingan isa-isa ang aming mga kamag-anak na may mga kung ano-anong dala. May nagdala agad ng isang kabang bigas, at may nag-abot agad sa nanay ng pera, saka na daw pag-usapan pagkatapos ng libing. Natapos at natapos ang lamay na hindi kami namroblema sa pera. Kay buti talaga ni Lord!
2008, nag-volunteer akong magturo sa seminaryo (sympre, may iba pa akong trabahong full time bukod dito) at nakakatuwa ang klaseng una kong tinuruan - mga fourth year high school (third year college na sila ngayon). Napakabibibo at babait ng mga batang ito at sa aking palagay, maraming magiging pari sa grupong ito. Sympre, naappreciate ko naman nang husto ang pananatili ko sa seminaryo kaya't narito pa rin ako hanggang ngayon (2012 na ngayon). Mashado akong inspired sa pagtuturo sa kanila at palagi nila akong sinasabihan na bakit di din daw ako magpari kagaya nila. Sympre, eto na naman ako parang sirang plaka, tanggi na naman nang tanggi. Ang aking mga estudyante ngayong school year 2011 - 2012 ay pinadalahan ako ng sulat (para sa teachers' day) na talagang aking pinakatatago.
(After though: Bago natin basahin ang sulat, talagang may commercial muna ano? haha. Sa first batch ng tinuruan ko sa Minor seminary, may dalawang naging pari at halos magkasabayan kaming inordinahan noong 2019. At mayroon pang isang sa kasalukuyan ay diyakono naman.)
O, eto ang laman ng sulat (haha):
"Dear Sir xxxx,
Sa lahat po ng mga titser namin, kayo po ang pinakabanal sa lahat. Nang magkwento nga po si Ms. xxx sa amin, sabi nya po ay ang table nyo daw po ay puno ng mga santo. Tapos kadami nyo pa pong alam na teachings of the Church at life of the Saints. Sya sir, magpari na rin kayo. Hehe.
Salamat po sa lahat. Sa pag-unawa sa amin ay kayo po talaga ang the best. At idol din po namin kayo sa pag-aadvice. Salamat po talaga sa lahat! God bless you
Happy teachers' day!"
Kasabay ng pagtuturo ko sa seminaryo ay ang pagbabasa rin ng mga literatura tungkol sa religious / priestly vocations. Talagang sinuyod ko ang buong net sa paghahanap at pagbabasa ng mga resources on "vocation discernment" at late vocation (34 na kasi ako noong panahong ito). Kaya naman on high spirits ako sa mga panahong ito (hindi sa droga ha? hehe). Kaya naman naglakas loob akong mag-apply sa isang religious order na may pag-aaring sikat na unibersidad sa Maynila (pumili ng isa sa mga ito: a. Adamson b. UST c. Ateneo). Pasado ako sa I.Q. test (feeling ko nga eh halos naperfect ko yung IQ test eh. haha - wala itong bola) Kaya yun, ini-schedule ako sa panel interview (paktay ako dyan!) at dahil sa madalas ay kinakabahan ang kaibigan nyo kapag humaharap sa mga ganyang klase ng pagsubok (para lang akong nasa inquisition na nililitis at sa isang pagkakamali ay iuutos na ako'y sunugin sa plaza mayor haha). Parang natuliro ako at nawala ako sa sarili at di nakasagot nang maayos sa mga tanong (mental block ba ito?) Kaya first question pa lang o second question yata, eh kung ano-ano na lang masabi ko.... (what da heck?). Para lang akong naging isa sa mga "thank you girls" sa mga sikat na pageant ng pagandahan ih. haha. Na-devastate ako talaga dito. Epic fail kumbaga. So sabi ko, tama na. At least I tried. Pwede nang tuldukan ang isang bahagi ng buhay ko na matagal ko nang nais alamin, kilalanin.
Then, after a year, there's a sudden change of events. Biglang bumalik ang aking pagkagusto sa pagkapari (matagal kasi ako sa denial stage). Parang ngayon naramdaman ko, the calling is real. Alam mo naman siguro ang feeling na ganito, right? Naguguluhan ka. Di ka mapakali. Kaya nagdesisyon ako.
Nag-exam ako sa seminaryo. At nakapasa ako. Sa unang dating ko pa lang sa lugar na iyon, parang nakaramdam agad ako nang kakaiba... Hindi ko maipaliwanag pero parang may kapayapaang bumalot sa aking buong katawan at parang nasabi ko sa sarili kong "I'm home" :-). Yan din ang sinabi ko noong ako'y unang dumating sa Luntiang paaralan kung saan ako'y nagtuturo ngayon.
At ayan na nga ang sumunod na yugto, pumunta ako sa search-in. Balik na tayo sa simula ng istoryang ito. haha.
ITUTULOY...
Teka muna pagod na ako eh. haha. Bukas ulit.
Comments
Post a Comment