Hulyo 12, 2020. Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Pagninilay sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo 13: 1-23
Marahil sa unang tingin, sasabihin natin na tila ang magsasaka sa kwento ni Hesus ay hindi bihasa sa pagtatanim. Sapagkat kung siya ay bihasa, hindi sana siya maghahasik ng binhi sa tabing kalsada, sa batuhan, sa dawagan. Doon lamang siya dapat magtatanim sa matabang lupa. Imposible talagang tumubo, lumago at magbunga ang binhi maliban doon sa matabang lupa. Marahil sasabihin natin, palibhasa mga mangingisda ang karamihan sa mga alagad ni Hesus, hindi siya pamilyar sa pagtatanin.
Ngunit ang magsasaka ay hindi ordinaryong magsasaka ganoon din ang binhing itinatanim Niya. Ang magsasaka ay ang Diyos na nagbabakasakali. Nagbabakasakali na ang binhi (ang Kanyang Salita) ay mabubuhay at mag-uugat sa kahit na anong uri ng lupa (mga nakarinig ng Salita). Sapagkat ang kanyang Salita ay buhay at makapangyarihan. Tumatagos sa kaibuturan ng nakakarinig. Hindi ba’t nalikha ang daigdig dahil sa kapangyarihan ng Kanyang salita, at iniligtas din ang daigdig dahil sa kanyang Salitang nagkatawang tao.
Hindi ba napakaganda ng larawan ng isang Diyos na nagbabakasakali sa atin? Bagama’t mukhang imposible, may “baka naman” pa rin laging kasama. “Baka makikinig…” “Baka magbabago…” Patuloy pa rin maghahasik. Ganyan ang Panginoon kung magmahal, pnatay-pantay. Ngunit ang pag-ibig na kanyang ibinibigay, kailangan ng tugon. Sapagkat ang lahat ay ibinibigay niya sa atin bilang imbitasyon – nasa sa atin pa rin kung tayo ay tutugon. Kung hahayaan natin ang binhi ay mag-ugat, lumago at mamunga sa atin.
Napakakapangyarihan ng Salita ng Diyos. Kaya nitong gawing matabang lupa ang batuhan at ang dawagan ng ating mga puso. Hayaan mong baguhin ka at patuloy na papanibaguhin ng Salita ng Diyos.
Mahalaga ang paalaala ni Hesus sa huli ng mabuting balita, Makinig ang mga nakaririnig! Sapagkat sa pamamagitan lamang ng pakikinig natin naibubukas ang ating sarili, ang ating puso sa Diyos at sa kapwa. Hindi ba’t ang pakikinig nga ang simula ng pag-ibig. At ang Diyos na maghahasik ay Diyos ng pag-ibig. Pakinggan natin Siya. Amen.
Comments
Post a Comment